Wednesday, August 9, 2023

CPP/Ang Bayan: NLUA: Pagpapalawak ng maibebentang lupa

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 7, 2023): NLUA: Pagpapalawak ng maibebentang lupa (NLUA: Expansion of marketable land)
 





August 07, 2023

Muling itinulak ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang nagdaang State of the Nation Address ang National Land Use Act (NLUA) bilang prayoridad na panukala ng kanyang rehimen. Sa ilalim ng panukalang ito, rerepasuhin ang paggamit ng lupa para diumano sa kumprehensibong pagpapaunlad nito. Kokonsolidahin nito ang klasipikasyon ng mga lupa sa sumusunod: protektadong lupa, mga lupa para sa produksyon, para sa pabahay at para sa imprastruktura. Saklaw nito ang lahat ng kalupaan, katubigan at likas na rekurso ng bansa.

Nakabalangkas ang panukala sa neoliberal na iskema sa lupa na itinutulak ng mga imperyalistang institusyon tulad ng World Bank. Layunin nitong palawakin ang lupang maaaring ibenta o land market ng Pilipinas at ibukas ito sa ispekulasyon ng internasyunal na pamilihan. Bibigyan nito ng panibagong bwelo ang malawakang pang-aagaw ng lupa kung saan milyun-milyong magsasaka, manggagawang-bukid, katutubo, mangingisda at iba pang maliliit na prodyuser ang mapapatalsik sa lupa o mawawalan ng kabuhayan.

Hindi bago ang pakanang reklasipikasyon ng lupa sa tabing ng konsolidasyon ng mga patakaran sa paggamit o pamamahala ng lupa. Mula 1994, ilang beses nang tinangkang ilusot ang panukalang ito sa Kongreso. Suportado ito ng malalaking organisasyon ng burgesya, tulad ng Chamber of Real Estate and Builders’ Associations, malalaking panginoong maylupa at burukrata.

Hindi pa man naisasabatas ang panukala, hinawan na ni Marcos ang daan para sa mabilis na pagkopo ng lokal na burgesya sa lupang papasok sa pamilihan. Noong Hulyo 3, pinirmahan niya ang Executive Order No. 34 na nagbubukas sa lahat ng “tiwangwang” na pampublikong lupain sa konstruksyon ng mga subdibisyon at sentrong komersyal.

Sa pinakahuling bersyon ng panukala sa Kongreso, gumamit ang mga nagtutulak nito ng palamuting mga salita tulad ng “ridge-to-reef” o “watershed ecosystem management” na kunwa’y nagtatanggol sa kalikasan at lumalaban sa climate change. Ito ay para ilusot ang pagpapagamit ng mga sakahan, karagatan at kagubatan sa dayuhang mga kumpanya para sa konstruksyon ng malalaking plantang pang-enerhiya sa tabing ng renewable energy.

Palalawakin ng NLUA ang saklaw ng mga iskemang nagpapadulas sa paglilipat ng pagmamay-ari ng lupa. Kabilang sa mga iskemang ito ang paglilinis sa mga indibidwal na titulo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng utang ng mga magsasaka at ang pag-iindibidwalisa ng mga kolektibong titulo sa ilalim ng programang SPLIT ng World Bank. Pareho nitong tinatanggal ang balakid sa pagbebenta ng lupang ipinamahagi na para sa mas madaling pang-aagaw ng malalaking lokal at dayuhang negosyante at kanilang mga kasosyong burukrata.

Kabaligtaran ang panukalang NLUA sa repormang agraryo. Nasa kaibuturan nito ang pagpapadali sa kumbersyon ng malalawak na lupang agrikultural para sa samutsaring industriyal at komersyal na gamit. Katunayan, wala itong hiwalay na kategorya para sa agrikultura na magtitiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa. Ang tanging kinikilala ng NLUA na “lupang agrikultural” ay yaong kinategorya sa ilalim ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa datos ng estado, mayroong mahigit-kumulang 12 milyong ektaryang lupang itinuturing na agrikultural. Higit pitong milyon lamang nito ang nakapailalim sa CARP. Maraming bahagi nito ang napailalim na sa pagpapalit-gamit. (Tingnan ang talahanayan.)


Batid ng mga magsasaka na ginagamit ng gubyerno ang reklasipikasyon ng lupa para padulasin ang pagliligtas o maialis sa klasipikasyong agrikultural ang mga sakahan at taniman at agawin sa kanila ang kanilang mga lupa. Ngayon pa lamang, pinahihirapan na silang makapanatili sa lupa ng mataas na upa at gastos sa produksyon, palugi o napakababa ng presyo ng pagbili sa kanilang mga produkto at kawalan ng suporta mula sa estado. Pinalala pa ang kalagayang ito ng walang sagkang ligal na importasyon at ismagling ng mga produktong agrikultural.

Sa panibagong pagtutulak sa NLUA, umaasa ang rehimeng Marcos na makalikom ng dagdag na kita mula sa ispekulasyon sa lupa at sa mga kontrata at pabor mula sa itatayong mga pabahay, daan at tulay, plantang pang-enerhiya, dam at iba pang proyektong pang-imprastruktura. Umaasa din itong kumamkam ng malaki mula sa ekspansyon ng mga komersyal na plantasyon at minahan na sasaklaw sa mga lupang ibubukas ng panukala.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/07/nlua-pagpapalawak-ng-maibebentang-lupa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.