Friday, May 31, 2024

CPP/NDF-Southern Tagalog: Ibasura ang VFA at mga imposisyon ng US! Palayasin ang tropang militar ng US sa Pilipinas!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 31, 2024): Ibasura ang VFA at mga imposisyon ng US! Palayasin ang tropang militar ng US sa Pilipinas! (Repeal the VFA and US impositions! Get the US military out of the Philippines!)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

May 31, 2024

Sa pagsapit ng ika-25 taon mula nang iratipika ng Senado ng GRP ang Visiting Forces Agreement (VFA), nakikiisa ang NDFP ST sa paggigiit ng mamamayan na ibasura ang tagibang na tratadong ito at lahat ng imposisyon ng imperyalismong US sa Pilipinas. Dapat ding palayasin ang mga tropang Amerikano at alisin ang kanilang mga kagamitan at sasakyang pandigma na tinipon sa bansa. Dapat padagundungin ang mga panawagang ito lalo ngayong nang-uupat ang US ng gera laban sa China sa mismong bakuran ng Pilipinas.

Nilagdaan ng Senado ang VFA noong Mayo 27, 1999 sa ilalim ng rehimeng Estrada. Itinuturing itong isang tratado sa Pilipinas pero sa US ay isa lamang ehekutibong kasunduan. Instrumento ang VFA ng higit pang pagyurak ng US sa soberanong karapatan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagpasok sa bansa ng mga tropang Amerikano kasama na ang kanilang mga kagamitan at sasakyang pandigma. Hindi nito ginagalang ang integridad ng teritoryo ng Pilipinas bilang isang hiwalay na bansang kapantay (co-equal) ng US. Sa patuloy na pag-iral ng VFA, pinatutunayang ang Pilipinas ay neokolonya ng US sapul noong 1946 hanggang ngayon at kinukubabawan ng US sa aspetong ekonomya, pulitika, kultura at militar.

Sa ilalim ng VFA, naging regular ang pagdayo ng libu-libong sundalong Amerikano sa tabing ng mga pagsasanay, na nitong huling Balikatan ay umabot sa higit 11,000 ang bilang. Pinawalang-saysay nito ang pakikibakang bayan at matagumpay na pagpapatalsik sa mga base militar ng US sa bansa noong 1991. Dahil sa VFA, muling malayang nakakagala ang mga tropang ito at maraming ulat na nakikita ang mga itong kasama ng mga tropa ng AFP na nag-ooperasyon sa mga kabundukan at liblib na komunidad. Pangahas din ang mga pwersang US na pagbawalan ang mga Pilipino na pumasok sa mga kontrolado nilang lugar tulad ng ginawa nila sa pasilidad militar sa Oyster Bay, Puerto Princesa City, Palawan. Mula nang angkinin ng US ay hindi na nakapangisda o makalapit man lang ang mga lokal na mamamalakaya sa Oyster Bay.

Ang paghahari-harian ng mga pwersang militar ng US sa bansa ay kasama sa mga probisyon ng VFA. Inilalabas ng VFA ang mga tropang Amerikano sa saklaw ng mga batas ng GRP kaya hindi maaaring parusahan ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas ang mga pwersang US na nagkakasala, kahit pa sa mga kriminal na kaso tulad ng panggagahasa at pagpatay. Ito ang nangyari sa kaso nina “Nicole” at Jennifer Laude na parehong biktima ng mga tropang Amerikano. Pinauwi sa US ang mga salarin sa kaso ng dalawa imbes na mahatulan at ikulong sa Pilipinas. Napakasakit nito para sa mga biktima, kanilang pamilya at pati sa buong sambayanan. Sa kabilang banda, katawa-tawa at lampa ang GRP na walang magawa upang gawaran ng parusa ang mga kriminal na may “proteksyon” ng VFA.

Sadyang binuo ang VFA upang bigyang luwag ang mga tropang Amerikano sa estratehikong tanaw ng US na gamitin ang Pilipinas bilang isang forward military base nito sa Asia Pacific. Sinundan ang VFA ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na naging batayan ng pagtatayo ng siyam na base militar ng US sa bansa kung saan apat ang kamakailan lang inaprubahan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Tatauhan ang mga baseng ito ng mga tropang Amerikano na swabeng dinadala sa bansa sa bisa ng VFA. Ang nakapangangamba, hindi inilalantad ng GRP at US ang tunay na bilang ng mga tropang Amerikanong naka-istasyon na sa bansa. Pinoproyekto rin ng pwersang militar ng US ang pagpaparami ng mga pasilidad para sa pagkukumpuni at pagpapahinga ng mga sasakyan nito. Isang senyales nito ang pagpasok ng isang kumpanyang Amerikano sa shipyard sa Subic Bay. Ang pagkukumahog na magdagdag ng base at pagpi-preposition ng mga unipormadong tauhan at kagamitan sa Pilipinas ay bahagi ng plano ng US na magpaputok ng armadong sigalot sa Asia Pacific.

Ngayon pa lamang, habang wala pang aktwal na labanan, ay ramdam na ng mamamayang Pilipino ang mga disbentahe ng pagdami ng tropang US sa bansa. Napeperwisyo ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda dahil ipinagbabawal ang paglapit ng mga sibilyan sa mga sayt ng pagsasanay at mga lugar na may presensya ng tropang Amerikano. Halimbawa nito ang pagharang sa pangingisda sa mga baybayin ng Zambales, Palawan at Cagayan na pawang ginamit sa mga ehersisyong militar. Katambal nito ang pangwawasak sa kalikasan ng mga pinagsamahang aktibidad militar ng pwersang US at AFP. Sa Puerto Princesa City, Palawan, tampok naman ang paglaganap ng mga anti-sosyal na aktibidad at pagdami ng mga beerhouse sa paligid ng Oyster Bay dahil sa mga tropang Amerikano. Pinakamasahol, naghahasik ng takot sa mamamayan ang mga modernong kagamitang pandigma na tine-testing at pinagyayabang ng mga pwersang militar ng US gaya ng mga missile launchers, drones at mga fighter jet.

Makaisang panig na pinakikinabangan ng US ang VFA habang pinagdudusahan ng mamamayang Pilipino ang delubyo at pangyuyurak sa soberanya at karapatan na hatid nito. Ito ang dahilan kung bakit sa 25 taong pag-iral nito’y paulit-ulit na inirerehistro ng taumbayan ang pagtutol at pagpapabasura rito. Sa harap ng kasalukuyang banta ng inter-imperyalistang gera, dapat palakasin ang pananawagan na ibasura ang VFA at iba pang tagibang na kasunduang militar sa US. Kailangan ding ilinaw sa mamamayan na huwad ang postura ng US na dedepensahan nito ang Pilipinas mula sa pang-aatake ng China. Dapat manguna ang mga rebolusyonaryong pwersa sa paglalantad sa hegemonikong interes ng US na pang-uupat ng gera sa West Philippine Sea (WPS). Sa halip na magpalinlang sa propaganda ng US at GRP, itulak ang alternatibong mga hakbang upang mapayapang resolbahin ang usapin sa WPS gaya ng pakikipagnegosasyon sa China at pakikipag-alyansa sa mga kalapit na bansang katunggali rin ng China. Likhain natin ang isang masiglang kilusang makabayang anti-imperyalistang makikipaggitgitan upang ipagtanggol ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa panghihimasok ng US at pati ng China.

Buuin natin ang malawakang pagkukundena sa pagiging mapandigma ng imperyalismong US at pagsasangkalan nito sa Pilipinas sa inter-imperyalistang digma laban sa China. Iugnay ang mga pakikibakang masa para sa karapatan, lupa, sahod, trabaho at kabuhayan sa paglaban sa pagkubabaw ng imperyalismong US sa malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino. Kailangang palahukin ang buong bayan sa anti-imperyalistang pakikibaka at sama-samang isigaw sa mga lansangan, pagawaan, eskwelahan at kanayunan: Ibasura ang VFA! Palayasin ang tropang US!#

https://philippinerevolution.nu/statements/ibasura-ang-vfa-at-mga-imposisyon-ng-us-palayasin-ang-tropang-militar-ng-us-sa-pilipinas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.