Nang manalasa ang pandemyang Covid-19 sa Pilipinas, pinanatiling bukas ang pagmamanupaktura ng pagkain dahil sa pagkilalang esensyal ito sa lipunan. Pinayagang mag-opereyt nang hanggang 90% ang malalaking pabrika ng pagkain noong Abril 2020 sa gitna ng mahigpit na lockdown. Gayunpaman, maraming katamtamang-laki at maliliit na establisimyento ang nagsara dulot ng mga restriksyon sa pampublikong transportasyon at pagbagsak ng pangkalahatang demand.
Bumagsak nang 18% ang bolyum at halaga ng pagmamanupaktura ng pagkain sa 2020. Malaking bahagi nito ay dulot ng mga kakulangan ng suplay ng imported na hilaw na materyales at sangkap na apektado ng pagsasara ng mga hangganan at krisis sa internasyunal na transportasyon. Bago ang pandemya, lumaki ang subsektor nang abereyds na 5%-6% kada taon (2012-2017).
Pinakamalaking subsektor sa pagmamanupaktura ang paggawa ng pagkain sa usapin ng dami ng establisimyento at iniempleyong manggagawa. Noong 2018, binuo nito ang 31.4% ng lahat ng mga establisimyento sa pormal na ekonomya. Nag-eempleyo ito ng 151,514 manggagawa, na kalakhan ay kalalakihan.
Noong Abril 2020, nag-ambag ang subsektor ng 7.9% sa gross domestic product (GDP o pangkabuuang lokal na produksyon) ng bansa. Nasa 90% ng nililikha nitong produkto ay para sa lokal na konsumo.
May pitong grupo ang pagmamanupaktura ng pagkain (pagpoproseso ng pagkain na ginagamitan ng makina). Pinakamarami ang mga establisimyento sa pagpoproseso ng giniling na butil—mayorya (51%) para sa harina at 38% sa palay at mais.
Kasunod dito ang mga subsektor ng pagpoproseso at pagpepreserba ng karne, isda at ibang pagkaing dagat, gulay at prutas, pagmamanupaktura ng mantika at taba mula sa gulay at hayop, at pagmamanupaktura ng produktong gatas at mga produktong gawa sa gatas.
Pinakamarami ang mga kumpanya (40%) at pinakamalaki ang benta (22%) ang pagmamanupaktura ng “samutsaring pagkain”—ang grupo kung saan pinagsama ang ibang pagkaing di nakaklasipika. Halos kalahati ng grupong ito (45%) ay produksyon ng gawang-harina na nudels. Hiwalay na sektor ang pagmamanupaktura ng mga inumin.
Apat sa pitong grupo ng paggawa ng pagkain (butil, karne, gatas at samutsaring pagkain) at ang sektor ng inumin ay buo o halos buong nakaasa sa imported na hilaw na materyales. Gumagamit sa kalakhan ng lokal na materyales ang tatlo pa (isda, gulay at prutas, mantika). Gayunpaman, nakaasa pa rin ang mga ito sa dayuhang mga sangkap na panghalo, pampalasa at pampreserba.
Buong iniimport ang trigo para sa harina at mga produktong gawa sa harina, at butil ng soya para sa mga pagkaing hango sa mga ito. Halos 100% na iniaangkat ang hilaw na materyales para sa gatas at mga produktong gawa sa gatas tulad ng keso at mantikilya.
Bago lumaganap ang African Swine Fever noong 2018, 85% na ng pinoprosesong karne ay imported. Ito ay sa kabila ng sobra-sobra sa taunang pangangailangan ng bansa ang kayang iprodyus ng lokal na mga magbababoy sa naturang panahon. Sadyang di gumagamit ng lokal na karne ang mga nagmamanupaktura dahil di umano angkop ang kalidad nito sa pagpoproseso. Ang ginagamit na sangkap sa maraming pinrosesong karne (hotdog, karne norte, burger) ay karneng nakadikit sa buto, balat, laman-loob, taba at iba pang piraso at bahagi na hindi kinakain sa ibang bansa at sa gayon ay mas mura.
Dayuhang sangkap din ang ginagamit para sa pagpoproseso, pampalasa, pagtanggal ng amoy at iba pang pampreserba ng mga gulay at prutas.
Dominado ng mga kumpanyang dayuhan at ng malalaking burgesya-kumprador ang sektor. Pinakamalaki ang rebenyu ng Nestlé Philippines, subsidyaryo ng Nestlé Global ng The Netherlands. Kasunod nito ang Universal Robina Corporation ng pamilyang Gokongwei, Monde Nissin na pagmamay-ari ni Betty Ang, Century Pacific Food ng pamilyang Po, San Miguel Purefoods-Hormel na pinamumunuan ni Ramon Ang, Pilmico Foods Corporation ng pamilyang Aboitiz, Alaska/Royal FrieslandCampina ng The Netherlands.
Humina ang pangkalahatang produksyon ng subsektor pero kumita ng milyun-milyon ang malalaking kumpanya ng pagkain sa gitna ng pandemya. Napakalaki ng kinita ng Monde Nissin Corporation, halimbawa, na sa kauna-kaunahang pagkakataon ay pumasok ang may-ari nitong si Betty Ang sa listahan ng Forbes ng pinakamayayamang Pilipino nitong taon.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/21/pagmamanupaktura-ng-pagkain-sa-pilipinas-nakaasa-sa-dayuhan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.