Monday, May 10, 2021

CPP/NPA-Sorsogon: Ipinagbubunyi namin ang kabayanihan ng Dolos 5

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 8, 2021): Ipinagbubunyi namin ang kabayanihan ng Dolos 5

SAMUEL GUERRERO
SPOKESPERSON
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND)
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

MAY 08, 2021



Lubos na nakikiisa ang Celso Minguez Command ng NPA sa pagdedeklara ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Sorsogon sa araw na ito, Mayo 8, bilang Araw ng mga Bayani ng Kilusang Magsasaka sa Sorsogon. Ginawa ng PKM-Sorsogon ang deklarasyon bilang paggunita ngayong araw sa unang anibersaryo ng pagmasaker ng mga militar at pulis sa limang magsasakang aktibista sa Dolos, Bulan.

Anang PKM-Sorsogon, bayani ng kilusang magsasaka ang Dolos 5–sina Jeric Vuno, Jerry Palanca, Robert Villafuerte, Raymundo Tañada at Jaime Tañada–at taunang gugunitain ng mga rebolusyonaryong pwersa sa probinsya ang araw ng masaker para magbalik-tanaw sa kanilang buhay at pakikibaka at ipagbunyi ang kanilang dakilang sakripisyo. Okasyon din ito para patuloy na pagtibayin ng rebolusyonaryong kilusan ang kapasyahan nitong kamtin ang hustisya para sa limang martir at lahat ng magsasakang Sorsoganon na nagbuwis ng buhay sa pagsusulong ng pambansa at demokratikong adhikain ng sambayanan.

Taimtim na binabalikat ng NPA-Sorsogon ang susing papel sa pagsisikap na bigyang-katarungan ang mga biktima ng Dolos Massacre. Ngayong tapos na ang mga paglilitis ng Probisyal na Hukumang Bayan sa kaso, nakaatang sa Pulang Hukbo ang tungkuling tugisin at parusahan ang mga yunit ng AFP at PNP at ang mga indibidwal na sundalo, pulis at ahenteng paniktik na may kagagawan ng naturang karumaldumal na krimen.

Kasama ng lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang magsasaka sa probinsya, sumusumpa kami na hindi namin kailanman lilimutin ang limang bayani ng Dolos at pananagutin namin ang mga berdugong pumaslang sa kanila.

https://cpp.ph/statements/ipinagbubunyi-namin-ang-kabayanihan-ng-dolos-5/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.