NPA-Camarines Sur propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Nov 15): AFP, Muling Binigwasan ng NPA sa Camarines Sur
Michael Robredo, Spokesperson
NPA-Camarines Sur (Norben Gruta Command)
15 November 2017
Press Release
Noong Nobyembre 14, binigwasan ng isang yunit ng Norben Gruta Command (Bagong Hukbong Bayan-Kanlurang Camarines Sur) ang operasyong militar ng AFP sa Barangay Bagong Silang, Del Gallego, Camarines Sur. Dalawa ang patay sa hanay ng AFP, habang walang pinsalang natamo sa hanay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Aabot ng isang linggong tuloy-tuloy na nag-operasyon ang 9th IB sa bayan ng Ragay at Del Gallego sa unang distrito ng Camarines Sur bago mangyari ang nasabing labanan. Ang operasyong militar ng AFP ay isa lamang sa sunod-sunod na operasyon sa kanayunan na nagdadala ng takot sa mamamayan sa pagpapatupad ng “full-scale” o todo-largang gera ng rehimeng US-Duterte. Upang ipagtanggol ang interes ng mamamayan at labanan ang pasistang panunupil, naglunsad ang BHB ng aktibong depensa upang bigwasan ang AFP. Gamit ang masusing pag-aaral sa kilos ng kaaway, nagplano ang BHB para epektibong labanan ang operasyong militar. Pumwesto ang BHB sa paborableng tereyn para mahusay na makadepensa anumang oras na malapitan sila ng operasyong militar.
Alas singko ng umaga, Nobyembre 14, napag-alaman ng isang yunit ng Norben Gruta Command (NGC) na malapit na sa kanilang base ang isang platun ng AFP. Agad na naghanda ang mga Pulang mandirigma sa posibleng labanan at matyagang nag-abang para maunahan ng putok ang papalapit na kaaway. Bandang 2:45 ng hapon, naganap ang labanan na umabot ng dalawang minuto. Sa unang bugso ng putukan, agad na natumba ang 2 elemento ng AFP na nagtangkang agawin ang susing tereyn ng kalupaan. Subalit nabigo sila dahil nauna nang nakapwesto ang mga Pulang mandirigmang nakaalerto sa kanilang pagdating. Sumigaw ang isang elemento ng AFP na “Sir, hindi kaya, marami sila!” at bahag ang buntot na umatras ang mga pwersa ng AFP. Ligtas na nakamaniobra ang nasabing yunit ng NGC nang walang anumang natamong pinsala sa kanilang hanay. Dahil sa mahusay na kaalaman sa tereyn, malakas na suportang masa at kahandaang pangkombat, epektibong nagagamit ng BHB ang taktikang gerilyang “akitin sa kailaliman” ang kaaway.
Matatandaang ngayong taon lamang ay makailang ulit nang binigo ng BHB ang mga atake ng 92nd DRC (Division Reconnaissance Company) at 9th IB. Nito lamang Nobyembre 1, bandang alas-syete ng umaga, binigo rin ng isang iskwad sa ilalim ng NGC ang tangkang pagkubkob ng AFP sa Sityo Matakla, Barangay Bulawan, Sipocot, Camarines Sur. Para pagtakpan ang kabiguang masukol ang BHB, nagpalabas ang AFP ng balitang nagkaroon ng 40-minutong labanan. Ang totoo’y 5 minuto lang ang palitan ng putok. Ang walang patumanggang pagpapaputok ng AFP matapos ang engkwentro ay iniulat nilang lehitimo pang labanan.
Makakaasa ang sambayanan na patuloy na mananatiling alerto at handa ang BHB sa pagdepensa at paglunsad ng mga taktikal na opensiba sa kanayunan upang biguin ang mapanupil at pasistang pag-aatake ng AFP sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, at upang bigyang-diin ang pangangailangan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya, lalo na sa gitna ng mga nagaganap na pagpapatipon ng mga imperyalista, katulad ng ASEAN (Association of South East Asian Nations) Summit at EAS (East Asia Summit), upang patatagin ang kanilang kontrol sa ekonomya, pulitika at militar sa Pilipinas at iba pang atrasadong bansa. Ubos-kayang lalabanan ng BHB ang “todo-largang gera” na sa totoo’y pagtatanggol lamang ni Duterte sa kanyang napakabulok na burukrata-kapitalistang hari-harian at pagpapalakas sa paghahari ng kanyang imperyalistang amo sa Pilipinas.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.