Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 18, 2021): Dalawang taon ng RLL, pasakit sa magsasaka at taumbayan
ARMANDO CIENFUEGOSPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
FEBRUARY 18, 2021
Pinatutunayan ng kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa palayan at umiiral na krisis sa pagkain ang kainutilan at kapalaluan ng ipinasang Rice Liberalization Law (RLL) ng rehimeng Duterte noong Pebrero 15, 2019. Wala itong kabutihang idinulot at sa katunaya’y naging salot lang sa kabuhayan ng masang anakpawis.
Sa pagsasabatas ng RLL, tinanggal na ang limitasyon sa pag-angkat ng mga rice traders/importers ng bigas at ang pagpapadali ng proseso nito. Nawala na ang papel ng National Food Authority (NFA) bilang regulador ng importasyon ng bigas. Resulta nito ay ang pagbaha ng imported na bigas sa pamilihan at sa kabilang banda ay ang pagsadsad ng presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka. Sa napakababang presyo na P8-12 kada kilo, kulang na lamang ay hingin mula sa palad ng mga magsasaka ang kanilang inaning palay sa rehiyong TK. Marami sa mga magsasaka ang napilitang iwan na ang kanilang sakahan at magpaupa na lang sa iba at sa pinakamalala’y mapilitang isangla o ibenta ang sinasakang palayan bunga ng pagkakabaon sa utang. Maging ang mga konohan sa mga baryo ay nangagsipagsara na sa kawalan ng palay na gigilingin.
Sinertipikahan ni Duterte bilang urgent bill ang RLL na inisponsor ni Senador Cynthia Villar at niratipikahan ng Senado nang walang pagtutol. Anila, bababa ang presyo ng bigas kapag dumagsa na ang murang imported na bigas sa pamilihan. Ngunit ang kabalintunaan nito, bagaman bumaha ng imported na bigas sa mga palengke, hindi naman bumaba ang presyo nito. At hanggang sa kasalukuyan, naglalaro ang presyo ng bigas sa P40-45 kada kilo habang patuloy na binabarat ang bentahan ng palay ng mga komersyante-usurero.
Higit na naging mapaminsala ang RLL sa panahon ng pandemya kung saan bumagsak ang kabuhayan ng buong bayan. Walang trabaho at walang kita, gutom ang inabot ng mga magsasaka. Walang sapat na ayuda ang gubyerno sa mga naapektuhang mga magsasaka. Sa 2.4 milyong magsasaka sa palayan — nasa 50,000 magsasaka lamang na rehistrado sa DA ang nabigyan ng P5,000-ayuda noong Abril 2020.
Sa kasagsagan ng gutom at kahirapan sa kanayunan, ang ipinagmamalaking Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) bilang ayuda diumano sa mga magsasaka ay di man lamang nasilayan. Ang nasabing pondo ay kokolektahin mula sa taripang ipinapataw sa mga imported ng bigas ngunit sa dalawang taon ng pagpapatupad ng RLL, hindi malaman ng mga magsasaka at kahit ng mismong gubyerno kung saan na napunta ang RCEF.
Malinaw pa sa sikat ng araw na sagka sa interes ng mamamayan ang RLL na isinabatas ng rehimen bilang pagtalima sa neoliberal na patakaran ng kanyang imperyalistang among US. Hindi nito tinugunan ang krisis sa mataas na presyo ng bigas, at lalo lamang ibinagsak ang lokal na industriya ng palay. Hindi nito sinasawata ang mga kartel sa bigas na siyang nagmamanipula ng presyuhan ng palay at bigas. Sa pagpapahintulot sa pag-iimport ng bigas ng pribadong sektor, lalong pinalakas ng RLL ang kapangyarihan ng kartel na dati nang kumokontrol sa 45% ng pamimili ng butil at 85% ng pagbebenta nito sa pamilihan.
Wasto at makatarungan ang pagtutol ng mamamayan sa RLL. Sa dalawang taong pag-iral nito, napatunayan lamang na ibayong pagpapahirap ang idinulot sa mga magsasaka at taumbayan. Dapat na itakwil ng mamamayan ang RLL kasama ang liberalisasyon sa agrikultura na pamamaraan at dikta ng imperyalismo upang patuloy na pagkakitaan ang mga kolonya’t malakolonya tulad ng Pilipinas.
Ang ikalawang taon ng pagpasa at kabiguan ng RLL ay patunay na walang aasahan ang masang magsasaka sa rehimeng Duterte kundi patuloy na paghihirap at pagkawasak ng natitira pang dahop na kabuhayan. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng digmang bayan magwawakas ang pang-aapi’t pagpapahirap na daan-taon na nilang dinaranas. Sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo, milyong magsasaka na sa buong bansa ang nabenipisyuhan ng mga programa ng rebolusyonaryong gubyerno. Sa TK, libu-libong ektarya ng lupa ang naipamahagi na ng mga lokal na rebolusyonaryong gubyerno sa mga maralitang magsasaka bunga ng kanilang pakikibaka
Nananawagan ang MGC-NPA ST sa lahat ng mga magsasaka, manggagawang bukid, setler at maralitang mamamayan sa kanayunan na mangahas makibaka at lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng PKP. Ipagtagumpay natin ang digmang bayan at itayo ang isang gubyernong maglilingkod sa interes ng mga magsasaka at magtataguyod sa tunay na pag-unlad ng agrikultura at kanayunan.###
https://cpp.ph/statements/dalawang-taon-ng-rll-pasakit-sa-magsasaka-at-taumbayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.