Saturday, November 20, 2021

CPP/NPA Southern Tagalog: Pinakamataas na Pulang saludo, alay ng NPA Southern Tagalog kay Ka Oris

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Nov 19, 2021): Pinakamataas na Pulang saludo, alay ng NPA Southern Tagalog kay Ka Oris
 

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG

November 19, 2021

Buong pusong pinarangalan at pinagpugayan ng mga yunit ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog noong Nobyembre 7 para sa pinaslang ng mga pasista na tagapagsalita ng NPA na si Jorge“Ka Oris” Madlos. Itinakda ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Nobyembre 7 bilang international day of remembrance kay Ka Oris.

Brutal na pinaslang ng 4th ID ng teroristang AFP ang 74-anyos na si Ka Oris at ang kanyang medik na si Eighfel “Ka Pika” Dela Peña sa gabi ng Oktubre 29 sa Impasug-ong, Bukidnon. Tinambangan ang dalawang biktima na noo’y papunta sa pagamutan. Walang armas at walang kapasidad na lumaban sina Ka Oris nang pagbabarilin ng palalong kaaway.

“Dinadakila ng NPA ST si Ka Oris na naglaan ng kanyang buong buhay sa pagpapalaya sa buong bayan mula sa paghihirap at pagsasamantala. Sa kabila ng kanyang kalagayang pangkalusugan at edad, nanatiling mataas ang kanyang diwang mapanlaban at pinamunuan ang pakikibaka laban sa pasista-teroristang rehimeng Duterte hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay. Isa siyang huwarang Pulang kumander at kadre ng Partido na dapat gawing inspirasyon ng nakababatang henerasyon ng mga rebolusyonaryo,” pahayag ni Armando Cienfuego, tagapagsalita ng MGC-NPA ST.

Sa isang larangan sa Batangas, naglunsad ang mga Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command ng pulong parangal kung saan itinaas ang bandila ng NPA at Partido Komunista ng Pilipinas para kay Ka Oris. Tinalakay rito ang pahayag ng Komite Sentral ng PKP sa pagkamartir ng beteranong tagapagsalita ng rebolusyonaryong kilusan.



Binigyan naman ng 21 gun salute ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro si Ka Oris na tumatayong isa sa mga pambansang kumander ng NPA. Sinundan ito ng programa para alalahanin ang kanyang mga rebolusyonaryong ambag laluna sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

“Totoong nakakalungkot ang mawalan ng isang mahusay at mabuting kasama, pero ang dapat mangibabaw sa bawat kasapi ng NPA ngayon ay ang maalab na determinasyong ipagpatuloy ang laban ni Ka Oris. Gawin nating hamon sa sarili na tularan ang kanyang pag-aalay ng buhay sa sambayanan hanggang sa huling sandali,” mensahe ni Ka Lito, pampulitikang instruktor ng isang yunit ng LdGC.

Mariin ding kinundena ng MGC-NPA ST ang karuwagan at pangyuyurak sa karapatang tao ng AFP partikular ng 4th ID na responsable sa walang pakundangang pagpaslang kina Ka Oris at Ka Pika.

“Uhaw na uhaw sa dugo ng mga rebolusyonaryo ang rehimeng Duterte na nagkukumahog na ipakitang nagtatagumpay ang hungkag na kontra-rebolusyonaryong gera. Lansakang nilalabag ng pasistang rehimen ang internasyunal na makataong batas sa ipinakikitang brutalidad at paggamit ng labis-labis na pwersa sa kanilang kontra-rebolusyonaryong gera tulad ng ginawa sa Dolores, Samar at pagpaslang sa mga hors de combat at sibilyan alinsunod sa kanilang patakaran na “walang bihag at walang kulungan” para sa mga kombatant at di kombatant. Sa malao’t madali ay pagbabayarin ng rebolusyonaryong kilusan ang mga pasista sa mga krimeng ito,” ani Cienfuego. ##

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/11/19/pinakamataas-na-pulang-saludo-alay-ng-npa-southern-tagalog-kay-ka-oris/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.