Operasyong militar, tuluy-tuloy at pinabagsik sa gitna ng kalamidad
ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
NOVEMBER 20, 2020
Operasyong militar, tuluy-tuloy at pinabagsik sa gitna ng kalamidad
Kundenahin ang paninibasib ng AFP-PNP sa Timog Katagalugan! Militar sa TK, palayasin!
Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-NPA ST ang walang tigil, masinsin at mababagsik na operasyong militar at pulis sa gitna ng paghambalos ng sunud-sunod na kalamidad sa Timog Katagalugan. Dahil sa pagkahibang ng rehimeng Duterte na pulbusin ang mga yunit ng NPA sa TK bago matapos ang 2020, isinadlak nila ang mamamayang sinalanta ng kalamidad sa ibayong paghihirap at pagdurusa. Dagdag itong krimen na nagpapasidhi sa pagnanais ng sambayanan na patalsikin ang rehimeng Duterte sa lalong madaling panahon. Maiibsan lamang ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino kung agad nang maibabagsak si Duterte!
Hindi makatao ang pinapakawalang terorismo ng rehimen sa TK na isa sa pinakamatinding tinamaan ng mga nagdaang bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo at Ulysses. Daang libong maralita ang binaha, nawalan ng tirahan at nawasak ang kabuhayan. Nakaamba ang malawakang taggutom dahil sa pagkasira ng mga niyugan, palayan at tubuhan.
Tinatayang aabot sa P573 milyon ang halaga ng nasirang mga produktong agrikultural sa CALABARZON dahil sa Quinta. Lumala pa ito sa pagdaan ng Ulysses na nagdulot ng malalang pagkasira sa agrikultura at imprastraktura. Libu-libo ang apektado ng mga pagbaha at landslide mula kanayunan hanggang sa mga bayan. Sa General Nakar, Quezon, 3,000 residente ang sapilitang lumikas para sa kanilang kaligtasan. Nagdeklara na rin ng state of calamity sa ilang bayan sa TK.
Dumagan sa labis na paghihirap ng mamamayan ang paninibasib ng AFP-PNP laluna sa mga interyor na komunidad. Walang puknat ang focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) ng AFP-PNP bago, habang at matapos ang mga bagyo. Kapos na sa pagkain at walang natatanggap na ayuda, dumaranas pa ng pananakot at pandarahas ng mga sundalo’t pulis ang mga magsasaka’t katutubo sa kanayunan.
Sa pinakamababa ay may 3,500 tropa ng AFP-PNP na kasalukuyang nag-ooperasyon sa Palawan, Quezon at Mindoro para tugisin ang mga yunit ng MGC-NPA ST. Sa Quezon, higit 1,000 sundalo’t pulis ng 59th IBPA, 85th IBPA, 22nd DRC ng 2nd ID at PNP-CALABARZON ang umaatake sa mga bayan ng Lopez, Macalelon at General Luna sa Timog Quezon. Nasa 900 naman ang tropa ng 1st IBPA, 80th IBPA at RMFB-4A na nanghahalihaw sa General Nakar, Real at Infanta sa hilagang bahagi ng Quezon.
Sa isla ng Mindoro, tinatayang 1,000 tropa ng pinagkumbinang 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA ang naglulunsad ng FMO at RCSPO sa San Jose, Rizal, Calintaan, Magsaysay at Sablayan sa Occidental Mindoro at sa Bongabong, Mansalay, Roxas, Bansud at Socorro sa Oriental. Tinataya namang 600 sundalo ng 3rd Marine Brigade ang umaatake sa mga bayan ng Roxas, Taytay, Brooke’s Point, Rizal, Bataraza at lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan.
Imbes na gumampan ng gawaing relip at rehabilitasyon, pinagkakaabalahan ng mga sundalo’t pulis ang paggalugad sa mga kabundukan, pagnanakaw sa mga pananim at hayop ng masa, pandarahas at pananakot sa mga taumbaryo at sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan. Nagresulta ang walang habas na pang-aatake ng AFP-PNP sa apat na labanan sa Quezon: Oktubre 29 sa Barangay Lavides, General Luna; Nobyembre 12 sa Barangay Lahing at Nobyembre 14 sa Ulongtao Ilaya, kapwa sa Macalelon; at Nobyembre 15 sa Kerusep, Infanta.
Sa mga tinurang labanan, bigo ang AFP-PNP na durugin ang mga yunit ng NPA. Matagumpay na nakapagdepensa ang mga yunit at nakaatras nang ligtas at walang kaswalti. Samantala, di bababa sa 10 ang napatay sa mersenaryong tropa sa engkwentro noong Nobyembre 12 sa Barangay Lahing at 2 pang napaslang at maraming nasugatan sa labanan sa Barangay Ulongtao Ilaya noong Nobyembre 14—lahat nangyari sa bayan ng Macalelon.
Dahil hindi matanggap ang kanilang pagkatalo, ibinaling ng mga pasistang tropa ang kanilang galit sa masa. Nobyembre 13, pinatay sa istilong tokhang si Armando Buwisan, konsehal ng Barangay Magsaysay, General Luna na kabilang sa mga magsasakang nagsusulong ng kanilang karapatan para mabawi ang pondong coco levy. Pinaslang siya ng mga elemento ng 201st Brigade sa kasagsagan ng pamiminsala ng bagyong Ulysses. Bago ang krimen, ilang beses na pinatawag sa kampo si Buwisan at sapilitang pinasuko ng AFP bilang NPA.
Upang itago ang malaking tinamong pinsala at kahihiyan, hibang na pinangangalandakan naman ng 85th IBPA ang kasinungalingang 12 napatay na NPA sa labanan noong Nobyembre 14 sa Barangay Ulongtao Ilaya. Kasabay nito ay nanawagan pa ng pagpapasuko sa mga residente. Tinipon pa ng mga pasista ang mga kagawad ng Barangay Ulongtao Ilaya at San Nicolas, Macalelon. Pinipigilan rin nila ang pagpasok ng mga relip sa naturang barangay. Ang mga karahasang ito ang rurok ng pasismo na sinusuhayan ng Terror Law ng rehimeng Duterte.
Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na walang kinikilalang kalamidad o krisis ang rehimeng Duterte sa kahibangan nitong tapusin ang lahat ng kanyang kalaban, laluna ang CPP-NPA-NDFP, at maitatag ang kanyang walang hanggang paghahari. Sinasamantala pa nga ng rehimen ang ganitong mga sitwasyon sa paglulunsad ng mga imbing atake, tulad na lamang ng pagtatakip nito sa mararahas na operasyong militar at pulis sa tabing ng covid-related missions. Malaki itong kalokohan na hindi kailanman pinaniniwalaan ng mamamayan na saksi at biktima ng pinapakawalang terorismo ng estado.
Kailangang tibayan ng mamamayan ang kanilang loob at patuloy na magpunyagi sa pagsusulong ng kanilang karapatan at kagalingan kahit sa harap ng matinding terorismo ng rehimen. Nananawagan ang MGC-NPA ST sa mamamayan ng TK na matapang na harapin ang pananalakay ng AFP-PNP at igiit ang pagpapalayas sa mga militar mula sa kanilang mga baryo at bayan. Nananawagan din ang NPA sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa kapwa Pilipino na tumindig at itulak ang pag-aatras ng mga tropang militar at pulis na nakadeploy sa kanayunan laluna ngayong may pandemyang COVID-19 at sunud-sunod ang paghagupit ng mga kalamidad.
Tinitiyak ng Hukbong Bayan na gagawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang mga mersenaryong tropa ng AFP-PNP na instrumento ng teror ni Duterte sa rehiyon. Hindi hahayaan ng NPA na maghari ang teror sa bayan at patuloy itong magpupunyagi sa pagsusulong ng armadong rebolusyon anumang kagipitan ang harapin nito. Puputok ang mga taktikal na opensiba na magpapakita sa rehimeng Duterte ng determinasyon ng NPA at ng mamamayan na labanan ang kanyang malagim na diktadurya.
Ang labis na kahayupan at pasismo ng rehimeng Duterte ang nagpapaalab sa galit ng mamamayan at lumilikha ng paborableng kundisyon para sa ibayo pang pagsulong ng rebolusyon. Sa harap ng terorismo ni Duterte, dadami ang magpapasyang mag-armas upang ipagtanggol ang sarili at ang mamamayan. Ang paglakas ng NPA at buong rebolusyonaryong kilusan ang hudyat ng nalalapit na pagbagsak ng berdugo, inutil, papet at halang ang kaluluwa’t teroristang si Duterte.###
https://cpp.ph/statements/operasyong-militar-tuluy-tuloy-at-pinabagsik-sa-gitna-ng-kalamidad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.