Posted to Kalinaw News (Apr 27, 2021): Pagawaan ng Bombang Pambasabog ng CPP-NPA sa Ormoc City Natuklasan
Camp Jorge Downes, Ormoc City – Noong ika-26 ng Abril taong kasalukuyan, isinagawa ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade (802Bde), 14th Infantry Battalion (14IB) at 93rd Infantry Battalion (93IB) ang operasyon sa masukal na bahagi ng Brgy Patag, Ormoc City. Natagpuan sa naturang lugar ang isang kuta na may mga tunnel na pagawaan ng mga bombang pampasabog. Ang pagkakatuklas ng naturang kuta ay ayon sa rebelasyon ni Alyas Saag, kasapi ng teroristang CPP-NPA na kumikilos sa Leyte sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) na sumuko sa 14IB sa Brgy Palale II, McArthur, Leyte sa araw ding iyon. Isinuko rin ni alyas Saag ang isang M14 rifle at mga bala nito.
Nakuha ng kasundaluhan sa loob ng tunnel ang mga naiwang sangkap at materyales sa paggawa ng bomba o Improvised Explosive Device (IED) ng teroristang grupo.
Ang sumukong kasapi ng CPP-NPA ay kasalukuyang nasa mabuting pangangalaga ng kasundaluhan ng 14IB. Isinasagawa rin ng naturang unit ang kaukulang proseso upang makatangap ng nararapat na mga benepisyo at suportang ipagkakaloob sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.
Si alyas Saag ay isa lamang sa maraming kasapi ng CPP-NPA na sumuko na, namulat sa tamang kaisipan at nagbalik-loob sa pamahalaan. Ipinahayag ni alyas Saag na kanyang napagtanto na isang malaking pagkakamali ang pagsanib sa teroristang grupo na CPP-NPA na walang magandang naidulot sa mamamayan. Ayon sa kanya, bilang kasapi ng teroristang grupo, sila ang nagdadala ng panganib sa buhay ng kapwa natin Pilipino.
Ang pagkakatuklas na ito ng pagawaan ng IED at pagsuko ni alyas Saag ay ikinatuwa ni Brigadier General Zosimo A Oliveros, pinuno ng 802nd Brigade, Philippine Army. Aniya, “Ito ay isang magandang indikasyon na marami na sa mga kasapi ng teroristang CPP-NPA ang natauhan at ngayon ay tumutulong na sa pamahalaan upang tapusin itong Communist Armed Conflict. Bagamat maituturing nating isang tagumpay ang naturang pagbalik-loob ni Alyas Saag sa gobyerno, nararapat lamang na tayo ay patuloy na maging mapagmatyag at alerto, lalong-lalo pa’t ang pagawaan ng naturang bombang pampasabog ay malapit lamang sa komunidad na maaring magpapahamak sa ating mga kababayan.”
Ang pagawaan ng mga bombang pampasabog ay patunay ng tahasang paglabag ng CPP-NPA sa International Humanitarian Law (IHL) at ng marahas na pamamaraan ng teroristang grupo na ito upang isulong ang kanilang masamang balak.
Ang pagkakatuklas ng naturang kuta ay isang indikasyon na hindi pa rin tumitigil ang teroristang CPP-NPA sa kanilang mga gawain na muling marekober ang kanilang baseng masa. Gayunpaman, tinitiyak ng pamunuan ng 802nd Brigade na nakahanda ang buong lakas ng inyong kasundaluhan upang lupigin ang mga teroristang grupo na nagbabanta sa seguridad ng ating mga kababayan.
Patuloy na nananawagan si Brigadier General Oliveros sa mga natitirang kasapi ng CPP-NPA na nagtatago pa sa kabundukan na magbalik loob na sa pamahalaan. “Nananatiling bukas ang ating gobyerno upang tulungan kayo na makapagsimula ng panibago, malaya at mapayapang buhay kasama ang inyong pamilya at mga mahal sa buhay”.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/pagawaan-ng-bombang-pambasabog-ng-cpp-npa-sa-ormoc-city-natuklasan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.