Tuesday, November 9, 2021

CPP/Ang Bayan: Sa tuwing umuulan ng lagim

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the PRWC Newsroom  Website (Nov 7, 2021): Sa tuwing umuulan ng lagim

Walang pagsidlan ang takot ng mga residente sa Sityo Damugnay, Los Angeles, Butuan City noong Nobyembre 3 dahil sa walang-habas na pambobomba ng mga helikopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang lugar.

Sa isang bidyo na kinuha ng isang residente, mahihiwatig ang takot at pagkataranta ng mga residente. Maririnig ang malalakas na pagsabog at sunud-sunod na putok, karugtong ang mga hiyaw at iyakan. Sa huling bahagi ng bidyo ay makikitang nagsisilikas ang taumbaryo.

Pinatotohanan ng pahayag ni Ka Diwa Habagat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Agusan del Norte ang sinapit ng mga residente. Sinabi niya na ala 1:45 ng hapong iyon, hindi bababa sa apat na malalaking bomba ang inihulog ng mga helikopter na Black Hawk, at daan-daang bala ng kalibre .50 na masinggan ang pinaulan sa mga sakahan at bukid.

Ang insidente sa Butuan City ay kabilang sa tatlong naitalang pambobomba sa Mindanao sa loob lamang ng limang araw. Noong Oktubre 30, binomba at inistraping ang Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon mula alas 12:40 ng umaga hanggang pasado alas-dos ng umaga. Sa panahong ito, hindi bababa sa anim na malalaking bomba at dose-dosenang rocket ang pinaulan ng AFP sa lugar.

Muling binomba ang parehong barangay noong Nobyembre 2, alas-9 ng gabi. Katumbas ng di bababa sa tatlong toneladang bomba ang inihulog ng apat na eroplanong OV-10. Kabilang dito ang tig-apat na bombang may bigat na 250 libra at 500 libra. Dahil sa labis-labis na pasabog, sunud-sunod na niyanig ang lupa at nasunog ang malaking bahagi ng kabundukan. Mariin itong kinundena kahit ng mga syentista na nagsabing ang pagsunog ng malalawak na gubat ay nagdadagdag sa pag-init ng atmospera.

Sa loob ng 12 linggo mula kalagitnaan ng Agosto hanggang unang linggo ng Nobyembre ay may naitalang anim na katulad na pambobomba. Katumbas ito ng isang serye ng pambobomba bawat dalawang linggo. Dalawa sa mga insidente ay sa Eastern Visayas at isa sa Cagayan Valley.

Hindi bababa sa dalawang sibilyan ang naiulat na namatay dahil sa mga pambobomba, at ilan ang nasugatan. Si Ruben Darasin, magsasakang taga-Barangay Balang-balang sa Remedios T. Romualdez, ay namatay matapos tumakbo papunta sa ilog dahil sa pagkataranta nang bombahin ang Sityo Damugnay. Mga sugat at galos sa katawan din ang tinamo ng mga nagtatrabaho sa kanilang mga sakahan dahil sa pagtakas sa peligrong matamaan sa pambobomba.

Sa Bobon, Northern Samar noong Setyembre 16, dahil din sa takot dulot ng pagkanyon at pambobomba ay nakunan ang isang buntis at namatay. Dalawang bala ng 105mm na kanyon at di bababa sa 11 rocket ang pinaulan ng militar sa lugar mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-10 ng umaga.

Limang magsasaka naman ang biktima ng pang-iistraping ng 20th IB at mga pulis sa magkahiwalay na insidente sa Barangay Epaw, Las Navas noong Oktubre 14 at Barangay San Vicente, Catubig sa Samar nang sumunod na araw. Dalawa sa mga biktima ang nasugatan at isa ang iligal na dinakip.

Daan-daan din ang sinukluban ng takot dulot ng mga pagsabog. Sa insidente sa Butuan City, maging ang mga residente sa apat na katabing barangay ay nangambang madamay sa pambobomba. Sa magkakahiwalay na bidyo sa pagbomba sa Dumalaguing ay nagpahayag din ang mga residente ng kanilang pangamba na maisapeligro ang buhay ng kanilang mga kapamilya.

Dahil sa teroristang epekto ng pambobomba mula sa ere, suportado ito ng mga kasinungalingang pilit pinatatanggap sa madla. Asintadong operasyon umano ang paghulog ng mga bombang may bigat na 500 libra (katumbas ng 230 kilo) gayong winawasak nito ang nasa saklaw ng 90-183 metro paikot, at mas malawak pa kung susukatin ang naaabot ng nagpira-pirasong bomba.

Noong Nobyembre 5, ibinalita ang pagdating sa Mindanao ng anim na karagdagang Black Hawk na helikopter, na lalong maghahasik ng teror sa mga komunidad at bukid. Ngunit ayon sa BHB-Agusan del Sur, kailangan ang paglalantad ng taumbaryo sa gayong mga lagim upang unti-unting maitransporma ang takot tungo sa kolektibong tapang.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/07/sa-tuwing-umuulan-ng-lagim/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.