Katulad ng inaasahan, nabuo ang alyansang pang-eleksyon ng mga Marcos, Arroyo at Duterte (MAD) sa anyo ng pagtakbo ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. (Bongbong) bilang presidente at Sara Duterte-Carpio bilang bise-presidente sa eleksyong 2022. Nabuo ang tambalang ito matapos ang tusong mga maniobrahan, girian at negosasyon sa pagitan nitong mga pangkating pinakaganid sa poder, yaman at pribilehiyo.
Binubuo ang alyansang ito ng pinakabulok at pasistang mga pangkating reaksyunaryo sa Pilipinas. Ang panahon ng paghahari ng mga ito sa Pilipinas ang pinakamadidilim na panahon sa kasaysayan ng bansa. Iwinaksi nila ang demokratikong gayak ng reaksyunaryong estado at lantarang naghari sa pamamagitan ng paninindak, madugong panunupil at pagpatay, walang-pigil na pagnanakaw at pandarambong sa kaban ng bayan, at pagtataksil sa bayan.
Sa nagdaang mahigit limang taon, ang mga pangkating ito ang pinakanakinabang sa ilalim ng tiraniya ni Duterte. Nabundat sila sa malalaking proyektong imprastruktura at kontrata sa gubyerno. Pinagkakitaan maging ang pandemya habang lugmok ang bayan sa labis na pagdurusa.
Pakay ng tambalang pang-eleksyon ni Marcos at Duterte-Carpio na gawing ganap ang panunumbalik ng mga Marcos sa poder, tatlo’t kalahating dekada matapos patalsikin ang diktadurang Marcos sa pag-aalsang EDSA. Sa nagdaang mga taon, ibinuhos ng mga Marcos ang bilyun-bilyong piso sa isang kampanya ng panlilinlang upang burahin ang malalaking krimen ng diktadurang Marcos sa mga pahina ng kasaysayan at sa kamalayan ng bayan.
Sa kabila ng nabuong tambalang Marcos Jr. at Duterte-Carpio, litaw din ang mga bitak na posibleng lumaki pa sa darating na mga buwan. Hayagang nagpahayag ng pagkadismaya si Duterte na kumandidato si Sara bilang bise-presidente matapos ilang buwang nagbuhos ng pondo para itambol ang pagpapatakbo sa kanya bilang presidente katambal si Bong Go bilang bise. Bumangga ito sa ambisyon ni Marcos Jr. na magpresidente. Bagaman lantad din noon ang suporta ni Arroyo sa pagpresidente ni Duterte-Carpio, nagparaya siya kay Marcos sa layuning ipreserba ang alyansang MAD. Nangangamba rin si Arroyo na mameligro ang kanilang interes kung labis na makonsentra sa kamay ng mga Duterte ang kapangyarihan.
Kinatatakutan ni Duterte na bibitawan siya katulad na hindi niya sinuportahan si Marcos Jr. sa kaso sa pagkabise-presidente sa nagdaang anim na taon. Kaya hayagan niya ngayong binibira si Marcos Jr. at itinutulak ang pagsuporta sa alalay niyang si Bong Go para magpresidente at pag-endorso sa anak na si Sara bilang bise presidente.
Maaari niyang sakyan ang kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr. at banta ng pagpapaaresto kay Imelda Marcos (na nahatulang maysala noong 2018) para makakuha ng mas malaking konsesyon at katiyakan sa hatian sa kapangyarihan (gaya ng tigtatlong taon bilang presidente ni Marcos Jr. at Duterte-Carpio). Malalaman sa mga darating pang linggo at buwan kung mapaplantsa o lalala pa ang mga gusot na ito. Gayunpaman, nananatili pa rin ang posibilidad na isaisantabi itong lahat ni Duterte at lantarang ideklara at ipataw ang pasistang diktadura.
Ang darating na eleksyon sa 2022 ay inaasahan na magiging isa sa pinakamadumi sa mga nagdaang reaksyunaryong eleksyon. Sa desperasyong kumapit sa poder at umiwas sa habla at pag-usig, tiyak na dadayain ni Duterte ang resulta ng eleksyon pabor sa kanyang mga kandidato, katulad na dinaya niya ang eleksyong 2019 para iluklok ang mga alipures niya sa kongreso at senado. Mayorya ng mga upisyal ng Commission on Elections (Comelec) ay mga tauhang hinirang ni Duterte. Sa pamamagitan ng pagkontrol sa dekompyuter na bilangan ng boto, kayang-kaya ni Duterte na malawakang manipulahin ang resulta ng eleksyon. Malaking anomalya na ang pagdedeliber ng mga balota at makinang pang-eleksyon ay ibinigay ng Comelec sa kumpanyang pag-aari ni Dennis Uy, kroni ni Duterte. Patuloy na mahigpit ang paghawak ni Duterte sa militar at pulis na ipinang-iipit niya sa kanyang mga kalaban sa pulitika sa tabing ng “gera kontra-droga” at kontra-insurhensya.
Dapat mahigpit na magkaisa ang sambayanang Pilipino laban sa pakana ng alyansang Marcos-Duterte na ipagpatuloy ang paghahari ng tiraniya at korapsyon at pagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Dapat ilantad at labanan ang mga pakana na dayain ang eleksyon.
Kailangang patuloy na buklurin ang mga pwersang oposisyon upang mabuo ang nagkakaisang hanay para tapatan sa eleksyon ang alyansang Marcos-Duterte. Ilan sa pangunahing kandidatong pagkapresidente ay anti-Duterte o nag-aastang anti-Duterte. Sa kanila, pinakamalinaw ang pagiging oposisyon si Leni Robredo. Gayunman, hindi niya inendorso ang mga kandidato sa senado ng blokeng Makabayan na isa sa pinakamalaki at pinakamatatag na muog ng paglaban sa tiraniya.
Sa harap ng halos absolutong kontrol ni Duterte ngayon sa kapangyarihan, ang tsansa nilang biguin ang pandaraya ni Duterte sa eleksyon ay lalaki lamang kung magkakaisa sila at makukuha ang suporta at mapakikilos ang milyun-milyong mamamayan. Kung mabubuo ang ganitong pagkakaisa, mas lilitaw ang pagkagarapal ng anumang tangka ni Duterte na dayain ang eleksyon. Dapat nilang ipagkait kay Duterte ang pagkakataong palabasin na hati-hati ang boto ng oposisyon para ikubli ang manipulasyon ng bilangan ng boto pabor sa kanyang mga kandidato.
Sa ngayon, dapat patuloy na paalingawngawin ng pambansa-demokratikong mga pwersa ang panawagan ng sambayanang Pilipino para buuin ang nagkakaisang prenteng anti-Duterte. Dapat pakilusin ang sambayanan para itulak ang pagbubuo ng nagkakaisang hanay ng mga kandidatong anti-Duterte para biguin ang pakana ng mga Marcos at Duterte na iluklok ang sarili sa poder.
Kaalinsabay nito, dapat patuloy na mag-organisa ang mamamayan at isulong ang kanilang demokratikong pakikibaka sa harap ng krisis sa ekonomya at pandemya at patampukin ang panawagan para isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka at ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Dapat sama-sama silang kumilos at labanan ang pambubusal at paniniil ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan. Sa harap ng mga iskema ni Duterte na panatilihin ang sarili sa poder, dapat maghanda ang sambayanan na kumilos, ipamalas ang kanilang lakas sa lansangan at gamitin ang kapangyarihan para ibagsak ang mga tirano at diktador.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/21/labanan-ang-bulok-at-pasistang-alyansang-marcos-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.