Wednesday, August 9, 2023

CPP/NDF-Southern Tagalog: Pondo ng bayan, ilaan sa mamamayan! Mga panukalang badyet para sa kurapsyon at panunupil ni Marcos Jr, tutulan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 9, 2023): Pondo ng bayan, ilaan sa mamamayan! Mga panukalang badyet para sa kurapsyon at panunupil ni Marcos Jr, tutulan! (Public funds, allocate to the people! Budget proposals for Marcos Jr's corruption and repression, oppose!)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 09, 2023

Dapat kundenahin at pigilan ang mga panukalang pondo ni Ferdinand Marcos Jr para sa Office of the President (OP), confidential and intelligence funds at mga proyektong imprastraktura sa pambansang badyet sa 2024. Malinaw itong mga iskema upang makapagbulsa ng mas malaking halaga ang naghaharing pangkating Marcos-Duterte at matuloy ang kanilang mga imbing balakin laluna ang todo-largang panunupil sa bayan.

Katatapos lamang ng tusong pagpasa sa batas para sa Maharlika Investment Fund ay iniraratsada naman ang pagpapalobo ng pondong direktang magagamit ni Marcos Jr., Sara Duterte at kanilang mga alipures sa Kongreso. Humingi si Marcos Jr. ng P1.4 bilyon para sa kanyang mga biyahe at state visit, 58% na mas malaki sa badyet para rito ng 2023, at P9.2 bilyon para sa confidential and intelligence funds, singlaki ng laan dito ngayong taon. Babahagi si Sara Duterte ng P500 milyon mula rito, hiwalay pa sa P150 milyong alokasyon ng lihim na pondo sa Department of Education. Pati ang Department of Agriculture, kung saan kalihim si Marcos Jr., ay humihingi ng P50 milyong confidential and intelligence funds.

Target namang mag-aloka ng P1.418 trilyon para sa Build Better More, ang engrandeng proyektong imprastraktura na pagtutuloy ng Build Build Build ng nakaraang rehimeng Duterte. Sa higit P1.4 trilyon, mapupunta ang bulto (P801 bilyon) sa Department of Public Works and Highways habang nilaanan ang Department of Transportation ng P176 bilyon.

Nakakarimarim ang paglalaway ni Marcos Jr. sa pampublikong pondo habang nakukuba ang mamamayang Pilipino sa pagbabayad ng buwis na bumubuo sa kalakhan ng pambansang badyet. Ang mga aytem na nabanggit sa taas ay pulos hindi mapapakinabangan ng bayan, bagkus, ay magiging daluyan lamang ng dambuhalang pangungulimbat at pandarambong. Tiyak na sa kapritso mauubos ang higit bilyong pisong hinihingi ni Marcos Jr. para sa mga biyahe sa ibayong-dagat dahil subok na ngayong taon ang maluhong modus ng lakwatserong pangulo. Matatandaang ilang ulit na pinuna ang pagsasama ni Marcos Jr. ng mga `di naman kinakailangang kapamilya, kaibigan at mga mismong kongresista sa kanyang mga biyahe. Malamang na gumamit ng pondo ng bayan para sa kanilang pamasahe, pagkain at akomodasyon. Walang puwang ang ganitong mga gastusin habang inuudyukan ng gubyerno ang mamamayang Pilipino na maghigpit ng sinturon sa gitna ng krisis.

Wastong tutulan ang pagkakaroon ng confidential and intelligence funds, na sa esensya’y mga lihim na pondong bulnerableng lustayin ng sinumang mayhawak nito o gamitin sa mga programang makapipinsala sa mamamayan. Nilalabag nito ang prinsipyo ng pagiging transparent o bukas sa paggamit ng pampublikong pondo sa manipis na tabing ng pangangalaga sa pambansang seguridad. Bukod sa madaling ibulsa, malaking posibilidad na inilalabas ang mga lihim na pondo para sa mga operasyong paniktik at “kontra-insurhensya” na yumuyurak sa mga saligang karapatang tao at maaari pa ngang lumalabag sa mismong reaksyunaryong batas. Halimbawang gamit nito ay para sa pagmamanman sa mga pinagsususpetsahan pa lamang na “terorista”. Nagsimulang lumaki ang lihim na pondo na hawak ng OP sa ilalim ni Rodrigo Duterte, halos kasabay ng pagpapatupad nito ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong gera.

Kung ang lihim na pondo ay para sa pasismo, ang P1.4 trilyong pondo sa Build Better More ay alay ng ilehitimong rehimen sa imperyalismo at mga lokal na burukratang walang kabusugan sa pandarambong sa yaman ng bayan. Daluyan ng kikbak ang mga proyektong kalsada, tulay at iba pang malalaking obras publikas. Makikinabang rin ang mga imperyalistang ahensya sa pinansya na nagpepresintang maging kasosyo sa mga proyekto. Utang ang pangunahing anyo ng “tulong” ng mga ahensyang ito. Ang masahol dito, ang mamamayan ang magpapasan ng utang sa pamamagitan ng mas mataas na buwis o pagtitipid ng estado sa mga serbisyong panlipunan para lamang makabayad ng utang. Ibayong pagdarahop ng bayan ang kapalit ng sinasabi ni Marcos Jr. na “Golden Age of Infrastructure.”

Sa garapalang pagmamaniobra ng pondo para sa interes ng naghaharing uri at imperyalismo, lalong ginagatungan ni Marcos Jr. ang galit ng mamamayan sa kanyang pamilya at sa kanyang gubyerno. Lalong tumitingkad ang labis na kahirapan ng bayan habang nagtatampisaw sa dinambong na pera ang reaksyunaryong pangulo at naghaharing pangkatin. Kabi-kabila ang magagarbong piging at biyahe ni Marcos Jr., ang nagtataasang sweldo ng mga burukrata at opisyal-militar, at ang bilyun-bilyong pisong pondong maanomalyang ginamit o nawala na parang bula mula sa kaban ng bayan. Umaalingasaw ang kabulukan ng malapyudal at malakolonyal na estado sa ilalim ng paghaharing US-Marcos-Duterte, kaya’t higit na napupukaw ang sambayanan na labanan ang ilehitimong rehimen.

Dapat magkaisa ang bayan sa paggigiit na tanggalin ang mga lihim at maanomalyang pondo at ilipat ang mga ito sa mga programang tutugon sa kagutuman at kahirapan ng mamamayan. Sa halip na sa luho at pasismo, dapat ilaan ang pera sa ayuda sa mahihirap at taas-sahod ng mga manggagawa, karaniwang kawani ng gubyerno lalo ang mga guro at manggagawang pangkalusugan. Ipanawagang huwag ibuhos ang mayorya ng pondo sa mga proyektong bulnerable sa kurapsyon, at sa halip, palakihin ang alokasyon para magkaroon ng dagdag na klasrum, at masagip at mapaunlad ang mga pasilidad pangkalusugan, laluna ang mga luma’t nanganganib na ibenta sa pribadong interes. Ang pakikibaka para pondohan ang serbisyong panlipunan ay kasama sa laban ng bayan para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

https://philippinerevolution.nu/statements/pondo-ng-bayan-ilaan-sa-mamamayan-mga-panukalang-badyet-para-sa-kurapsyon-at-panunupil-ni-marcos-jr-tutulan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.