Sunday, February 21, 2021

CPP/Ang Bayan: Dalawang paslit, biktima ng maruming gera ng rehimen

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 21, 2021): Dalawang paslit, biktima ng maruming gera ng rehimen



Habang pinagdedebatehan sa loob ng Korte Suprema kung paano nilalabag ng Anti-Terror Law ang demokratikong mga karapatan, walang puknat ang pang-aatake ng estado sa mamamayan, laluna sa mga lugar na malayo sa mata ng mga mahistrado at midya. Dalawang paslit ang naging biktima ng maruming gera ng rehimeng Duterte na tumatarget sa mga sibilyan. Marami sa mga biktima ang kasapi ng mga organisasyong paulit-ulit na ni-red-tag ng militar sa nakaraan.

Pagyurak sa mga karapatang-bata. Namatay ang isang buwang sanggol na si Baby Carlen, babaeng anak ng bilanggong pulitikal na si Nona Espinosa noong Pebrero 14 dulot ng kumplikasyon sa baga at dugo.

Tatlong araw pa lamang ang sanggol nang ihiwalay siya sa nakakulong niyang ina. Inaresto si Espinosa at walong iba pa noong Setyembre 2020 sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa Maguindanao, tuluyan nang namatay ang batang si Saad Abdulkadir Tumbi noong Pebrero 14 dulot ng impeksyon sa mga sugat na natamo niya mula sa pambobomba ng 6th ID. Tulog siya nang tamaan ng splinter ng mortar ang bahay ng kanyang pamilya sa Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao noong Disyembre 13, 2020. Apat pang sibilyan, kabilang ang isang bata, ang naiulat na nasugatan sa pambobomba.

Pulitikal na pamamaslang. Binaril hanggang sa mapatay ng dalawang salarin si Lucresia Tasic, konsehal ng barangay, sa kanyang tahanan sa Hanopol Norte, Balilihan, Bohol noong Pebrero 16. Tagasuporta at nangampanya si Tasic para sa Anakpawis Party-list sa nagdaang mga eleksyon.

Tatlong magsasaka ang pinatay ng mga elemento ng 90th at 72nd IB sa Marinangao, Barangay Sarayan, Pres. Roxas, North Cotabato noong Pebrero 8.

Pinalabas ng mga pulis na “nanlaban” sina Buenaventura Dawal, ang kasama niya sa bahay na stap ng isang lokal na institusyon sa agrikultura at si Dennis Nogollos na opereytor ng makinang pang-ispray sa sakahan ng baryo.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis si Rogelio de Asis, tagapangulo ng Pamalakaya-Caraga at myembro ng Promotion of Church People’s Response, sa kanyang tahanan sa Barangay Matabao, Buenavista, Agusan del Norte noong Pebrero 11. Sinampahan si de Asis ng gawa-gawang kasong pagpatay.

Inaresto ng mga pulis noong Pebrero 6 ang aktibistang si Vilma Dalangin-Yecyec, 72, sa Mainit, Surigao del Norte. Ang biktima ay isang manggagawang pangkalusugan sa komunidad na pinaratangang myembro ng BHB.

Sa Baggao, Cagayan, sinalakay ng pulis ang bahay ni Ruben Salvador, kapitan ng Barangay Agaman, noong Pebrero 8. Hinalughog ang bahay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Shiela Gacutan-Labuguen ng Baggao Municipal Trial Court. Pinalabas ng mga pulis na nakakuha sila ng armas at eksplosibo.

Pambobomba. Makailang-ulit na binomba ng militar ang mga kalapit na komunidad ng Barangay Masaya, Buenavista, Quezon matapos makasagupa ng yunit nito ang isang yunit ng BHB noong Pebrero 5 ng madaling araw sa naturang barangay. Dahil dito, mahigit 26,200 residente sa magkakanugnog na bayan ng Buenavista, San Narciso, Catanauan at Mulanay ang nagambala at natroma. Sa ngayon, ipinaiilalim ng mga sundalo ang 20 bayan ng Lopez, Macalelon, General Luna at Catanauan sa nakapokus na mga operasyong militar.

Sa Mountain Province, dalawang helikopter ang nambomba sa sakahan at pastulan ng mga residente ng Barangay Tamboan, Besao noong Pebrero 11. Sinundan ito ng walang patumanggang istraping ng mga tropa ng 7th ID at Philippine National Police-Cordillera.

Panggigipit. Pinalalayas ng Bureau of Immigration sa bansa si Otto De Vries, isang misyunero mula sa the Netherlands at kasalukuyang boluntir na mananaliksik sa Ecumenical Institute for Labor Education & Research.

Demolisyon. Higit 50 bahay ang iligal na dinemolis ng 150 tauhan ni Pablito Encarnacion, mangangamkam ng lupa, katuwang ang mga pulis, sa Barangay Liwayway, Sta. Rosa, Nueva Ecija noong Pebrero 17.

Walang permit o abiso ang mga pulis na sumugod sa komunidad.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/02/21/dalawang-paslit-biktima-ng-maruming-gera-ng-rehimen/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.