Thursday, April 6, 2023

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Mga aksyong militar sa Timog Katagalugan, binigwasan ang AFP-PNP

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 5, 2023): Mga aksyong militar sa Timog Katagalugan, binigwasan ang AFP-PNP (Military actions in South Tagalog, AFP-PNP defeated)
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

April 05, 2023

Pulang pagpupugay sa mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA sa ilalim ng Melito Glor Command (MGC) na naglunsad ng matatagumpay na aksyong militar laban sa AFP-PNP. Binigwasan nito ang pasistang AFP-PNP na nagtamo ng siyam na patay habang walang pinsalang natamo ang magigiting na Pulang yunit ng NPA.

Dalawang magkasunod na opensiba ang inilunsad ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA Rizal noong Marso 31 at Abril 1 sa bayan ng Rodriguez. Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong 80th IBPA sa Sityo Karayupa, Brgy. San Rafael noong Marso 31, bandang 8:40 ng umaga. Nagresulta ito sa isang kaswalti sa hanay ng kaaway. Tagumpay rin ang aktibong pagdepensa ng isang yunit ng NPA Rizal laban sa pinagsanib na pwersa ng 2nd Infantry Division at 7th IBPA sa Sityo Makopoy, Brgy. Mascap noong Abril 1, 5:00 ng hapon. Dalawa ang naiulat na patay sa hanay ng pasistang pwersa habang walang kaswalti sa hanay ng NPA.

Sa Quezon, naglunsad ng dagliang ambus ang isang yunit Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon laban sa nag-ooperasyong 85th IBPA sa Brgy. Vista Hermosa, Macalelon noong Marso 24. Nakatamo ang mga berdugo ng dalawang pinsala habang ligtas na nakamaniobra ang magiting na Pulang hukbo.

Noon namang Marso 15, ganap na 2:30 ng hapon, aktibong nagdepensa ang isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro laban sa isang platun ng 10th Special Action Battalion ng PNP sa Sitio Naksib, Brgy. Sta. Cruz, Bongabong, Oriental Mindoro. Apat ang napaslang at tatlo ang sugatan sa hanay ng mga pasista.

Pinasusubalian ng mga opensiba ng MGC sa palalong kaaway ang kasinungalingang inihahasik ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na iilan na lamang ang mga larangang gerilya sa Timog Katagalugan. Ang mga lugar ng labanan sa Quezon at Rizal ay pawang mga tinukoy ng AFP-PNP bilang “insurgency-free” sa rehiyon.

Naging matagumpay ang mga aksyong militar ng NPA laban sa AFP-PNP dahil sa mataas na rebolusyonaryong diwa ng NPA na tanganan ang opensibang postura sa gitna ng pinaiigting na pasistang atake ng estado sa bayan. Gayundin, tinatamasa nila ang walang hanggang suporta ng malawak na inaapi at pinagsasamantalahang sambayanan na namumuhi at lumalaban sa teroristang estado.

Patuloy na mabibigo ang imbing pakana ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte at imbing pang-aatake ng AFP-PNP sa rebolusyonaryong pwersa at mamamayan dahil wasto, tumpak at makatarungan ang demokratikong rebolusyong bayan. Nilalayon nitong palayain ang bayan sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.

Maaasahan ng mamamayang Pilipino ang kanilang tunay na hukbo, ang NPA na ipagtatanggol nito ang bayan at parurusahan ang mga sagad-saring elemento ng pasistang AFP-PNP. Pag-iibayuhin pa ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC ang mga taktikal na opensiba upang patamaan ang lumalaking ulo ng AFP-PNP. Agawin ang mga armas ng mga pasista at itutok sa bulok, papet, pasista at inutil na rehimeng US-Marcos-Duterte!###

https://philippinerevolution.nu/statements/mga-aksyong-militar-sa-timog-katagalugan-binigwasan-ang-afp-pnp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.