Wednesday, July 5, 2023

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Ligalig sa loob ng AFP-PNP sa unang taon ni Marcos Jr.

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 2, 2023): Ligalig sa loob ng AFP-PNP sa unang taon ni Marcos Jr. (Turmoil within the AFP-PNP during the first year of Marcos Jr.)
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

July 02, 2023

Sa unang taon ni Marcos Jr., pangita ang kawalan ng “unity” sa reaksyunaryong sandatahang pwersa na palatandaan ng mabuway na pundasyon ng kanyang rehimen. Patuloy ang hidwaan ng mga naghaharing-uri at kaguluhan sa loob ng militar habang dumaranas ng walang kaparis na krisis ang sambayanang Pilipino.

Hilong talilong na si Marcos Jr. kung sino at saan ilalagay ang mga masisibang heneral. Nitong Enero, umugong ang biglaan at kontrobersyal na agawan ng mga posisyon sa AFP. Si Gen. Andres Centino ang pumalit kay Gen. Bartolome Bacarro bilang AFP chief-of-staff. Si Gen. Eduardo Año ang itinalagang National Security Adviser at inalis si Clarita Carlos. Nagbitiw naman si Gen. Jose Faustino sa pagiging officer-in-charge ng Department of National Defense (DND) dahil sa biglaang pagpapalit ng chief-of-staff, kaya ipinalit si Gen. Carlito Galvez. Ilang araw matapos nito, idineklarang undersecretary ng DND si Galvez. At nitong Hunyo, itinalaga na si Gilbert Teodoro bilang kalihim ng DND kaya binalik si Galvez bilang Presidential Adviser on the Peace Process. Ang sulutan sa chief-of-staff ay inihalintulad sa naganap na bangayan ng mga heneral ng matandang Marcos noong Martial Law. Nagkaroon din ng balyahan sa PNP sa tabing ng pagpupurga ng mga opisyal na sangkot sa droga. Ipinalit na PNP chief si Gen. Benjamin Acorda kay Gen. Rodolfo Azurin.

Palabasin man ng mga Marcos at Duterte na “istable” ang reaksyunaryong gubyerno, lumilitaw ang mga girian sa militar sa proseso ng mga balyahan. Habang nagaganap ang seremonya ni Centino noong Enero, nakapakat sa labas ang mga tangke ng PNP. Malinaw na hakbangin ito para manmanan at pigilan ang anumang plano ng mga sundalong may disgusto sa pagkakatanggal ni Bacarro at bilang pag-upo ni Centino. Lumaganap din sa social media ang diskuntento ng mga sundalo at nagkaroon ng pangamba ng malawakang resignasyon sa kanilang hanay. Pilit inaapulahan ito ng AFP sa paglalabas ng pakitang taong pahayag na “nagkakaisa” sila at paglulunsad ng command conference na pinangunahan nina Centino at Galvez para isubo ang kanilang pamumuno.

Tiyak na may papel ang US sa loob ng mga balyahang ito. Ang mga ipinalit sa pwesto ay mga masugid na anti-komunista at ahente na nagpapatupad ng doktrinang US counter-insurgency guide sa Pilipinas. Sa pagpwesto ng mga tutang heneral sa sibilyang burukrasya, patuloy na nakapangingibabaw ang imperyalismong US sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Nakaayon sa mga dikta ng US ang pagtatakwil ni Teodoro sa panunumbalik ng peace talks. Tiyak na patuloy pang mababahura ito sa pagkakatalaga ni Galvez sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process. Bukod sa kanilang presensya sa sibilyang burukrasya, nananatili at pinaiiral ang NTF-ELCAC sa loob ng reaksyunaryong gubyerno. May mga itinalaga pang heneral sa loob ng mga pambansang ahensya. Sa Department of Education, itinalaga sina retired Major Gen. Nolasco Mempin (undersecretary) at retired Brig. Gen. Noel Baluyan (Assistant Secretary for Administration). Si Mempin ay dating kumander ng 10th Infantry Division (ID) sa Davao habang naging assistant division commander sa 3rd ID si Baluyan.

Kapansin-pansin na ang mga naitalaga sa posisyon ay ang mga sagadsaring berdugo ng naunang administrasyong Duterte. Repleksyon ito ng nagpapatuloy na bangayan at agawan sa kapangyarihan at poder ng mga naghaharing uri. Ang mga balyahan ng opisyal ay karugtong ng pailalim na tunggalian ng mga Marcos at Duterte sa estado. Bukod sa pulos maka-Duterte na mga heneral, itinalaga rin si Sara Duterte na co-vice chair ng NTF-ELCAC upang higit na makonsolida ng kanilang paksyon ang mga militar.

Kaakibat ng agawan ng matataas na heneral ng AFP-PNP sa mga susing posisyon ang pag-uunahan nila sa pagkopo ng pondo sa militar at depensa at mga ayudang militar mula sa imperyalismong US. Nasa 4.7% o P249.9 bilyon ng P5.268 trilyon ng pambansang badyet ang laan sa depensa. Mas mataas ito kumpara sa P221.1 bilyon noong 2022. Labas pa rito, may mga pondo sa iba’t ibang ahensya na pinakikinabangan ng militar at NTF-ELCAC. Noong 2021, inilantad ng Commission on Audit ang milyong pisong anomalya sa mga proyekto ng NTF-ELCAC at AFP-PNP sa ilalim ng Barangay Development Program at iba pang ahensya ng gubyerno.

Sa takot ni Marcos Jr. na matulad sa ama at makudeta ng mga militar, binubusog niya ang mga ito ng pera at pabuya gaya ng ginawa ni Rodrigo Duterte. Urong-sulong siya sa pagpapatupad ng reporma sa pensyon ng mga unipormadong tauhan ng gubyerno lalo’t ipinahayag ng Department of Budget and Management na hindi ito kayang tustusan ng kasalukuyang pondo ng reaksyunaryong gubyerno. Bukod pa rito ang mga dagdag na sahod na iginawad sa mga militar na di hamak na mas malayo sa kinikita ng mga guro, nars at karaniwang empleyado ng gubyerno.

Sa harap ng mga kaguluhan sa hanay ng militar, nagpapatuloy at lumalala ang mersenaryo at berdugong tradisyon ng AFP laban sa mamamayan. Duguan ang kamay nina Centino, Año at Galvez sa kabi-kabilang pamamaslang ng AFP at kaso ng paglabag sa karapatang tao. Sa unang taon ni Marcos Jr., naitala ang 97 pamamaslang, kabilang dito ang mga kaso ng pagpatay ng AFP sa 9-taong batang si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas; isang 14-taong Mangyan Buhid sa Roxas, Oriental Mindoro; sityo leader ng mga Mangyan Batangan na si Dante Yumanaw sa Sablayan, Occidental Mindoro; at si Maximino Digno, 59, matandang may kapansanan sa pag-iisip sa Calaca, Batangas.

Ang mga pulis at militar ang nagsisilbing pribadong goons at protektor ng mga proyekto ng naghaharing uri sa bansa. Ang AFP-PNP ang kasangkapan ng estado para buwagin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan at supilin ang pakikibaka para sa demokratikong karapatan. Sa rehiyon, ginagamit ang AFP-PNP sa pagbuwag ng mga piketlayn ng manggagawa, rali ng mga komunidad sa Romblon at Palawan laban sa pagmimina, pamamaslang sa mga lider magsasaka at iba pa. Karimarimarim na ang mga nagkukumpitensyang heneral sa likod ng mga atrosidad ay nabibigyan pa ng mga pabuya at promosyon.

Bukod sa naglalakihang mga pabuya sa masisibang heneral, ginagastusan din nang malaki ng pasistang rehimen at ng US ang mga armas at sasakyang pandigma ng AFP-PNP. Ang mga ito ay walang-pakundangang ginagamit laban sa mamamayan. Tulad ng amang diktador at ng tiranikong rehimeng Duterte, tumampok sa unang taon ni Marcos II ang mga masaker sa mga sibilyan at mga rebolusyonaryong walang kapasidad na lumaban. Nagpapatuloy rin ang pambobomba sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabi-kabila ang mga dinudukot, pinapatay at sapilitang pinapasuko ng rehimen sa tabing ng brutal na gera kontra-terorismo. Sa rehiyon, hanggang ngayon ay iligal pa ring nakadetine sa Camp Capinpin ang mga organisador ng BALATIK na sina Arnulfo Aumentado at Mary Joyce Lizada. Dalawang buwan na silang binibinbin ng militar, pinagkakaitan ng dalaw at iba pang karapatan ng mga detenido.

Nararapat na magbuklod ang mamamayan at palakasin ang anti-pasistang pakikibaka laban sa ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte. Singilin at papanagutin ang AFP-PNP sa mga krimen nito sa bayan. Tutulan ang paglalaan ng labis na pondo sa militar, depensa at NTF-ELCAC. Igiit ang paglilipat ng pondo tungo sa serbisyong panlipunan.

Paigtingin ang pagsusulong ng digmang bayan bilang sandata ng mamamayan laban sa terorismo ng estado. Itutok ang buong pwersa ng bayan sa palpak, pahirap at tutang ilehitimong rehimeng US-Marcos Duterte.

Hinahamon ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang mga tunay na makabayang sundalo at pulis na pakinggan ang daing ng kababayan nilang naghihirap at biktima ng karahasan ng AFP-PNP. Dapat nilang buksan ang mga mata na sila’y ginagamit bilang mga piyon at pambala sa kanyon ng pasistang estado para supilin ang makatarungang pakikibaka ng bayan. Marapat nilang talikuran ang mersenaryong tradisyon ng AFP-PNP at lumaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya.###

https://philippinerevolution.nu/statements/ligalig-sa-loob-ng-afp-pnp-sa-unang-taon-ni-marcos-jr/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.