Monday, November 22, 2021

CPP/Ang Bayan: Buntalan ng mga tirano

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom Website (Nov 21, 2021): Buntalan ng mga tirano
 


Matapos ang ilang buwang maniobrahan sa pagitan ng mga kampo ng Marcos, Arroyo at Duterte o MAD, buo na ang tambalan ng mga magnanakaw at umuusbong na mga tirano sa katauhan nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.

Gayunpaman, patuloy na nagbubuntalan ang mga personalidad ng alyansang MAD. Lumundo ito noong Nobyembre 15, huling araw kung saan pwedeng umatras at maghalinhan (substitusyon) ang mga kakandidato. Ayon sa rekord ng Commission on Elections o Comelec, mayroong 97 kandidato sa pagkapresidente, 29 para sa pagkabise-presidente at 176 sa pagka-senador noong Oktubre 8 pagkatapos ng paghahain ng mga certificate of candidacy. Pagkatapos ng Nobyembre 15, natapyasan ito at naging 94 sa pagkapresidente, 25 sa pagkabise-presidente at 171 sa pagka-senador.

Iniatras ni Duterte-Carpio ang kanyang kandidatura bilang meyor ng Davao City tatlong araw bago ang huling araw para sa paghahalinhan. Sa sumunod na araw, naghain siya ng papeles para kumandidato bilang bise-presidente sa ilalim ng Lakas-CMD, partido ni Gloria Arroyo. Napilitan si Duterte-Carpio na pumayag na magbise dulot ng pagtanggi ng kampong Marcos na bitawan ang pagkakataong lubusang makabalik sa MalacaƱang.

Umapaw ang galit ni Rodrigo Duterte sa pagmamatigas ng mga Marcos at pagpwesto sa kanyang anak sa mas mababang pusisyon. Pinatakbo niya para sa pusisyon ng presidente ang kanyang alalay na si Christopher Go para agawin ang mga boto ni Marcos Jr. laluna sa Mindanao. Naghapag din siya ng sariling kandidatura para sa senado. Tinawag ng mga demokratikong grupo ang maniobrang ito ni Duterte bilang “desperadong tangka” para makaiwas sa mga kasong kriminal na naghihintay sa kanya pagkatapos ng kanyang termino.

Sunud-sunod ang bira ni Duterte kay Marcos Jr. para tiyaking hindi siya tatraydurin nito. Noong gabi ng Nobyembre 16, ipinatawag niya ang 95 kongresista para diktahan sila sa pagsuporta sa kandidatura ni Go.
Samantala, tatlong kasong diskwalipikasyon na ang nakasampa sa Comelec laban kay Marcos Jr.

Nakabase ang mga petisyon sa kanyang kabiguang ideklara sa kanyang sertipikasyon sa pagkakandidato ang “di mapasusubaliang katotohanan” na nahatulan siyang nagkasala ng korte noong 1995. Dalawa ang kaso niya noon sa di pagbabayad ng buwis na labag sa National Internal Revenue Code. Alinsunod sa mga probisyon sa batas, ang sinumang pampublikong upisyal na nahatulang nagkasala na lumabag dito ay maaaring patawan ng maksimum na parusa ng habambuhay na diskwalipikasyon na humawak ng anumang pusisyon sa pampublikong upisina, bumoto o lumahok sa anumang eleksyon.

Hindi nakulong si Marcos Jr. Nilabanan ng kanyang mga abugado ang hatol at napabaligtad ang ilan sa mga kaso. Noong 1997, iniatras ng Court of Appeals ang sentensyang pagkakabilanggo pero pinanatili ang multa na ₱32,000. Naging pinal ang hatol noong 2001.

Ang tatlong grupong naghain ng reklamong diskwalipikasyon ay mula sa mga samahang sibiko, mga nagbabayad ng buwis, taong simbahan, mga grupong nagtataguyod ng karapatang-tao tulad ng Karapatan, Kapatid, Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto at Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law.

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/21/buntalan-ng-mga-tirano/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.