Monday, December 12, 2022

Kalinaw News: Pantribong Samahan ng Kanlurang Mindoro (PASAKAMI) kaisa ng kasundaluhan sa pagpapanatili ng kapayapaan

From Kalinaw News (Dec 11, 2022): Pantribong Samahan ng Kanlurang Mindoro (PASAKAMI) kaisa ng kasundaluhan sa pagpapanatili ng kapayapaan (Pantribong Sahaman ng Kallurang Mindoro (PASAKAMI) together with the military in maintaining peace)  (By 2ID)



Mamburao, Occidental Mindoro- Nagkaisa at nagtipon-tipon muli ang humigit kumulang dalawang daan (200) miyembro ng katutubo ng Patribong Samahan ng Kanlurang Mindoro (PASAKAMI) mula sa ibat-ibang tribo sa lalawigan ng Occidental Mindoro para sa usaping pangkapayapaan na ginanap sa Sitio Landing, Brgy Pinagturilan Occidental Mindoro noong ika-10 ng Disyembre taong kasalukuyan.

Pinangunahan ni G. Welan Gayadan, Pangulo ng Samahang PASAKAMI ang nasabing pagpupulong na dinaluhan ni Kgg. Juanito Lumawig, Pangulo ng IPMR Occidental Mindoro at mga kasundaluhan mula sa 76th Infantry (VICTRIX) Battalion, 2ID, Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel William O Romero Infantry (General Staff Corps) Philippine Army, Commanding Officer ng 76IB.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang kanilang mga hakbangin para sa susunod na taon para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga lugar na kinabibilangan ng mga miyembro ng samahang PASAKAMI. Nabanggit din sa pagpupulong ang mga proyekto nilang naisakatuparan na nagbigay ng magandang resulta para sa bawat miyembro ng PASAKAMI.

Lubos din ang pasasalamat ng samahang PASAKAMI sa inisyatibo ng kasundaluhan ng 76IB na magpatayo ng “BALAY PULUNGAN” para sa mga katutubo at magkaroon sila ng permanente at sariling lugar na pagdaraosan ng kanilang pagpupulong-pulong tungkol sa mga usaping pangkapayapaan. Inilapit ng ating mga kasundaluhan ang mga materyales na kakailanganin sa provincial capitol ng lalawigan ng Occidental Mindoro at iginawad ang dalawampu (20) pirasong yero, sampung (10) sako ng semento, pako at iba pang materyales na magagamit sa pagpapatayo ng nasabing balay pulungan sa pamumuno ni PTF-ELCAC focal person at gobernador ng lalawigan na si Kgg Eduardo B Gadiano.

Nagpaabot din si Atty Ivy Rioflorido ng mga laruan para sa mga batang katutubo sa nasabing lugar, na lubos din nilang ikinatuwa.

Namahagi din ang ating mga kasundaluhan ng mahigit isang-daan at limampu (150) mga babasahin para maipaalam sa ating mga katutubo ang mga programang nakapaloob sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP para sa mga gustong magbalik loob sa pamahalaan.

“Maraming salamat po sa ating mga kasundaluhan sa patuloy na suportang ibinibigay sa aming mga katutubo at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa aming mga lugar.

Salamat din sa mga opisyales ng lalawigan ng Occidental Mindoro sa ipinagkaloob na mga proyekto ngayong buong taon para sa tuloy-tuloy na pang angat ng pamumuhay naming mga katutubo . Makakaasa po kayo na kaisa niyo ang samahang PASAKAMI sa ating minimithing kapayapaan tungo sa kaunlaran ” ang mensahe ni G. Wilan Gayadan, ang PASAKAMI chairman.




Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.

https://www.kalinawnews.com/pantribong-samahan-ng-kanlurang-mindoro-pasakami-kaisa-ng-kasundaluhan-sa-pagpapanatili-ng-kapayapaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.