Tuesday, November 9, 2021

CPP/Ang Bayan: Pagpaslang at mga kasinungalingan ng AFP hinggil sa pagkamatay ni Ka Oris

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom  Website (Nov 7, 2021): Pagpaslang at mga kasinungalingan ng AFP hinggil sa pagkamatay ni Ka Oris

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang 4th ID, sa walang dangal na akto ng pagpatay kay Ka Oris (Jorge Madlos) at sa kasama niyang medik na si Ka Pika. Kinukundena rin nito ang kasunod na engrandeng palabas sa midya at mga kasinungalingan ng matataas na upisyal militar para pagtakpan ang kanilang krimen.

Si Ka Oris, 72, ay halal na kasapi ng Komite Sentral, Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng PKP. May mataas na katungkulan at tagapagsalita siya ng National Operational Command (NOC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Isa siya sa mga unang kadre ng Partido na nagtatag sa BHB sa Mindanao. Bilang parangal, idineklara ng PKP bilang Internasyunal na Araw ng Paggunita para kay Ka Oris ang Nobyembre 7. (Para sa buong parangal ng PKP, basahin ang espesyal na isyu ng Ang Bayan, Nobyembre 2, 2021.)

Taliwas sa ipinakakalat ng militar, hindi namatay sa engkwentro sina Ka Oris at Ka Pika. Sakay sila ng motorsiklo at binabaybay ang daan mula sa sentro ng bayan ng Impasug-ong sa Bukidnon patungo sa pambansang haywey nang tambangan sila ng mga sundalo ng 403rd IBde. Bumibyahe sila noon para sa regular na tsek-ap sa kalusugan at pagpapagamot. Pareho silang di armado at wala sa katayuang lumaban.

Apat na oras matapos ang pagpaslang, pinutakti ng mga FA-50 fighter jet at mga helikopter ang Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing, sa parehong bayan. Kinabukasan, Oktubre 30, “ginalugad” umano ng mga yunit militar ang pinagbagsakan ng mga bomba. Sa di kapani-paniwalang kwento, pinalabas ng AFP na “nakaengkwentro” bandang alas-11 ng umaga ng militar ang yunit ng BHB na kinabibilangan ni Ka Oris at Ka Pika. Dito umano nila “nakuha” ang bangkay ng dalawa.

Hindi makapaglabas ng anumang litrato ng pinangyarihan ng engkwentro ang AFP. Lahat ng mga larawan ng labi ni Ka Oris ay malapitang kinuha. Sa mga ito, nakaahit ang bigote at mahabang balbas ni Ka Oris, bagay na ginagawa lamang niya kapag bumibyahe at kailangang baguhin ang kanyang hitsura.

Para ipagpilitan ang kwentong “engkwentro,” paulit-ulit pang binomba ng AFP ang mabundok na bahagi ng Dumalaguing noong Nobyembre 2.

Gumawa pa ng kwento ang militar na madalas diumanong pumupunta si Ka Oris sa Cagayan de Oro City para magpa-dialysis. Walang sakit sa bato si Ka Oris. Ang karamdaman niya ay dulot ng pinsala sa kanyang pantog, na mahigit tatlong dekada na niyang iniinda.

Noong Nobyembre 3, sinunog ng AFP ang ebidensya ng kanilang krimen sa unilateral na desisyong ipina-cremate (ipinasunog para gawing abo) ang mga labi nina Ka Oris. Pagsunod umano ito sa mga protokol sa Covid-19 dahil anito, nagpositibo ang kanilang mga bangkay sa bayrus (bagay na wala ring independyenteng pagpapatunay). Ginawa ito ng AFP sa kabila nang paparating na noon ang kapatid ni Ka Oris para kunin ang kanyang mga labi.

Ipinagkait ng AFP ang lahat ng posibilidad para ipa-awtopsiya ang bangkay sa independyenteng mga duktor. Ito ay taliwas din sa kahilingan ng kanyang mga kaanak at ng rebolusyonaryong kilusan na ibalik ang kanyang mga labi sa Siargao Island sa Surigao del Norte para masilayan sa huling pagkakataon ng kanyang pamilya. Naulila ni Ka Oris ang kanyang asawa na si Maria Malaya, at kanilang dalawang anak.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/07/pagpaslang-at-mga-kasinungalingan-ng-afp-hinggil-sa-pagkamatay-ni-ka-oris/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.