Friday, April 28, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: AFP, humingi ng dagdag na baseng EDCA para sa “proteksyon”

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 29, 2022): AFP, humingi ng dagdag na baseng EDCA para sa “proteksyon” (AFP, asked for additional EDCA base for "protection")
 





April 29, 2023

Kinumpirma kahapon, Abril 28, ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines ang planong dagdagan pa ang siyam nang “lokasyong EDCA” o mga base militar ng US sa bansa.

Sa isang panayam, binigyang-katwiran ito ni Col. Medel Aguilar, tagapagsalita ng AFP, sa pagsasabing kailangan ng Pilipinas ng “360-degree” o lahatang-panig na proteksyon. Kabalintunaang panawagan ni Aguilar ang pagsandig sa isang dayuhang armadong pwersa para “protektahan ang soberanya” at integridad ng teritoryo at mga rekursong pandagat ng Pilipinas. Taliwas ito sa naunang iginiit ng mga upisyal ng AFP na “hindi nakatuon sa anumang bansa” ang mga baseng EDCA.

Di sadyang inamin ni Aguilar na hanggang “rekomendasyon” lamang ang Pilipinas. Aniya, ang pagpili ng mga lokasyon ay “rekomendasyon” na “nanggagaling sa (AFP).” Tugon ito sa obserbasyong lumabas sa isang pagdinig sa Senado kung saan kinwestyon ang mga lokasyon na animo’y “random” (hindi sistematiko) at di naayon sa programang modernisasyon ng AFP.

Tahasang nagsinungaling si Aguilar sa pagsabing sa kadulu-duluhan, “mapakikinabangan” ng mga tropang Pilipino ang mga pasilidad sa mga baseng ito. Sa ilalim ng EDCA, may ekstrateritoryal na karapatan ang US sa mga baseng militar na ito, at walang awtoridad dito ang estadong Pilipino.

Bago pa nito, sinabi na ni Ferdinand Marcos Jr na magkakaroon ng gayong mga base “all over” o sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Sa ngayon, nakasentro ang pinakamaraming base sa Northern Luzon, kasunod sa Palawan. Tig-isa ang nasa Cebu at Cagayan de Oro. Dati nang permanenteng nakabase ang US sa Western Mindanao. Anim sa “18 proyekto” sa unang limang base militar ang sinsasabing matatapos ngayong 2023.
“Protectorate” ng US

Samantala, binatikos ng Bagong ALyansang Makabayan ang napipintong pakikipagpulong ni Ferdinand Marcos Jr kay US Pres. Joseph Biden sa Mayo 1. Ang pagpupulong ay “muling pagpapatibay sa lubos na di pantay na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa” at ang mababang katayuan ng Pilipinas sa relasyong ito.

“Isa itong muling pagpapatibay ng katayuan ng Pilipinas bilang neokolonya at military outpost ng US sa Asia,” ayon sa pahayag nito noong Abril 22. Batid ng grupo na iaanunsyo sa pagpupulong na ito ang bagong US-Philippines Bilateral Guidelines na sikretong isinalang sa negosasyon at sinasabing “upgrade” ng Mutual Defense Treaty. Kabilang sa itinutulak ng US ang permanenteng presensya ng mga armas at tropa nito sa Pilipinas. Lalo nitong patitingkarin ang katangian ng Pilipinas bilang “protectorate” (isang bansang nakapailalim o kinokontrol) ng US.

Sa gayon, walang dapat ipagdiwang sa paparating na pulong sa pagitan ni Biden at Marcos,” ayon sa grupo. Ilalatag sa pulong na ito ang mga kundisyon para higit pang masangkot ang Pilipinas sa mga gera ng US sa labas ng bansa.

Sa kasaysayan, isa si Biden sa pinakahayok sa gera ng upisyal ng US. Nagsilbi siya sa makapangyarihang komite sa depensa sa Senado ng US noong sinalakay ng US ang Iraq sa maagang bahagi ng dekada 2000. Sangkot siya sa mga napakaraming agresyong militar sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ngalan ng “gera kontra-terorismo.” Bilang bise-presidente noon ni Barrack Obama, katuwang siya sa pagsasagawa ng maraming ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga pinaghihinalaang mga terorista at kasama nilang mga sibilyan sa Afghanistan at Pakistan.

Bago pa ang pagbisita ng Marcos, nasa US na ang ilang mambabatas para makipag-areglo sa mga mambabatas sa US. Pinangunahan sila ni House Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Marcos at palagiang kasama sa mga paglalamyerda sa ibang bansa. Isa sa kausap ni Romualdez si Kevin McCarthy, House Speaker ng US Congress. Isa si McCarthy sa pinakamaingay at aktibong tagapagtulak ng interbensyunistang patakaran ng US sa Taiwan. Noong nakaraang buwan, nakipagpulong siya kay Prime Minister ng Taiwan na si Tsai Ing-wen habang nasa US para talakayin ang “independensya” ng bansa mula sa China.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/afp-humingi-ng-dagdag-na-baseng-edca-para-sa-proteksyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.