Tuesday, November 9, 2021

CPP/Ang Bayan: Gawang-militar na mga samahan, ginagamit para sa mga mina, plantasyon

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom Website (Nov 7, 2021): Gawang-militar na mga samahan, ginagamit para sa mga mina, plantasyon

Hindi malulutas ng “pederasyon ng mga people’s organization (organisasyon ng mamamayan)” ng militar ang matagal nang problema ng mga magsasaka at Lumad. Ito ang tugon ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Southern Mindanao Region (PKM-SMR) sa ibinalita noong ikatlong linggo ng Oktubre na nagbuo ang 10th ID ng umano’y pederasyon ng mga organisasyong masa sa rehiyon.

Ayon sa tagapagsalita ng PKM-SMR na si Restituto Baguer, hindi nilulutas ng mga organisasyong binuo ng militar ang kawalan ng lupa at iba pang anyo ng pagsasamantala sa mga magsasaka at Lumad. Katunayan, aniya, “pinalala ang mga ito ng patakaran ng gubyernong Duterte pabor sa pagpapalit-gamit ng lupa para sa kapitalistang mga plantasyong monocrop (nagtatanim lamang ng isang tipo ng pananim), malawakang operasyon sa pagmimina, agroturismo at mga proyektong imprastruktura.”

Tinukoy ni Baguer ang di bababa sa 18 bayan at syudad sa rehiyon kung saan libu-libong pamilyang magsasaka ang pinalalayas para bigyang daan ang pagpapalawak ng mga plantasyon. Sa mga lugar na ito, nagsisilbing kasangkapan ang binuong mga organisasyon ng militar upang mapabilis ang pang-aagaw sa mga sakahan ng palay, mais, gulay at iba pang pananim.

Inihalimbawa ni Baguer ang dating mga organisasyon ng magsasaka at unyon ng mga manggagawa sa Maragusan, Davao de Oro, na nawalan ng kapangyarihan matapos silang piliting sumurender bilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Dahil dito ay nakapamayagpag ang mga kapitalistang plantasyon sa pang-aagaw ng lupa sa tabing ng mapang-aping mga agricultural ventures agreement. Ayon pa kay Baguer, mas pabor sa mga kumpanya na mang-angkin na lang ng mga sakahan kesa gumastos sa rehabilitasyon ng lupa na sinira na ng deka-dekadang monocrop na pagtatanim ng mga plantasyon.

Mayroon ding di bababa sa 37,000 ektarya na aprubado nang pasukin ng mga kumpanya sa pagmimina. Maliban dito ay may isang milyong ektarya pa ang ipinailalim na sa mga aplikasyon sa pagmimina mula 2017. “Naigarantiya na sa mga kumpanya sa pagmimina at agroturismo ang bayan ng Talaingod at ang Kabundukang Pantaron, kaya walang lubay ang gera ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga Lumad sa lugar,” ani Baguer. “Naging mga taga-apruba lamang ang binuong mga organisasyon ng AFP para sa panghihimasok ng mga mapanirang proyektong ito,” dagdag niya.

Inilinaw ng PKM na walang programa ang mga organisasyong ito para lansagin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa, sa libreng pamamahagi ng lupa, o pagbibigay ng kumprehensibong ayuda para sa pagpapaunlad ng produksyon. “Walang kampanya para pataasin ang presyo ng aming mga produkto, at ibaba ang mga bayarin sa pagbilad at pagpagiling ng ani. Walang pagbabawal sa usura,” salaysay pa ni Baguer.

Sa huli, inilantad ni Baguer na ang mga organisasyong nabanggit at kanilang mga aktibidad na pinasisimunuan ng 10th ID ay nagsisilbi lamang na palamuti para pagmukhaing nagtatagumpay ang kanilang kampanyang kontra-insurhensya. “Mas malala, ang mga ito’y ginagawang palabigasan ng militar,” dagdag niya.

Sa Southern Leyte ay nagpasimuno rin ang 8th ID ng pagbubuo ng “pederasyon” sa katulad na layunin.

Hindi na bago ang pagbubuo ng AFP ng mga organisasyong pantapat umano sa mga organisasyong masa sa mga baryo at komunidad. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino III, ang mga “peace and development team” na umokupa sa mga pamayanan ay sapilitang nagbuo ng mga “counter organization” ng mga magsasaka, kabataan at kababaihan. Pawang nabigo ang mga ito na wasakin ang pagkakaisa ng mga residente sa baryo. Nanatili pa ring nakatayo sa mga baryo ang PKM.

Ang PKM ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga magbubukid na mahigpit na katuwang ng BHB sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/07/gawang-militar-na-mga-samahan-ginagamit-para-sa-mga-mina-plantasyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.