Friday, May 31, 2024

CPP/NPA-Mindoro/Southern Tagalog ROC: Mensahe sa isang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Hunter at Ka Mamay\\\Pulang saludo kay Ka Hunter at Ka Mamay, mga bayani at martir ng rebolusyon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 30, 2024): Mensahe sa isang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Hunter at Ka Mamay\\\Pulang saludo kay Ka Hunter at Ka Mamay, mga bayani at martir ng rebolusyon! (Message on the one-year anniversary of the death of Ka Hunter and Ka Mamay\\\Red salute to Ka Hunter and Ka Mamay, heroes and martyrs of the revolution!0



TRIBUTE

Madaay Gasic
Spokesperson
NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

May 30, 2024

Ngayong araw, muli nating pinagpupugayan ang mga mahal nating kasama na sina Arc John “Ka Hunter” Baron at Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an na namartir sa depensibang labanan noong Mayo 30, 2023 sa Brgy. Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro. Isang taon mula nang sila’y paslangin ng mga berdugong sundalo ng 68th IBPA, nananatiling buhay ang kanilang diwa at alaala sa buong rebolusyonaryong kilusan.

Si Ka Hunter ay namulat sa tunay na kalagayan ng mapang-aping lipunang mala-pyudal at mala-kolonyal habang nag-aaral ng kolehiyo sa burges na paaralan. Kumilos at nag-organisa siya sa loob ng kanyang pamantasan upang ipanawagan ang kahilingan ng mga estudyante para sa libre at dekalidad na edukasyon. Lumabas din siya sa pamantasan para sumama sa pagkilos ng mga manggagawa, maralitang lungsod at iba pang uring api sa kalunsuran na nakikibaka para sa nakabubuhay na sahod, disenteng trabaho, libreng pabahay, serbisyo at iba pang mga demokratikong kahilingan. Sa pakikiisa sa masang anakpawis ng kalunsuran, higit niyang napalalim ang kanyang pag-unawa sa rebolusyon. Ito ang nagbukas sa kanya ng landas patungong kanayunan upang makipamuhay sa mga magsasaka at sa tunay na hukbo ng mamamayan.

Isa si Ka Hunter sa mga kabataang estudyante na pumasok sa isang sonang gerilya sa Mindoro noong noong 2019. Nahamon siya sa panawagang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kaya naman, makalipas ang ilang linggo pagkatapos bumalik sa lunsod, nag-resign sya sa trabaho at nagpasyang mag-tour of duty (TOD) sa Hukbo.

Kagaya ng marami, hinarap niya ang kontradiksyon sa pagitan ng pananatili o paglisan sa Hukbo. Agad siyang napasabak sa isang mahirap na sitwasyon: kakapusan sa pagkain at mahahabang maniobra at lakaran dahil sa operasyong militar. Subalit dahil sa init ng pagtataguyod ng masa kahit pa may kaaway at sa matiyagang pag-alalay ng mga kasama, napangibabawan ni Ka Hunter ang mga ito.

Pinagsikapan niyang pag-aralan ang pag-angkop sa buhay kanayunan. Naging matiyaga siyang mag-aaral ng masa at mga kasama; pati pangangahoy at pag-akyat sa puno ng niyog ay natutunan niya. Lalong lumalim ang kaalaman niya sa lipunan at rebolusyong Pilipino, sa kalagayan ng mga masang kanyang pinaglilingkuran at sa armadong pakikibaka.

Naging daan ng mabilis na pagpasya ni Ka Hunter na mag-pultaym sa Hukbo ang paglahok sa ambus sa mga RPSB sa Cabalwa, Mansalay noong September 28, 2020. Nang masaksihan niya ang mga nagtakbuhang berdugong pulis matapos paputukan ng BHB, nabigyan siya ng kumpyansa na kayang labanan ng mga yunit ng NPA ang kaaway na ilang ulit na malakas at durugin ang mga ito sa wastong aplikasyon ng prinsipyo ng pakikidigma ng Hukbo na tumatamasa ng suportang masa. Sa ganitong paraan niya higit na nakita ang kanyang papel sa Hukbo.

Matalino si Ka Hunter at maraming mahuhusay na ideya subalit hindi arogante. Malapit sya sa mga kasama subalit hindi liberal. Pursigido siyang iabante ang mga plano at programa ng yunit kahit na ano pa ang balakid. Lagi din natin siyang maaalala sa dami ng mga likhang kultura na naglalaman ng kanyang mga karanasan sa pakikibaka.

Si Ka Mamay naman ay nag-pultaym sa BHB noong 2014. Mula noon ay tuloy-tuloy na siyang kumilos hanggang sa siya ay mamartir. Siya at ang kanyang buong pamilya ay mga benepisyaryo ng rebolusyong agraryo. Mulat si Ka Mamay na kung hindi lalahok sa rebolusyon ang mga katutubo ay wala silang lupa; na kung hindi isinulong ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) sa lupa noong mga nakaraang dekada, maglilipana pa rin ang baka ng mga panginoong maylupa sa kanilang lupa habang silang mga katutubo ay nagtitiyaga sa mga kataasan at mababatong kabundukan.

Ang pampulitikang kamulatan ni Ka Mamay ang nagtulak sa kanyang sumapi sa Hukbo. Alam niyang laging may panganib ng muling pag-agaw sa kanilang lupain. Nariyan ang pagbabalik-pastuhan, programa ng gubyerno sa reforestation, Tamaraw Reservation Expansion Project (TREP), mga Renewable Energy Project at mga mapangwasak na operasyon ng pagmimina.

Lumaki si Ka Mamay na laging kapiling ng Hukbo. Sumali siya sa organisasyong masa, naging aktibista hanggang sa maging kasapi ng sangay ng Partido sa lokalidad (SPL). Ang walang patid na pagkamulat at pagkilos ni Ka Mamay sa loob ng mga ipinunlang organisasyong masa at sangay ng Partido ang nagpaunawa sa kanya ng ugnayan ng pakikibaka ng mga katutubong Buhid para sa kanilang lupa sa suliranin ng iba pang katutubong Mangyan at mga magsasaka.

Tipikal na kababaihang Buhid si Ka Mamay noong sumampa. Siya ay tahimik at mahiyain; maaring isipin ng iba na mahina siya at ni hindi kayang sumugat ng kaaway. Subalit determinado, mapangahas, at matapang si Ka Mamay hindi lamang sa labanan kundi maging sa gawaing masa. Kasama sya sa nag-reaktiba sa baseng masa sa ilang mga bayan sa Occidental Mindoro. Hindi iilang beses silang napasuong sa mga labanan at nakaranas ng mga mahihirap na sitwasyon, ng matinding pagod at gutom, ng pangungulila sa pamilya sa matagal na panahon subalit matatag niya itong hinarap. Kapag may sitwasyong militar, kalmado lang siya subalit laging alerto at ayaw ding magpauna sa kaaway.

Matiyaga si Ka Mamay na umaalalay sa lahat ng mga kasama nang walang pagtatangi. Kapalagayang loob siya ng lahat kaya madalas siyang lapitan ng mga kasamang may krisis na pinagdadaanan. Matiyaga niyang pinakikinggan at pinapaliwanagan ang sinumang nagbubukas sa kanya. Masipag, may pagkukusa at wala siyang pinipiling gawain–ito man ay gawaing militar at mga maseselang gawain. Hanggang sa kanyang huling hininga, ipinakita ni Ka Mamay ang pagmamalasakit sa kasama at tapang sa pagharap sa kaaway nang hindi siya nag-alinlangang balikan ang naiwang armas at alalayan si Ka Hunter sa pagkalas sa gitna ng labanan.

Damang-dama natin ang malaking kawalan nina Ka Hunter at Ka Mamay bilang mahuhusay na opisyal militar, giyang pampulitika, opisyal sa lohistika, propagandista at organisador ng masa. Tunay na ang kamatayan ng isang rebolusyonaryo ay singbigat ng bundok Halcon habang singgaan ng balahibo ang kamatayan ng mga sundalong mersenaryo at pasista. Nagluluksa tayo hanggang ngayon sa pagkawala nila sapagkat alam nating marami pa silang iaalay sa rebolusyon at sa masa kung hindi kinitil ng mga pasista ang kanilang buhay.

Kung inakala ng mga kaaway na mapipigilan ng kanilang pagkasawi ang pagkilos ng masa, nagkakamali sila.

Higit na pinag-alab ng pagkamartir ni Ka Hunter ang diwa ng mga kabataan sa kalunsuran at kanayunan na pumaloob sa mga larangang gerilya at maglingkod sa masa bilang mga Pulang mandirigma. Noong ilunsad ang pulong parangal kay Ka Hunter sa isang gymnasium sa kalunsuran, nasaksihan ng kanyang pamilya, mga kaibigan, kababaryo, mga dating kolektibo, mga masa’t kasama ang kanyang kabayanihan. Lalo itong naging inspirasyon sa mga kabataan na sundan ang mga yapak ni Ka Hunter. Nagmulat din itong higit sa kanyang mga kapamilya at mga kaibigan para maunawaan ang buhay na kanyang pinili.

Sa gitna ng pinatinding saywar sa mga katutubong Buhid, hindi naging katatakutan ang pagkamatay ni Ka Mamay upang tumigil sila sa pagkilos. Hindi sila huminto sa gitna ng tuloy-tuloy na operasyong militar, pananakot at pagbabanta sa kanilang buhay. Sa iba’t ibang kaparaanan ay isinusulong nila ang DRB. Ang ilan sa kanila ay sumasampa sa BHB sapagkat batid nilang tanging ang pagtahak sa armadong paglaban ang lulutas sa kahirapan at pagsasamantalang nararanasan nila bilang mga katutubo.

Bibigyang hustisya natin ang pagkamartir ni Ka Hunter at Ka Mamay sa ibayong pagpupursigeng ipagwagi ang digmang bayan. Higit tayong magpapakatatag anuman ang kahirapan at sakripisyong kakaharapin. Mapagpasya nating pulutin ang nabitawang sandata at tanganan ang naiwanang gawain nila Ka Hunter, Ka Mamay at ng lahat ng martir ng rebolusyon.

Ka Hunter at Ka Mamay, hindi namin kayo malilimutan. Mananatiling buhay ang inyong diwa at alaala. Ang inyong buhay at pakikibaka ay inspirasyon namin sa araw-araw na pakikihamok sa kaaway at pagharap sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan.

Mabuhay ang buhay at pakikibaka Ka Hunter at Ka Mamay!
Mabuhay ang lahat ng martir ng rebolusyon!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!
Makibaka, huwag matakot!

https://philippinerevolution.nu/statements/pulang-saludo-kay-ka-hunter-at-ka-mamay-mga-bayani-at-martir-ng-rebolusyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.