Tuesday, November 9, 2021

CPP/Ang Bayan: Itigil ang teroristang pambobomba mula sa himpapawid!

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom  Website (Nov 7, 2021): Itigil ang teroristang pambobomba mula sa himpapawid!

ANG BAYAN PILIPINO
Ang paghuhulog ng mga bomba mula sa himpapawid mula sa mga eroplanong pandigma at helikopter at ang katuwang na paggamit ng mga drone para sa sarbeylans sa isinasagawang gera kontra-gerilya ay labag sa internasyunal na makataong batas na gumagabay sa kondukta ng gera. Ang paggamit ng mga sandatang ito ay dapat itigil at ipagbawal.

Labis-labis ang inihuhulog na tone-toneladang bomba, pinalilipad na rocket, ibinubugang mga bala ng masinggan, at panganganyon ng militar. Ang gayong malalakas na sandata, na karaniwang ginagamit pangwasak ng mga tangke at gusali, ay nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at kalikasan. Lalong kasuklam-suklam ang paggamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng “proximity fuse” para pasabugin ang bomba ilang metro bago ito tumama sa lupa na nagdudulot ng mas malawak pang pinsala.

Itinataas ng AFP ang kakayahan nito sa pag-asinta ng pambobomba sa pamamagitan ng paggamit ng mga drone para sa pang-ereng sarbeylans (pagkuha ng litrato, thermal imaging at elektronikong paniniktik) sa malawak na kalupaan. Nakadugtong ito sa lokal na mga espiya at mga kagamitang paniktik para tukuyin ang mga pwesto ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

May ilan nang pagkakataong tumama ang mga bomba sa mga pwesto o kampo ng BHB na ikinasawi ng maramihang bilang ng Pulang mandirigma, katulad ng pagkitil sa buhay ng 20 sa Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16, 10 sa Gingoog City sa Misamis Oriental noong Mayo 10, 2020, at pito sa Sta. Teresita, Cagayan Valley nitong Setyembre 21. Kadalasang isinasagawa ang pambobomba sa mga natukoy na pwesto ng BHB sa madaling araw bago pumutok ang liwanag.

Ang paggamit ng labis na malalakas na sandata ay taliwas sa mga prinsipyo ng makataong batas na nagsasaad ng paggamit lamang ng hustong lakas para makamit ang isang partikular na layuning militar na hindi nagdudulot na sobra-sobrang pinsala sa armadong katunggali at hindi taliwas sa kung ano lamang ang matwid at makatao.

Sinasamantala ng AFP ang bentaheng panghimpapawid nito laban sa BHB sa paghuhulog nito ng bomba sa mga armadong katunggali na walang kakayahang magdepensa at walang pagkakataong lumaban. Hindi gera ang ganitong paraan ng maramihang pagpuksa, kundi brutal at madugong pagpatay. Isinasaad ng prinsipyo ng pagkamarangal na ang karapatang puksain ang kaaway ay makatwiran lamang kung ito ay nasa larangan ng armadong labanan. Sa paghuhulog ng bomba mula sa ilang kilometro sa himpapawid, ipinamamalas ng AFP ang kawalan ng pagkamarangal at labis na karuwagan.

Sa kabila ng paggamit ng mga drone, mas madalas pa rin na nagmimintis ang mga bomba ng AFP at tumatama, pumipinsala at nagsasaboy ng lason sa mga bukid sa kapatagan na malapit sa mga komunidad, sa mga sakahan at taniman sa bundok, sa mga lugar ng pangangaso, at mga pinagkukunan ng tubig, pagkain, gamot at iba pang rekursong pangkabuhayan ng masa. Kamakailan, nagresulta sa pagkasunog na malaking bahagi ng kabundukan ang matinding pambobomba.

May mga pagkakataong naghuhulog ng bomba at nag-iistraping sa malapit sa mga komunidad na walang malinaw na target ang AFP. Isinasapeligro nito ang buhay ng mga sibilyan at naghahasik ng matinding takot. Paulit-ulit ang mga kaso na napupwersang magbakwit ang mga tao. May ilan nang kaso ng mga sibilyang di man tuwirang tinamaan ay namatay dahil sa sakunang dulot ng pambobomba. Ang nakaririnding ugong ng matagalang pag-ikot-ikot ng mga drone sa kanilang mga komunidad at kabundukan ay sumisira sa katahimikan at nagdudulot ng labis na pangamba sa masa. Nambobomba ang AFP upang sindakin ang masa at paluhurin sila sa kapangyarihan ng militar. Ano pa nga ba ito kundi terorismo mula sa himpapawid.

Bilyun-bilyong piso ang nilulustay ng AFP sa halos araw-araw na pagpapalipad ng mga drone, eroplanong pandigma at helikopter. Ilang bilyong pisong halaga ng mga bomba, rocket at mga bala ang winawaldas para sa mga sandatang ito ng terorismo. Inaaksaya ang ganito kalaking pondo habang walang hanapbuhay, mababa ang sahod at kinikita at tuluy-tuloy na pumapaimbulog ang presyo ng mga bilihin.

Dapat magkaisa ang sambayanang Pilipino laban sa brutal at teroristang pambobomba mula sa himpapawid ng AFP. Dapat maninindigan ang nagtataguyod sa karapatang-tao at kapayapaan, mga abugado at ekspertong ligal, at lahat ng nagmamahal sa demokrasya, para isulong ang mga hakbang para ilantad, batikusin at itulak ang pagbabawal sa paggamit ng mga sandata ng terorismo ng estado. Dapat ilantad sa internasyunal na komunidad ang kabuktutan ng teroristang pambobomba sa Pilipinas at makiisa sa iba pang mamamayang dumaranas ng katulad na karahasan tulad sa Palestine, Yemen, Syria, Kurdistan, Afghanistan, Pakistan at iba pang bansa. Ilantad at batikusin ang pagsuporta ng imperyalismong US sa teroristang pambobomba ng pasistang rehimeng Duterte.

Dapat patuloy na magpakahusay ang BHB sa gerilyang pakikipagdigma upang biguin ang teroristang pambobomba ng AFP. Lahat ng yunit ng BHB, maliit o malaki, ay dapat maging puspusan sa pagtalima sa mga binuong patakarang panseguridad. Dapat maging mahusay at mapanlikha sa lihim na pagkilos upang panatilihing bulag at bingi ang kaaway at ipawalangsaysay ang mga drone at iba pang kagamitan ng kaaway sa paniniktik.

Dapat panatilihin ng lahat ng yunit ng BHB ang mataas na antas ng mobilidad at kakayahan sa mabilis na paglilipat-lipat upang iwasang masukol at maasinta ng kaaway. Kailangang tuluy-tuloy na palaparin ng lahat ng yunit ng BHB ang kinikilusan nitong erya. Iwasan ang labis na pagkakampante o pagluluwag na lumilitaw sa panahon na may natatamong tagumpay sa gawaing militar man o sa gawaing masa.

Dapat tuluy-tuloy na itaas ng BHB ang kakayahan na maglunsad ng mga opensiba laban sa mga kagamitang panghimpapawid ng kaaway. Wala man tayong mga kagamitang anti-aircraft, magagamit ng mga isnayper na Pulang mandirigma ang mga riple laban sa mga helikopter ng kaaway kapag lumilipad nang mababa o kaya’y lumalapag sa mga bundok at sa loob ng mga sonang gerilya.

Dahil sa lumalaking papel ng mga kagamitang panghimpapawid sa mga operasyong kontra-gerilya, hindi magtatagal na magiging palaasa dito ang mga tropang pangkati ng kaaway. Sa harap nito, dapat ibayong magpakahusay ang BHB sa paggamit nito ng bentahe ng kalupaan at suportang masa upang targetin ng mga taktikal na opensiba ang mahihina at nahihiwalay na yunit ng kaaway.

Gabay ng prinsipyong isinaad ni Mao: “ang mga mamamayan, hindi ang mga bagay, ang mapagpasya,” dapat pag-ibayuhin ng lahat ng Pulang mandirigma ang tapang, determinasyon, kahandaan sa sakripisyo at talino sa patuloy na pagsusulong ng digmang bayan. Itaas ang pampulitika at katatagang pang-ideolohiya ng lahat ng yunit ng BHB habang isinusulong ang matagalang digmang bayan para makamit ng sambayanang Pilipino ang pambansang kalayaan at demokrasya.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/07/itigil-ang-teroristang-pambobomba-mula-sa-himpapawid/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.