Monday, May 10, 2021

CPP/NDF-KM-Southern Mindanao: Paigtingin ang panawagan para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo ngayong Pandaigdigang Araw ng Mga Manggagawa!

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 8, 2021): Paigtingin ang panawagan para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo ngayong Pandaigdigang Araw ng Mga Manggagawa!

KARINA MAGTANGGOL
SPOKESPERSON 
KABATAANG MAKABAYAN-SOUTHERN MINDANAO
NDF-SOUTHERN MINDANAO | NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MAY 08, 2021



Patuloy na bumubulusok ang ekonomiya ng bansa dahil sa palpak na pagtugon ng rehimeng US-Duterte sa pandemiyang COVID-19 at sa patuloy na pagsisilbi nito sa interes ng mga lokal at dayuhang naghaharing-uri. Bunsod nito ang pagkawala ng trabaho ng humigit-kumulang 9.1 milyong Pilipino, at 1.2 milyon sa mga ito ang hindi pa nakakabalik sa trabaho, kabilang na ang 600,000 OFWs.

Sa Davao City ay naging mas dama ng mga drayber at opereytor ng PUJs, PUVs, at FilCabs ang krisis sa kabuhayan dahil sa pagratsada ni Mayor Sara Duterte sa kanyang huwad at di-makataong “modernization projects”. Isa dito ay ang High Priority Bus System kung saan humigit kumulang 40,000 drayber at opereytors sa siyudad ang nasa peligrong mawalan ng kanilang kabuhayan. Sa pagratsada sa HPBS, tanging nasa limang kumpanya lamang ng mga bus ang pwedeng bumyahe sa syudad.

Naging dahilan rin sa sunod sunod na mga demolisyon sa siyudad ang implementasyon ng Build, Build, Build. Maraming mamamayan ang nawalan ng tahanan na mas nagpahirap pa sa kanilang dati’y mahirap na na sitwasyon. Sa isang komunidad sa Brgy. Matina, humigit kumulang 300 ka pamilya ang nawalan ng tahanan at 170 sa mga ito ang naghihintay pa rin ng relokasyon. 30 sa 170 na pamilya ay nakatira sa mga barong barong sa gilid ng ilog. Na displace rin mula sa kanilang tahanan ang mga residente sa itinatayong coastal road – na ang pondo ay inutang mula Tsina – at nilayo ang mga tao sa kanilang pangunahing kabuhayan, ang pangingisda.

Pinapakita lamang ng mga ito ang kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Duterte at ng Davao LGU sa pagtugon sa mandatong paglingkuran ang mamamayang Pilipino. Ang ipinangakong “change is coming” ay hindi isang tunay na pagbabago kundi intensipikasyon lamang ng mga nagdaang kontra-mamamayang mga programa. Mas isinarlak lamang ng mga ito sa kahirapan ang mamamayang Pilipino at mas ipinatili ang mga gahaman sa kanilang kapangyarihan.

Ang krisis sa ekonomiya, kakulangan sa serbisyong sosyal at disempleyo ay masosolusyonan lamang sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo. Tunay na agraryo ang magsisigurong ang sambayanang Pilipino, partikular ang mga magsasaka, ang makikinabang sa ating malulusog na mga sakahan at lupain. Pambasang industriyalisasyon ang magsisigurong tayo ang makikinabang sa ating mga hilaw na materyales, magsisigurong nakabubuhay ang sahod ng uring manggagawa, at na tayo’y makakapagbuo ng mga processed goods. Magkakaroon ng trabaho ang lahat ng mga Pilipino, at mula sa ating kolektibong lakas-paggawa ay bibigyang pondo ang mga batayang serbisyong sosyal gaya ng edukasyon, healthcare at pabahay. Ang mga ito ay magiging posible lamang sa tagumpay ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon.

Ang rehimeng US-Duterte ay isa lamang manipestasyon sa mas mabibigat pang mga ugat ng pananamantala sa bansa: ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Ang tatlong salot na ito ay patuloy na iiral sa ating lipunan hangga’t nananatiling hindi sapat ang bilang ng mga taong handang magbalikwas. Kaya’t sa bawat manggagawa sa loob ng mga pagawaan, sa mga magsasakang dugo’t-pawis ang iniaalay tumubo lang ang ani sa lupang hindi kailanman magiging kanya, sa bawat komunidad, paaralan at lupang ninuno, paiigtingin ng Kabataang Makabayan SMR ang pag-alab ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon hanggang sa tagumpay!

Idinidiin ng Kabataang Makabayan – Southern Mindanao Region ang mandato bilang pangunahing taliba sa pagsulong ng pambansang demokratikong rebolusyon sa bansa, kasama ng mga manggagawa at magsasaka. Hindi natatapos sa paggunita kasama ng uring manggagawa sa kanilang araw ang pakikipaglaban para sa kanilang kalayaan, bagkus ito ay hamon sa mga kabataan na makipamuhay sa mga manggagawa sa kanilang mga pagawaan at mga plantasyon para sa mas konkreto at matulis na pagsipat sa kanilang tunay na demanda at pangangailangan. Higit sa lahat, upang ating lubos-maunawaan kung bakit ang armadong pakikibaka ang tanging solusyon sa krisis na kinakaharap ng bansa. Laging bukas at patuloy na nananawagan ang Kabataang Makabayan SMR sa mga kabataang nais maging kasapi sa tunay na sundalo ng mamamayang Pilipino: ang New People’s Army!

KABATAAN, URING MANGGAGAWA, IBAYONG MAGPAKATATAG AT PALAYAIN ANG SAMBAYANAN!

SUMAPI NA SA NEW PEOPLE’S ARMY!

https://cpp.ph/statements/paigtingin-ang-panawagan-para-sa-pambansang-industriyalisasyon-at-tunay-na-repormang-agraryo-ngayong-pandaigdigang-araw-ng-mga-manggagawa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.