Friday, April 28, 2023

CPP/NDF-MAKIBAKA: Itanghal ang Ginintuang Anibersaryo ng NDFP! Isulong ang armadong pakikibaka hanggang sa ganap na tagumpay!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 29, 2023): Itanghal ang Ginintuang Anibersaryo ng NDFP! Isulong ang armadong pakikibaka hanggang sa ganap na tagumpay! (Celebrate NDFP's Golden Anniversary! Carry forward the armed struggle to complete victory!)
 


Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka)
National Democratic Front of the Philippines

April 29, 2023

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa kanyang ginintuang anibersaryo noong Abril 24. Tunay na kasingningning ng ginto ang kanyang mga natamong tagumpay nitong nagdaang limang dekada. Pinagpupugayan natin ang mga martir ng rebolusyong Pilipino lalo na sina kasamang Benito ‘Ka Laan’ Tiamzon at Wilma ‘Ka Bagong-tao’ Austria na ibinuhos ang galing, talino at talento para sa kilusang mapagpalaya. Ang kanilang mga rebolusyonaryong buhay ay nakaukit sa bantayog ng mga bayani ng rebolusyong Pilipino.

Limampung taon na ang nakakalipas nang itatag ang NDFP, ang natatanging alyansa ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas. Isa ang MAKIBAKA sa nagsilbing mga tagapagtatag na samahan nito noong 1974, panahon ng matinding sosyo-ekonomikong krisis at ng brutal na paghahari ni Ferdinand Marcos, Sr., na nagbunsod ng higit na pagpapalawak at pagpapalakas ng armadong pakikibaka at kilusang masa. Ang NDFP ay nagsilbing ‘pisi’ na nagbuklod sa kilusang nagsusulong ng armadong pakikibaka upang gapiin ang militaristang diktadurya ni Marcos Sr. na nagpakana ng pasistang terorismo ng estado sa loob ng 14 taon. Kasama ang malawak na hanay ng mamamayang lumalaban, naging susi ang tungkulin ng NDFP na pagbuklurin ang mga makabayan at demokratikong puwersa upang patalsikin ang diktador at isulong ang pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino.

Limang dekada ang lumipas, nakabalik muli ang isang Marcos dala ng pambabaluktot ng kanilang madugong nakaraan. Subalit para sa mga rebolusyonaryo na malay sa kasaysayan at sa tunggalian ng uri, tiyak na hindi magmamaliw ang pagsisikap na higit na palagablabin ang apoy ng rebolusyon.

Hindi maitatanggi na ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay walang ibang tutunguhin kundi ang pagbagsak nito. Walang kaparis ang danas na pagsasamantala at pang-aapi ng masang Pilipino sa kamay ng mga naghaharing-uri at bulok na kasapakat nyang reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Matinding kahirapan, kawalan ng lupa, trabaho at nakabubuhay na sahod, at kabulukan ng panlipunang serbisyo ay ang araw-araw na reyalidad para sa masang Pilipino.

Imbes na bigyang lunas ang mga panlipunang suliranin, naging instrumental ang rehimeng US-Marcos II upang walang pakundangang kaladkarin sa gyerang agresyon ng imperyalistang Estados Unidos ang ating bayan. Ang katatapos lamang na ehersisyong militar na nilahukan ng tinatayang labinpitong libong tropa mula sa United States of America at mga observers mula sa Australia, at Japan ay indikasyon ng nagpapatuloy na pangangalaga ng Imperyalismong US sa kanyang pang-ekonomiya, pulitikal at militar na interes sa rehiyong Asya-Pasipiko.

Ilang dekada ang lumipas at walang tunay na pagbabago ang idinulot ng mga nagdaang papet at reaksyunaryong rehimen na walang ginawa kundi pagsilbihan ang among imperyalista at mga burgesya komprador sa kapahamakan ng mga Pilipino. Nagpapatuloy ang kadusta-dustang kalagayan ng mamamayan kung kaya hindi mapipigilan ang pagnanais nitong baguhin ang kanyang kinalalagyan. Tunay na reporma sa lupa, trabahong disente at may nakabubuhay na sahod, at mahusay at maka-masang panlipunang serbisyo ang ilan sa mga pangunahing reporma na nais matamasa ng bawat mamamayan. Ngunit, sa ilalim ng mga namumunong papet ay hungkag ang mga reporma na nais lamang bigyang ilusyon ito ng pagbabago. Tunay ngang matatamasa lamang ng masang anakpawis ang pambansang kalayaan at demokrasya sa lipunang sosyalista.

Ating itanghal ang ginintuang selebrasyon ng NDFP sa pamamagitan ng pagpapalaki, pagpapalapad at pagpapalakas ng ating rebolusyonaryong hanay. Abutin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong kababaihan para sa demokratikong rebolusyong bayan. Hawanin natin ang landas para sa pagpapaigting ng digmang bayan hanggang sa makamit natin ang ganap na tagumpay!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!
Mabuhay ang mamamayang lumalaban!

https://philippinerevolution.nu/statements/itanghal-ang-ginintuang-anibersaryo-ng-ndfp-isulong-ang-armadong-pakikibaka-hanggang-sa-ganap-na-tagumpay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.