Saturday, April 4, 2020

CPP/NPA-Mindoro: Sa ika-51 taong anibersaryo ng NPA, NPA patuloy na lumalakas at minamahal ng mamamayan! — NPA-Mindoro

NPA-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 3, 2020): Sa ika-51 taong anibersaryo ng NPA, NPA patuloy na lumalakas at minamahal ng mamamayan! — NPA-Mindoro

MADAAY GASIC
NPA-MINDORO
LUCIO DE GUZMAN COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 03, 2020



Sa kabiguan ng SOLCOM na durugin ang NPA sa Timog Katagalugan, muli na namang nagbubuga ng lason ang hepe ng SOLCOM at ng civil-military operations ng AFP na si Gen Antonio Parlade upang pasamain ang imahe ng NPA sa okasyon ng pagdiriwang nito ng ika 51 taong anibersaryo ng pagkakatatag.

Kung papansinin ng taumbayan, tuwing may okasyon na dapat magpasiklab ng performance sa counter insurgency ang AFP/PNP, doble kayod ang CMO at media opereytor nito sa kanilang media blitz para bahain ang lahat ng daluyan ng impormasyon para ipagmalaki ang kanilang madugong kampanya laban sa mamamayan. Ang mga okasyong ito ay madalas sa panahon bago ang taunang SONA ng kanilang pangulo, sa pagtatapos ng taon at timetable ng campaign plans o kaya kapag may malalaking okasyon ang CPP-NPA-NDF. Ito rin ang pagkakataon na ipinagmamayabang nila ang kanilang prized catch na mga lider ng CPP-NPA-NDF. Kapag walang nalambat sa mga aktibong kasapi ng rebolusyonaryong kilusan, ire-recycle nila ang mga dati nang sumuko, o patataasin ang ranggo ng mga napasuko, o kaya naman mga sibilyan ang palalabasin na matataas ang katungkulan sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.

Kaya hindi nakapagtataka ang mga pahayag ng punong salamangkero ng AFP na si Gen Antonio Parlade sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-51st anibersaryo ng NPA noong Marso 29 upang iangat ang sarili sa mga hungkag na tagumpay sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa Mindoro, ang mga tinutukoy niyang napasuko ay mga matatagal nang wala sa aktibong serbisyo ng Hukbo nang hindi na lamang dalawang taon ang lumipas mula ng bumaba. Nasa AFP na kung palabasin man nilang mataas ang ranggo ng mga ito- sayang nga naman ang bounty na ipinapatong nila sa ulo ng mga diumano’y kadre sa kilusan kaya mas mataas ang ranggong ipapataw nila mas mainam at daan din ito upang mapabilis ang promosyon ng mga opisyal na humahawak ng mga ex NPA na ito.

Inihalintulad ni Gen Parlade sa virus ng COVID ang NPA. Inilalantad nito ang takbo ng utak ng mga pasistang ito – hindi nakapagtatakang ganito sila mag-isip dahil hanggang ngayon nangangapa ang estado kung paano tatapusin ang virus na nagdudulot ng COVID. Ganun din, wala silang nakikitang epektibong solusyon paano tatapusin ang itinuturing nilang insurgency problem na CPP-NPA- NDF. Kung paano nila palpak na hinaharap ang COVID, ganun din ang kapalpakan nila sa paglutas ng tinatawag nilang insurgency.

Sa COVID imbes na gamot, serbisyong medikal at pasilidad para sa mamamayan ang kanilang paghusayin, mas minamabuti ng rehimeng Duterte na mga tropa ng AFP/PNP ang ipakalat na para bang makalulutas ito sa problema sa COVID-19, at sa dislokasyon, kahirapan at kagutuman ng mamamayan na likha ng patakarang lockdown.

Sa katulad na paraan, Imbes na ipursige ang usapang pangkapayapaan, ipinipilit nila ang militaristang solusyon sa problema ng insurhensiya tulad din na ginagamit nila ang pasista at militaristang paraan sa COVID. Sa kaduluhan, ang higit na napipinsala ay ang kapakanan ng mamamayan.

Sa kabila ng naibuhos na, at patuloy pang ibinubuhos na pondo at rekurso ng bansa sa programang kontra insurhensiya, nakapagpupunyagi ang NPA sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon bilang sandata ng mamamayan sa paglutas ng inhustiyang dinaranas nito sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang nasa likod nito ay ang mainit na suportang masa dahil ang rebolusyong ito ay isang kilusan ng masa para sa pambansang paglaya.

Pinatunayan ng 51 taon pagsusulong ng armadong paglaban na hindi kayang durugin ang NPA sa kabila ng ipinatutupad na matitinding kampanyang militar tulad ng JCP-Kapanatagan ng rehimeng US Duterte na nagkakaanyo ng Focus Military Operation at Retooled Community Support Program-Operation. Sa Mindoro, nagmula na mismo sa pahayag ng AFP na hindi nila ititigil ang mga Focus Military Operation/RCSP sa dalawang probinsya ng isla. Isang anyo nito ang mga pekeng pagpapasuko sa mga sibilyan at bumaba nang mga NPA na matagal nang nagbuhay sibilyan.

Dito sa Mindoro, matagumpay na naidaos ang mga pagdiriwang ng mamamayan para sa anibersaryo ng NPA. Sa panahon na kinakaharap ng mamamayang Mindoreño, ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo ang pandemyang COVID-19, naging simple subalit makabuluhan ang mga pagtitipon ng mga kasama, masa at mga kaibigan upang higit pang pataasin ang kapasyahang isulong ang rebolusyon.

Sa anibersaryong ito, ipinahayag ni Madaay Gasic ang pagtaguyod ng LdGC -NPA Mindoro sa dineklarang tigil putok ng CPP upang ituon ang pwersa nito sa pagharap ng masa sa panganib ng COVID-19. Kabilang dito ang pagtugon sa kinakailangang serbisyong medikal ng mga mamamayan. Gaano man kaliit ang rekurso ng Hukbo, higit na kailangang tuwangan at pagmalasakitan ang mga masa sa pamamagitan ng mga naitayong bag-as ng demokratikong gobyernong bayan upang mobilisahin ang anumang rekursong mayroon ang mga pamayanan para maibsan ang matinding krisis pangkalusugan at pangkabuhayan na dulot ng COVID at ng atrasado, mali at militaristang mga patakaran ng rehimeng US-Duterte sa pagharap dito.

Tulad ng nagaganap sa Mindoro, kinukondena din ng LdGC ang ginawang pagsalakay ng 2nd ID sa Barangay Puray, Rizal noong Marso 28, 2020. Malinaw na nilabag ng mga sundalo at pulis ang kanilang sariling deklarasyon dahil sa aktwal, walang naganap na pagtigil sa mga FMO/RCSP ang mga armadong pwersa ng GPh sa kabila ng UCF ni Duterte.

Nananawagan ang LdGC sa mga mamamayang Mindoreño na magkaisa para sa paglaban sa COVID-19 at maging mapagbantay sa mga paglabag ng 203rd Brigade sa kanilang sariling deklarasyon ng tigil putukan.

Mabuhay ang ika 51-Anibersaryo ng NPA!

https://cpp.ph/statement/sa-ika-51-taong-anibersaryo-ng-npa-npa-patuloy-na-lumalakas-at-minamahal-ng-mamamayan-npa-mindoro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.