Tuesday, November 9, 2021

CPP/Ang Bayan: Sulong, mga manggagawa sa Southern Tagalog!

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom Website (Nov 7, 2021): Sulong, mga manggagawa sa Southern Tagalog!

Nakapanayam ng Ang Bayan si Andres Obrero, organisador ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) sa Southern Tagalog. Dati siyang manggagawa sa industriya ng pagmamanupaktura (semikonduktor) at ilang dekada nang nagseserbisyo sa kilusang paggawa.

1) Anu-ano ang mga usapin na kinakaharap ng kilusan ng mga manggagawa ngayon sa rehiyon?

Bago pa man manalasa ang pandemya, humahagupit na ang panunupil ng pasistang kaaway sa kilusang manggagawa sa rehiyon. Kinatangian ito ng laganap na red-tagging sa mga lider mula pabrika hanggang sa sentro ng militanteng unyon, at pag-aresto sa mga manggagawa at pagprisinta sa kanila bilang mga sumukong myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Dagdag pa rito ang kabi-kabilang sarbeylans at pagbabahay-bahay sa kilalang mga organisador at lider ng kilusang manggagawa upang gipitin sila. Naobligang magpakanlong at magtago ang ibang mga lider-manggagawa at organisador dahil sa tindi ng panunupil at red-tagging.

Dahil sa tindi ng inabot na panunupil, hindi maikakailang nagdulot ito ng pansamantalang negatibong epekto sa mga lider at sa mismong masang manggagawa sa mga lugar na kinikilusan. Sinabayan pa ito ng restriksyon sa paggalaw dahil sa militaristang protokol na ipinatutupad dahil sa pandemya.

Sa kabila nito, nagpatuloy ang rebolusyonaryong tungkulin at gawain ng marami nang may ibayong pag-iingat. Nagpakahusay sila sa dati nang kaparaanan ng lihim na pagkilos upang ligtas na makaugnay sa mga manggagawa laluna sa mga unyong naglulunsad ng kanilang mga pakikibaka.

2) Paano umangkop ang kilusang paggawa sa mga restriksyon at panggigipit sa ilalim ng pandemya?

Dahil sa pandemya, nagbago ang kaparaanan ng pagkilos ng mga manggagawa pero hindi humupa ang kanilang galit at diskuntento. Sa pagpupunyagi at dedikasyon ng mga organisador at lider manggagawa na labanan ang panunupil ay unti-unting napangibabawan ang takot na kumilos. Inaral at ginawa ang iba’t ibang pamamaraan ng pagkilos at pag-ugnay sa masang manggagawa habang isinasaalang-alang ang kaligtasan at seguridad ng mga organisador at lider-manggagawa.

Mabisang nagamit ang iba’t ibang pamamaraan para makapaglunsad ng mga pag-aaral, konsultasyon at pagpupulong na online at harapan, at maging sa pag-oorganisa at pagpapalawak. Patunay dito ang muling paglaki ng bilang ng mga manggagawa na lumahok sa mga mobilisasyon kahit pa sa gitna ng pandemya.

Ilan ding mga unyon ang matagumpay na nakapagsara ng mainam na collective bargaining agreement (CBA) sa kasagsagan ng pananalasa ng pandemyang Covid-19 at ng teroristang atake ng estado sa kilusang paggawa. Nakapaglunsad sila ng sama-samang mga pagkilos para labanan ang hindi pagbibigay ng mga kinakailangang ayuda at angkop na protokol para makatulong sa mga manggagawa na labanan at mailigtas sila sa pagkahawa sa bayrus na Covid-19.

Ang malalaking ganansyang nakamit ng mga manggagawa sa paglulunsad ng sama-samang mga pagkilos ay nagsisilbing halimbawa at inspirasyon ng iba pang mga unyon.

Ano ang RCTU?

ITO AY ISANG konseho na binubuo ng mga rebolusyonaryong lider unyon at mga unyonistang kasapi at di kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Bahagi ito ng malawak na network ng rebolusyonaryong kilusang lihim sa kilusang manggagawa.

Kinakatawan ng RCTU ang mga unyon ng manggagawa at kasapian nito sa National Democratic Front of the Philippines.

Ito ay isang konseho at hindi isang pormal na rebolusyonaryong organisasyong masa dahil sa punto de bista ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, dalawa lamang ang organisasyon ng manggagawa—ang kanilang unyon na siyang makinarya sa pakikibaka laban sa kapital at ang kanilang pampulitikang Partido, ang Partido Komunista.


3) Ano ang pinakamalalaking isyu na kinahaharap ngayon ng mga manggagawa sa rehiyon?

Ang pangunahing mga usapin at kampanyang kinahaharap ng mga manggagawa ay ang usapin ng sahod, trabaho at karapatan o mga kampanya laban sa aliping sahuran; kawalan ng trabaho, malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon; paglabag sa mga batayang karapatan sa paggawa at matinding panunupil ng estado.

Makikita sa rehiyon ang napakasahol na kalagayan ng pasahod sa bansa. Ipinatutupad dito ang iba’t ibang antas ng pasahod alinsunod sa iba’t ibang batas at patakaran sa pagpapasahod tulad ng two-tiered wage system, Barangay Micro-Business Employment Act na nagpapahintulot sa mga employer na may kapital na ₱3 milyon pababa na magpatupad ng sahod na mas mababa pa sa itinakdang minimum; at pagpapahintulot sa mga ahensya sa paggawa na humuthot ng 10% sa sahod ng kanilang mga manggagawa. (Sa kasalukuyan, ₱400 lamang ang itinakdang arawang minimum sa Region 4-A.)

Bago manalasa ang pandemyang Covid-19, nasa 70%-80% ng manggagawa sa mga pagawaan sa rehiyon ay kontraktwal. Marami na sa mga unyon at asosasyon ang nangampanya para sa regularisasyon ay panimulang nakakuha ng paborableng desisyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Region 4-A. Naitayo ang kanilang mga samahan na nagsulong ng tuluy-tuloy at aktibong mga pakikibaka ng mga manggagawa para sa panawagang maipatupad ang regularisasyon ng mga kontraktwal. Sa kabilang banda, malaking bilang sa mga paborableng desisyon na ito ay binawi ng kalihim ng DOLE.

Tuluy-tuloy pa rin ang terorismo ng estado sa kilusang paggawa sa rehiyon. Binabahay-bahay ng mga pwersa nito ang mga lider-manggagawa na nagtataguyod ng tunay na unyonismo. Wala pa ring hustisya sa brutal na mga pamamaslang, kabilang sa mga biktima ng “Bloody Sunday,” ang pinakamadugong araw sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Duterte.

4) Ano ang hamon ngayon ng RCTU sa harap ng pag-igting ng mga atake sa pambansa-demokratikong kilusan?

Hamon sa mga kasapi ng RCTU na mahigpit na panghawakan ang ibayong pagpapaunlad ng rebolusyunaryong kilusang masa sa saklaw nito at mahigpit na pagtulong sa pagpapaunlad ng rebolusyunaryong kilusan sa kanayunan.

Tuluy-tuloy nating isulong ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran, pukawin, organisahin at pakilusin natin ang malawak na hanay ng uring manggagawa at iba pang demokratikong pwersa sa nagkakaisang prente. Sila ang ating mahigpit na makatutuwang na pwersa para sa pakikibakang antipasista at anti-imperyalista na susuporta sa antipyudal na pakikibaka sa kanayunan.

Batid ng mga manggagawa ang napakapaborableng sitwasyong mabilis na pagkabulok ng rehimeng US-Duterte at lumalalim na mga bitak sa naghaharing-uri sanhi ng pagpabor nito sa isang seksyon ng mga negosyante, pulitiko at militar. Kailangang lahatang-panig na palakasin ang mga rebolusyunaryong pwersa at makapagtipon pa ng solidong lakas. Abutin ang pinakamalawak na masang manggagawa para ilapit sila sa demokratikong rebolusyong bayan.

Pangunahing tungkulin ng RCTU bilang pagtulong sa BHB ay ang aktibong pagrerekrut at pagpapasapi ng mga manggagawa sa BHB. Liban dito ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng mga kasapi ng RCTU ng suportang materyal, mahahalagang gamit personal, gamot, gamit medikal at iba pang mga pangangailangan ng hukbong bayan. Bahagi rin ng programa ng RCTU sa rehiyon ang panawagan ng integrasyon sa BHB.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/07/sulong-mga-manggagawa-sa-southern-tagalog/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.