Tagadeliber si Emil sa isang pagawaan ng mwebles. Bago ang pandemya, sumasahod siya ng ₱15,000 kada buwan. Pero mula 2020, sumasahod na lamang siya ng ₱5,000 kada buwan matapos arbitraryong kaltasan ng kanyang employer. Dahil kapos na kapos, naobliga siyang pumasok sa ilang saydlayn na trabaho. Pero kahit ano ang pagbabanat na gawin niya, hanggang ₱3,000 lamang ang naidadagdag sa kanyang kinikita.
Kulang na kulang ito para mapunan ang ₱16,750 pinakabatayang pangangailangan ng kanyang asawa at apat na anak, at byenan. Hindi pa kasama sa kwentada ang mga gastusin sa transportasyon, bahay, medikal at iba pang pangangailangan.
Sa buong taon ng 2021, walang tigil ang laban ng mga manggagawa para sa disenteng sahod at katiyakan sa trabaho sa gitna ng pandemya. Noong Enero, nanawagan ang mga grupo ng manggagawa ng dagdag na ₱100 kada araw na subsidyo para makaagapay sa hirap ng pandemya at implasyon. Noong Nobyembre 7, muling nangalampag ang Makabayan sa Kongreso na ipasa ang batas para sa dagdag na sahod sa harap ng tuluy-tuloy na pagsirit ng mga presyo ng produktong petrolyo sa loob ng 10 linggo.
Hanggang ngayon, wala pa ni isang sentimo ang itinaas sa sahod ng mga manggagawa sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Sa datos ng estado, pumalo ng 4.6% ang implasyon sa Oktubre, malayo sa target nitong 2%-4% sa simula ng taon. Ang pagsirit ng mga presyo ay pinakaramdam ng 30% ng mga pamilya na may pinakamabababang kita. Ito ay dahil mas malaki ang ginagastos nila para sa pagkain at inumin, na mas mabilis na sumisirit kumpara sa ibang pangangailangan. Noong Setyembre, pinakamabilis ang pagsirit ng presyo ng karne (15.2%), gulay (12.7%) at isda (9.4%).
Ayon sa Ibon Foundation, si Duterte ang pinakabarat at pinakamababang magbigay ng dagdag sahod sa nakalipas na 35 taon. Ayon sa pag-aaral ng Kilusang Mayo uno, dalawa hanggang tatlong beses lamang na tumaas ang sahod sa kada rehiyon mula nang maluklok si Duterte sa pwesto noong 2016, na nagkakahalaga lamang ng ₱50 sa abereyds. Noon pang Marso 2020 pinakahuling naglabas ng kautusan ang rehimen para itaas ang sahod (₱25 na dagdag sahod sa Cagayan Valley).
Sa National Capital Region (NCR), nasa ₱537 lamang ang minimum na sahod. Pero dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa ay ₱434 lamang. (Ang tunay na halaga ng ₱1 sa kasalukuyan ay ₱0.36 na lamang kumpara sa halaga nito noong 2000.)
Lalong hindi sasapat ito kung susukatin ang family living wage (FLW o nakabubuhay na sahod para sa isang mag-anak na may limang myembro) sa NCR. Sa pinakahuling kwentada noong Hulyo, upang mabuhay nang disente, kailangang kumita ang isang pamilyang may limang myembro ng ₱1,065 bawat araw (o ₱25,091 kada buwan).
Mas masahol ang kalagayan ng mga manggagawa sa ibang mga rehiyon kung saan mas mababa ang sahod. Pinakamababa ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa industriya at serbisyo sa Ilocos Region (₱282-₱340), kasunod ang Bangsamoro (₱300-₱325). Sa dalawang rehiyon din ang pinakamababang minimum para sa mga manggagawa sa agrikultura (₱282-₱295 sa Ilocos, at ₱290-₱300 sa Bangsamoro).
Dagdag ng Ibon, kung bibigyan lamang ng suporta ng gubyerno ang mga manggagawa, maiibsan ang kanilang paghihirap. Maliban sa pautang sa maliliit na negosyo upang ipambayad sa kanilang mga manggagawa ay dapat ding ipwera ang mga ito sa pagbabayad ng buwis, lalupa’t walang kita ang karamihan sa mga ito sa panahon ng pandemya. Sa konserbatibong pagtaya, mahigit kalahati ng mga micro, small and medium enterprises (MSME o mga negosyong katamtamang-laki, maliit at mas maliit) ang nagsipagsara nitong pandemya. Nag-eempleyo ang mga ito sa halos 63% ng lakas paggawa sa bansa.
Lubhang kulang at batbat sa kapalpakan ang suporta mula sa gubyernong Duterte para sa mga MSME at mga manggagawa. Nitong Nobyembre, nag-anunsyo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpapautang ang gubyerno sa mga MSME para sa 13th month pay ng kanilang mga manggagawa. Pero sa mahigit 952,000 MSME sa buong bansa, 15,000 negosyo lamang ang sakop ng programa ng DOLE na may badyet lamang na ₱500 milyon.
Mahigit 100 na ang MSME na nag-aplay ng utang, pero 10 pa lamang ang naaprubahan. Maliban dito ay kakaltasan din ng 4% service fee ang uutangin ng mga MSME. Masaklap pa, ang inaasahang gagastusin ng mga pamilya ng manggagawa sa Pasko ay sa Marso 2022 pa makukuha. Itinutulak pa ng DOLE na imbes na pera ay groseri na lamang ang ipamigay.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/21/kapos-na-manggagawa-sa-gubyernong-pabaya/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.