Monday, November 22, 2021

CPP/Ang Bayan: Aktibista, dinukot sa Pampanga

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom Website (Nov 21, 2021): Aktibista, dinukot sa Pampanga
 


Isang aktibista ang dinukot, dalawa ang pinatay, at tatlo ang inaresto ng mga pwersa ng estado noong nakaraang tatlong linggo. Lahat sila ay inaakusahang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Dinukot noong Nobyembre 6 ng hinihinalang mga ahente ng estado si Steve Abua, organisador ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Central Luzon sa Sta. Cruz, Lubao, Pampanga. Si Abua ay dating mag-aaral ng BS Statistics at lider-estudyante sa University of the Philippines.

Ayon sa kanyang asawa na si Johanna Abua, ilang oras mula nang dukutin si Steve ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa mga dumukot. Sa pamamagitan ng isang video call (tawag na may bidyo), ipinakita sa kanya si Steve na nakasuot ng puting t-shirt, bonnet at may busal ang bibig.

Pagpatay. Mga magsasaka ang pinaslang ng mga sundalo ng 59th IB na sina Jorge Coronacion, 64, at Arnold Buri, 43, noong Nobyembre 17. Pauwi sila noon sa Barangay Taquico, Sampaloc, Quezon. May kapansanan sa paningin si Coronacion.

Noong Nobyembre 3, pinatay ng mga sunadalo ang magsasakang si Nilo Habal sa Caramoan, Camarines Sur. Inakusahan din siyang kasapi ng BHB.

Pag-aresto. Limang aktibista at organisador ng mga progresibong grupo sa Cagayan Valley ang inaresto ng mga pulis sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Bulacan noong Nobyembre 16. Ang mga biktima ay sina Irene Agcaoili, Estelita Alamansa, Arcadio Tangonan, Lourdes Bulan at Roy dela Cruz. Apat sa kanila ay lampas 60 na ang edad at ang isa ay baldado mula sa sakit na stroke.

Inaresto ng mga pulis sa Malolos, Bulacan noong Nobyembre 14 si Maria Salome Crisostomo-Ujano, 64. Si Ujano ay tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan at mga bata.

Sa Cebu, inaresto ang lider-magsasaka ng Napo Farmers Community Organization na si Sabiniana Castro sa kasong libel noong Nobyembe 12. Dinakip siya sa kanyang bahay sa Barangay Guindarohan, Minglanilla. Nakabase ang kaso laban sa kanya sa kanyang pagbatikos sa mapanirang operasyon ng isang kumpanya sa konstruksyon.

Inaresto ang magsasakang si Pablito Bernacer Galo, kasapi ng Hugpong sa Mag-uuma sa Mabini, sa Barangay San Isidro, Mabini, Bohol noong Oktubre 29. Tinamnan ng mga ebidensyang baril ang kanyang bahay.

Panggigipit. Tumanggi ang mga pulis ng Gumaca, Quezon na ibigay sa pamilya ang bangkay ni Roderick Sinas, isang Pulang mandirigmang namatay umano sa isang engkwentro noong Nobyembre 12.

Noong Nobyembre 18, namatay sa Puerto Princesa City Jail sa Palawan si Antonio Molina, magsasakang aktibista na ikinulong sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives noong Oktubre 2019. Si Molina, 67, ay may sakit na kanser sa tiyan.

Demolisyon. Giniba ng mga tauhan ni Gregorio Araneta III ang mga bahay ng magsasaka sa Sityo Ricafort, Barangay Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan noong Nobyembre 4. Ang insidente ay bahagi ng malawakang pang-aagaw ng Araneta Properties, Inc. sa lupang binubungkal ng daan-daang pamilyang magsasaka sa naturang syudad.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/21/aktibista-dinukot-sa-pampanga/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.