Wednesday, August 9, 2023

CPP/Ang Bayan: AFP: Lintang pabundat nang pabundat

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 7, 2023): AFP: Lintang pabundat nang pabundat (AFP: Leech head to head)
 





August 07, 2023

Dambuhalang ₱170 bilyon ang ilalaan ng rehimeng Marcos sa susunod na taon para sa pensyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang unipormadong tauhan ng reaksyunaryong estado. Sa gayon, nananatiling buladas lamang ang repormang pensyon na itinutulak nito para ampatin ang “pagdurugo” na idinudulot nito sa pambansang pondo.

Katunayan, balak ng estado na kunin ang ₱120 bilyon mula sa “impok” ng estado sa susunod na taon. Ito ay sa kabila ng malawakang pagtutol sa maanomalyang sistemang ito: kahit wala ni singkong ambag sa pondo, tumatanggap ng napakalaking pensyon ang mga retiradong tauhang militar at pulis. Balak din nito na iinstitusyunalisa ang taunang pagtaas ng sweldo ng mga unipormadong personel nang 3% kada taon sa susunod na 10 taon para “burahin” ang anumang kaltas para sa pensyon.

Ang sistemang pensyon ng AFP ay napakalaking pabigat sa mamamayang Pilipino. Sa nagdaang mga taon, ang pondong nakalaan para rito ay ikalawang pinakamalaking aytem sa pambansang badyet. Lumaki ito nang lumaki matapos doblehin sa ilalim ng gubyernong Duterte ang sweldo ng mga upisyal at tauhan ng AFP para bilhin ang kanilang katapatan. Umaabot sa ₱40,000 kada buwan ang karaniwang natatanggap nilang pensyon na halos sampung ulit na mas malaki kaysa pensyon ng SSS, at halos tatlong ulit kaysa GSIS. (Tingnan ang artikulong “Pensyon ng AFP, pabigat sa bayan” sa isyu ng Ang Bayan Mayo 21, 2023.)

Liban sa napakalaking pensyon, kinakain din ng AFP at PNP ang napakalaking bahagi ng pambansang badyet para sa sweldo, iba’t ibang pabuya at bayarin sa mga sundalo, at napakalaking gastos sa pagbili ng mga kagamitan. Sa nagdaang mga taon, labis labis na binigyan-layaw ang AFP. Bahagi ito ng papatinding militarismo ng naghaharing estado at tangka ng naghaharing pangkatin na makuha ang katapatan ng mga heneral at tauhan ng AFP.

Sa isinabatas na pambansang badyet para sa 2023, makikita kung papaanong pinapaburan ang AFP, PNP at iba pang unipormadong tauhan, na malayong mas malaki kumpara sa mga ahensyang sibilyan. Sa kabuuan ng alokasyon para sa sweldo at iba’t ibang kabayaran para sa mga empleyado ng gubyerno, 30% ay napupunta sa mga tauhang militar.

Bawat kibot ng sundalo at pulis ay may bayad. Mayroon nang “Combat Duty Pay”, mayroon pang “Combat Incentive Pay”; mayroong “Hazardous Duty Pay”, mayroon pang “Hazard Duty Pay” at “High Risk Duty Pay.” Kapag sumakay sa barko, may “Sea Duty Pay”; kapag sumakay ng helikopter o eroplano, may “Flying Pay.” Kapag tumalon, may “Parachutist’s Pay.” Mayroon pang “Instructor’s Duty Pay” at “Reservist’s Pay.”

Para sa mga sundalo at pulis (na nagreretiro nang 56 taong gulang), may nakalaang ₱36.427 bilyon para sa “longevity pay”, na 43 beses na mas malaki, kaysa badyet na nakalaan sa “longevity” ng lahat ng iba pang mga tauhan ng gubyerno (₱842 milyon).

Tumaas pa ang hininging badyet ng Department of National Defense nang 14.16% tungong ₱232.2 bilyon para sa 2024. Ito ay habang kinaltasan ng 14% ang badyet para sa mga kagawaran ng paggawa at empleyo at para sa mga migranteng manggagawa na nasa ₱40.5 bilyon na lamang. Mas malaki din ito sa ipinagmamayabang ng rehimen na ayuda para sa 18 milyong pamilya na nasa ₱200 bilyon lamang.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/08/07/afp-lintang-pabundat-nang-pabundat/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.