Saturday, November 20, 2021

CPP/NPA-Southern Tagalog: Panliligalig sa MIMAROPA, ipinagyayabang ni Duterte

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Nov 19, 2021): Panliligalig sa MIMAROPA, ipinagyayabang ni Duterte
 

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG

November 19, 2021

Mula pa Nobyembre 4, hibang na nag-iikot si Duterte sa Region IV-B o MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) upang ipangalandakang “nagtagumpay” ang anti-komunistang gera nito sa rehiyon. Katawa-tawang pahayag ito ng desperadong pangulong nangangarap lipulin ang CPP-NPA-NDFP bago matapos ang kanyang termino. Kailanman, hindi madudurog ng reaksyunaryong gubyerno ang rebolusyonaryong kilusan. Tinatamasa ng CPP-NPA-NDFP ang malalim na suporta at pagmamahal mula sa malawak na masa ng sambayanan.

Kasinungalingan ang ipinagmamayabang ni Duterte na tagumpay nitong nakamit ang “kapayapaan at kaunlaran”sa MIMAROPA dahil sa mga programa ng NTF-ELCAC laluna ang pekeng proyektong pangkaunlarang Barangay Development Program (BDP). Ibinibida pa ng rehimen ang “paglaya mula sa komunismo”ng walong (8) barangay sa Palawan. Dinagdagan pa umano ng P500 milyon ang pondo ng BDP sa rehiyon at sumaklaw pa ng mas maraming barangay. Ang totoo, pantapal na solusyon lamang ng rehimen ang BDP sa daing ng mamamayang inabandona ng estado. Hindi nito nilulutas ang malaon nang problema ng masang magsasaka sa lupa. Nakapagtatakang walang naitutulong ang malaking pondo ng BDP sa paghihikahos ng mga magsasaka sa palayan sa rehiyon na ibinaon sa higit na karalitaan ng rehimeng Duterte sa pagpasa nito sa Rice Liberalization Law.

Tiyak na tiyak na kasama sa adyenda ni Duterte sa MIMAROPA ang ibayong pagsusubasta ng likas na yaman sa mga dayuhan at lokal na burgesya. Kung kaya, ibayong dadambungin ang MIMAROPA ng malalaking kumpanya ng mina, plantasyon ng oil palm at proyektong ekoturismo na magtutulak ng malawakang ispekulasyon sa lupa at pagkasira ng mga bahura pangisdaan ng maliliit na mamamalakaya. Sa Palawan, pinahintulutan na ng rehimen na mag-opereyt ang Ipilan Nickel Corp. (INC) sa Brookes Point. Wala itong ihahatid na kaunlaran sa mamamayan laluna sa mga magsasaka at katutubo na pinalayas sa kanilang lupa upang pagbigyan ang negosyo ng mga naghaharing uri at kasabwat nilang mga lokal na burukrata’t dayuhang korporasyon. Dinadahas pa sila ng mga sundalo at pulis na nagsisilbing pribadong hukbo ng mga negosyante para supilin ang paglaban ng mamamayan.

Samantala, pansuhol lamang ni Duterte ang pondo ng BDP sa mga lokal na pulitiko para paboran ang kanyang paksyon at babasbasang kandidatong presidente na papalit sa kanya sa darating na eleksyong 2022. Ginagawang palabigasan din ng matataas na heneral ng AFP-PNP ang badyet sa BDP.

Walang kapayapaan sa MIMAROPA kundi kaguluhan ang hatid ng NTF-ELCAC sa kanilang kampanyang sapilitan at pekeng pagpapasuko, walang puknat na focused military operations (FMO) at mapanlinlang na retooled community support program operations (RCSPO). Nitong Oktubre lamang, nagpakamatay ang ininterogang katutubong Mangyan sa Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro habang naagasan ang isang buntis sa Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro na natrauma sa panghahalughog ng mga sundalo sa kanilang bahay. Biktima naman ng kampanyang pagpapasuko ang dalawang menor de edad at isang 9 na taong bata sa Brgy. Tinitian, Roxas, Palawan.

Hindi maloloko ng rehimeng Duterte ang mamamayan ng MIMAROPA sa mga ipinalalaganap nitong kasinungalingan. Kinasusuklaman pa ito ng mga taga-MIMAROPA dahil sa laganap na korapsyon, palpak na pagtugon sa pandemya, pagbebenta ng soberanya ng bansa, paghahasik ng terorismo ng estado, kasakiman sa kapangyarihan at samu’t saring kataksilan. Ang mga kalagayang ito ang higit na nagtutulak sa mamamayan na mag-aklas sa rehimen at sumalig sa rebolusyon.

Sa mga nagdaang taon, lalupang humigpit ang ugnayan ng mamamayan ng MIMAROPA at CPP-NPA-NDFP. Pinanday ito ng marubdob na pakikibaka sa gitna ng mga pinaigting na kontra-rebolusyonaryong kampanya ng mga nagdaang rehimen. Pinatunayan ng matatag na bigkis ng mamamayan at NPA na matibay itong sandata laban sa AFP-PNP at pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador. Sa pagtutulungan ng Pulang hukbo at masa, nalansag ang monopolyng kontrol sa lupa ng mga PML sa mahigit limang libong ektaryang sakahan sa Mindoro; pinatigil ang mapanirang operasyon ng mga kumpanya ng mina sa Palawan at Mindoro; at binigwasan ang AFP-PNP sa rehiyon.

Mayaman ang rebolusyonaryong kasaysayan at tradisyon ng paglaban ng mamamayan ng MIMAROPA at hindi na ito makikitil ng rehimeng Duterte. Bibiguin ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang NTF-ELCAC at ang kontra-rebolusyonaryong kampanya nito.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/11/19/panliligalig-sa-mimaropa-ipinagyayabang-ni-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.