Friday, May 31, 2024

CPP/NDF-Rizal/NDF-Southern Tagalog: 80th IBPA, ang tunay na pasistang mukha sa likod ng kanilang buladas

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 27, 2024): 80th IBPA, ang tunay na pasistang mukha sa likod ng kanilang buladas (80th IBPA, the real fascist face behind their claims)
 


Arman Guerrero
Spokesperson
NDF-Rizal
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

May 27, 2024

Mula Enero hanggang sa buwan na ito, todong pagpupumilit ng 80th IBPA na likhain ang ” makataong” imahe, sa pamamagitan ng kanilang aktibidad sa Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) nito. Nais nitong pagmumukhaing maamo at mapagmalasakit sa likod ng pasista at abusadong katangian nito. Sa kabila ng mga aktibidad ng diumano’y pagtulong sa mga kapamilya ng pinaghihinalaang miyembro ng NPA at sa gawa-gawang “malaking bilang ng sumuko”, pagbubuo ng mga samahan, medical mission at iba pa—lahat para ikubli ang tunay na kulay nito. Taliwas sa ipinangangalandakan nito, nakatago ang tunay na kaganapan sa kanayunan, kung saan malayo at walang akses ng komunikasyon upang ilantad ng mamamayan ang nagaganap at sinasapit nila sa kamay ng pasistang tropa. Inililingid sa kanilang Facebook page at masmidya ang araw-araw na pangkaraniwang aktibidad ng 80th IBPA: panliligalig, pamemerwisyo at paglabag sa karapatang-tao sa Rizal.

Perwisyo ang 80th IBPA sa kabuhayan ng masa. Malisyoso nilang ipinakakalat na magnanakaw ang mga NPA sa kanilang mga papulong, samantalang sila itong inirereklamo na nagnanakaw ng mga niyog at halaman ng masa.

Wala silang kahihiyan na lunukin at kainin ang mga produkto ng tagumpay ng rebolusyong agraryo. Maging ang pinagtatayuan ng kanilang kampo ay pakinabang na ninanakaw nila mula sa tagumpay ng pakikibaka ng mamamayan sa lugar.

Perwisyo na, katuwang pa ito ng DENR sa pagkakait sa mga taga-Puray na maghanapbuhay. Kasabwat ng DENR ang 80th IBPA sa pagbabawal sa mga tao na magbukas ng bagong kaingin at pag-uuling sa lugar, habang wala namang ibinibigay na tiyak na kabuhayan sa tao. Upang magmistulang nakipagkaisa ang mamamayan, pilit pinapirma ng mga ito ang mamamayan sa listahan diumano ng mga nagkakaingin, ng sa bandang huli ay gamitin ang kanilang pirma laban din sa kanilang sarili. Ang pakanang ito ang siyang lalong nagpapahirap sa maagap na tag-gutom na nararanasan ng mga tao sa baryo dulot ng El Niño.

Kulang na nga sa pagkain, lalo pang pinahihirapan ang mamamayan sa ipinapataw na pagboblokeyo sa pagkain sa lugar, sa anyo ng paglilimita sa dami ng bigas na dapat bilhin ng mga ito. Hinaharang nila ang suplay na umaahon sa kanilang mga taniman at kubo. Matinding imbestigasyon ang ginagawa sa mga sibilyang bibili nang lampas sa itinatakda ng mga sundalo na dami ng bigas. Dahil dito, nagtiis ang mga tao na hindi bumili sa tindahan sa takot na maimbestigahan.

Dagdag pa ang intimidasyon at pananakot na ginagawa nito, maging sa matanda o bata man. Nitong Abril, isang sibilyan na nangunguha lamang ng susô sa ilog, upang ibenta, ang dinala nila sa kampo. Inimbestigahan ang sibilyan at tinanong kung siya ang nasa litrato na ipinakita ng sundalo. Sa takot ng masa ay inamin niyang siya nga ang nasa litrato, kahit hindi naman.

Ginagamit din nilang lisensya ang mapanupil na Anti-Terrorism Law sa malawakang paglabag sa mamamayan. Noong Marso, binantaan nila ang mga sibilyan na kakasuhan ng rebelyon dahil sa pagsususpetsa ng mga sundalo na bumibili sila ng suplay para sa NPA. Lansakan din nilang binantaan ang ilang sibilyan sa Barangay Puray ng Montalban at Barangay Calawis ng Antipolo na i-sasalvage o papatayin sila kapag nalaman na sumusuporta sila sa NPA .

Paulit-ulit din na isinasailalim sa interogasyon at profiling ang mga tao sa mga komunidad sa Barangay Puray sa tabing ng sensus.
Pare-parehas na tanong ang itinatanong sa kanila ng mga militar sa magkakasunod na araw.

Maging ang mga batang mag-aaral , ay hindi ligtas sa isinagawang interogasyon sa baryo. Sa Sityo Kwinaw ng Barangay Puray, Rodriguez , ang mga bata na may edad na 6-12 taon ay pinagtatatanong ng mga sundalo kaugnay sa NPA at may litrato pang dala-dala na itinatanong din sa mga paslit. Kahit sa kalagitnaan ng klase ay biglang magtatanong ang mga ito sa mga bata. Hirap na ngang makapagpokus ang mga bata sa pag-aaral dahil sa sobrang init ng panahon, lalong hindi makapagpokus ang mga ito sa pag-aaral dahil sa kanilang walang patumanggang pagtatanong at presensya sa kanilang silid aralan. Ultimong ang guro ay inaabot na din ng pagka-inis sa kawalan ng respeto ng mga ito sa klase at sa mismong guro. Lubos naman na ikinababahala ng mga magulang ang pagsasailalim ng mga ito sa kanilang mga anak sa interogasyon. Dagdag pa dito, ay nangangamba sila sa nakikitang asal ng mga sundalo sa kanilang komunidad na nakikitang nagsusugal at nag- iinuman sa komunidad ng Kwinaw at Kanlusong. Nag- aalala silang sa mata ng kanilang mga paslit ay magmukhang tama ang kanilang nakikitang maling asal ng mga ito.

Sa kabila din ng ipinakakalat ng mga ito na “rapist” ang NPA, sila naman itong nanliligaw sa menor de edad . Sa San Jose ng Antipolo, isang 14 anyos na dalagita ang nililigawan ng isang sundalo.

Patuloy din nilalabag ng mga ito ang karapatan ng mamamayan sa kanilang paghimpil sa mga paaralan at sentro ng baryo sa Barangay Puray at Barangay Mascap sa Rodriguez, at Barangay San Jose at Barangay Calawis sa Antipolo City. Ginawa na nilang garison ang Barangay San Jose ng Antipolo kung saan tinadtad na ng 16 na kampo at pwesto ng sundalo ang naturang barangay, habang ginagawa nilang trensera ang mga mamamayan. Ito ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law, na nagbabawal sa mga armadong pwersa na humimpil sa mga sibilyang istruktura at lalo sa bahayan ng mga sibilyan. Ginagawa din nilang barracks ang mga baryong hinihimpilan sa Barangay Puray at Barangay Mascap kung saan naglalasing, nagsusugal, nagkakagulo at nagpapaputok ng baril ang tropa. Matinding takot ang inaabot ng mga tao sa paulit ulit na eksenang nagsisimula sa pag-iinuman na laging ang ending ay magkakagulo ang mga ito o di kaya ay magbabarilan tulad ng ginawa ng mga ito noong taong 2013 sa parehong baryo. Kamakailan ay naghamunan na naman ang mga lasenggerong militar na ito na nasaksihan pati ng mga bata. Bukod dito, binababoy nila ang mga eskwelahan at baryo sa dami ng iniiwang kalat at basura ng mga ito.

Tuwing may operasyon, pakiramdam ng mga tao na hindi na sila makakilos nang malaya. Hindi na sila makaalis sa kanilang mga bahay upang atupagin ang kanilang hanapbuhay. Bantay-sarado ang mga taumbaryo, minamanmanan, kinukuhanan nang litrato nang walang pahintulot, at mangyari pa’y sinusundan ang iba sa kanilang mga pinupuntahan. Sa kaso ng isang mag-uuling, inusisa pa nang husto ang laman ng kanyang sako. Pati na ang bata na nakalagay lamang ang kamay sa kanyang likuran ay inuusisa ng militar kung ano ang hawak nito, gayong wala naman itong itinatago.

Isinasailalim din nito sa pagmamanman ang mga tao, kinukuhanan ng litrato ang mga nagpupulong na samahan sa bahagi ng Kilingan ng San Jose. Ganoondin, kinukuhanan ng litrato ang gamit na motorsiklo ng mga sibilyan sa bahagi ng Canumay ng San Ysiro ng San Jose, Antipolo.

Bantay sarado din ng mga ito ang mga tindahan upang kontrolin ang labas ng mga paninda, samantalang halos ubusin nila ang laman ng tindahan habang mag-iiwan ng maraming utang sa tindahan, na hindi naman masingil dahil sa takot na mapagbantaan ang kanilang buhay.

Batas Militar ang sinasapit ng mamamayan sa kamay ng mga sundalo. Walang idinudulot na kabutihan ang presensya ng 80th IBPA sa Rizal kundi ang magkintal ng takot sa mga tao. Sa bawat pagkakataon, ipinakikita ng 80th IBPA ang pagkakaiba ng AFP sa NPA: ang AFP bilang sundalo ng mga ganid at mapang-aping naghaharing uri na may ugaling masiba, abusado’t walang disiplina; habang ang NPA bilang hukbo ng mamamayang anakpawis na magalang, mapaglingkod at disiplinado. Taglay ng bawat kasapi nito ang mga disiplina, alinsunod sa Saligang Alituntunin ng BHB, CARHRIHL at IHL.

Dahil sa disiplinang bakal na ito at sa tapat na pagsusulong ng NPA ng interes ng masang anakpawis, minamahal at tinatanggap sila ng masa sa kanilang mga tahanan at taniman sa kabila ng hirap na ipinapataw ng pasistang reaksyon. Batid ng mamamayan na ang NPA ang siyang nagbibigay hustisya sa lahat ng kalupitan na kanilang naranasan, at siyang lumulutas sa kanilang mga suliranin sa buhay at kabuhayan tulad ng mga ipinagtagumpay ng laban ng mamamayan sa kanilang sakahan na hanggang ngayon ay siyento por siyentong tinatamasa ng mamamayan ang tagumpay. Sa kabilang banda, ipinapataw naman ng AFP ang kanilang awtoridad sa mga komunidad, tumutuloy, tumitigil, at nag-aastang mga hari sa mga tahanan ng masa, at lumalabag sa batayang karapatan ng mamamayan. Abala at perwisyo sa buhay at hanapbuhay ang dala ng mga ito sa tuwing darating sa mga baryo.

Hindi malilinlang ang mga Rizaleño sa pagpapakitang-tao ng 80th IBPA. Batid ng mamamayan na hindi nito lulutasin ang mga pangunahing suliranin at tunay na interes ng mamamayan tulad ng problema sa lupa, El Niño, pagkain at hanapbuhay dahil panlilinlang lamang ang nasa kaibuturan ng kanilang mga aktibidad sa RCSPO.

Lingid sa kaalaman ng mga ito na sa bawat paglabag na ginagawa nila sa mamamayan, alinsunod sa CARHRIHL, 1977 Protocol I at II, at 1949 Geneva Convention, ay lalong pinapatalas nito ang linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, upang tahakin ng mamamayan.

Nananawagan ang NDF-Rizal sa lahat ng mamamayan ng Rizal na sama-samang ilantad at labanan ang ginagawa ng 80th IBPA sa buhay ng mga sibilyan at buong tapang na ilantad ang mga pandarahas sa kanila.

Dapat palayasin ng mamamayan ang 80th IBPA mula sa mga barangay sa Rizal. Sa haba ng listahan ng krimen at paglabag ng nasabing yunit ng AFP sa karapatang-tao, nasa mga Rizaleño ang lahat ng makatwirang dahilan at karapatan para magreklamo, mag-petisyon, at manawagan laban sa kanila. Kung ninanais ng mga Rizaleño na pangalagaan ang kanilang kapakanan, dapat pangibabawan ang anumang takot na itinanim ng pasistang tropa sa kanilang isip, at pangahasan na lumaban. ###

https://philippinerevolution.nu/statements/80th-ibpa-ang-tunay-na-pasistang-mukha-sa-likod-ng-kanilang-buladas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.