Saturday, November 20, 2021

CPP/NDF-Southern Tagalog: Sa kulungan nababagay at hindi sa Malacañang ang korap at sinungaling na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Nov 19, 2021): Sa kulungan nababagay at hindi sa Malacañang ang korap at sinungaling na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
 

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG

November 19, 2021

Kailanman ay hindi papayag ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino na makabalik sa Malacañang ang pamilya ng pinatalsik na diktador na si Ferdinand Edralin Marcos sa pamamagitan ni Bongbong Marcos. Nababagay sila sa kulungan dahil sa kanilang mga krimen sa bayan at sa bilyon-bilyong halaga ng yaman ng bansa na kanilang dinambong sa loob ng 14 taon ng pag-iral ng Batas Militar sa ilalim ng diktadura. Ang pamilyang ito na di kinakikitaan ng pagsisisi ay patuloy na nagpapasasa sa dambong na yaman at karangyaan sa buhay habang ang taumbayan at mga biktima ng Batas Militar ay patuloy na nabubuhay sa karukhaan, kahirapan at inhustisya.

Marapat na labanan at biguin ng taumbayan na maluklok sa kapangyarihan si Bongbong Marcos (BBM). Ipagpapatuloy lamang niya ang mga katiwalian, kapalpalkan at tiranya ng gubyerno ni Duterte. Sigurado ding bibigyan niya ng proteksyon si Duterte mula sa pagpapanagot at pag-uusig ng ICC at taumbayan sa krimen nito laban sa sankatauhan at sa bayan. Tiyak ding i-aabswelto ni BBM ang sarili at pamilya sa mga pananagutan hinggil sa kanilang kinulimbat na yaman sa panahon ng sila’y nasa kapangyarihan. Tiyak din na babaguhin at rerebisahin ni BBM ang madilim na yugto ng kasaysayan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar at palalabasin itong “mga ginintuang taon” sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi rin malayong itanghal niya ang yumaong amang diktador na si Ferdinand E. Marcos bilang bayani na nauna nang ipinalibing ng pasistang si Rodrigo Roa Duterte sa “Libingan ng mga Bayani”.

Nababahala ngayon si BBM dahil sa kabi-kabilaang pagtutol ng iba’t ibang grupo sa kanyang pagtakbo bilang Presidente. Malawakan nilang binabatikos at inilalantad ang mga kasinungalingang ipinapakalat ni BBM at mga kasapakat tungkol sa kanyang pagkatao, sa kanilang pamilya at sa Martial Law. Isa sa mariing pinasinungalingan ay ang paghahambog ni Bongbong na nakapagtapos siya sa Oxford University sa United Kingdom (UK). Napakarami nang nagpatunay, at may ebidensya pa mula sa mga rekord ng nasabing unibersidad na kathang-isip lang ang paggradweyt ni Bongbong at sa katunayan ay bumagsak siya sa mga rekisitong kurso kaya natanggal sa prestihiyosong paaralan.

Ang mas nakagagalit, nabunyag na rekurso ng gubyerno at pondo ng bayan ang ginamit para makapag-aral siya sa ibayong dagat. Libu-libong dolyar sa isang buwan ang sustento sa kanya at kay Imee noong nag-aaral sila sa mga mamahaling unibersidad sa UK at US. Mismong mga opisyal din ng gubyerno ng yumaong Marcos ang nakikipagtawaran sa eskwelahan para maisalba ang kanyang pag-aaral. Sunod ang layaw at kapritso ng mga anak ng diktador habang hinahambalos ng krisis ang mamamayang Pilipino.

Tampok din ang pagkalantad na convicted criminal si Bongbong ng Quezon City Regional Trial Court noong 1995 sa kasong tax evasion o di pagbabayad ng buwis mula 1982-1985. Inapirma ito ng Court of Appeals noong 1997 at naging pinal noong 2001 matapos iatras ni Bongbong Marcos ang apela sa Korte Suprema. Ginagamit itong batayan ng petisyon ng diskwalipikasyon sa kanya bilang kandidato sa pagkapangulo. Tuluyan nang napikon ang kampo ng mga Marcos at tinawag itong bahagi ng “smear campaign” laban sa kanya. Katawa-tawa ang pagtatangka nilang pagmukhaing kawawa si Bongbong samantalang siya ang malinaw na lumabag sa batas at nagtatago ng yaman gaya ng kanyang amang diktador.

Kung tutuusin, hindi kailangan ng smear campaign laban kay Bongbong. Alam ng mamamayan ang napakarami niyang kaso at krimen labas pa sa pagkakasangkot sa malagim na diktadura ng kanyang ama. Dawit siya sa pork barrel scam na pumutok noong rehimeng BS Aquino. Sinampahan pa nga siya ng kasong plunder o pandarambong noong 2016 para sa maanomalyang pagbibigay ng P205 milyon sa mga inimbentong foundation mula 2011-2013. Nakinabang din siya sa P100 milyon na ipinadaan sa apat na pekeng NGO na konektado kay Janet Lim Napoles. Tigas-mukha rin siyang nakikipagnegosasyon sa gubyerno para maibalik ang ilang bahagi ng P174.2 bilyong narekober mula sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos habang hinahabol pang mabawi ng PCGG ang P125.9 bilyong kulimbat na yaman ng mga Marocs.

Kasabay nito, patuloy si Bongbong sa paglulubid ng kwento hinggil sa Martial Law at “pamana” ng kanilang sakim na pamilya. Hanggang ngayon, itinatanggi niyang may lansakang paglabag sa karapatang tao sa panahon ng diktadura. Kunwa pa siyang magsasabi na “bahala na ang mga historyador”, pero ang totoo’y nagpwesto na siya ng makinarya sa social media at mga institusyon para baluktutin ang kasaysayan. Ang ninakaw nilang yaman ang pinangtutustos sa proyektong historical revisionism pabor sa mga Marcos at sa ambisyon ng kanilang pamilya na makabalik sa Malakañang.

Limpak-limpak nang salapi ang kanilang inuubos sa pagbabayad sa mga troll, pangungomisyon ng mga pekeng sarbey at panunuhol sa midya’t mga pulitiko. Trabaho ng mga ito na palabasing bayani ang diktador na Marcos at isulong ang kandidatura ni Bongbong sa 2022. Pakana nila ang #BringBackMarcos na diumano’y nagtrend sa Twitter kamakailan. Pero sino namang maniniwala na tunay itong saloobin ng mga netizen, lalo’t nalantad na 44% ng mga follower ni Bongbong sa Twitter ay mga pekeng account? Namimili din ang mga Marcos ng mga Facebook page na may daang libong followers at itinatransporma ang mga ito para sa kampanya ni Bongbong.

Talagang napakatindi ng desperasyon ni Bongbong Marcos at kanyang angkan na muling maluklok sa tuktok ng kapangyarihan. Pati husga ng kasaysayan sa sariling buhay at kanilang pagkatao ay pilit na nirerebisa upang magmukhang magaling at marangal. Hindi bebenta kahit kailan ang kanilang pagpapanggap. Siya at ang kanyang buong pamilya ay isinusuka ng taumbayan at sinusumpang hinding-hindi pababalikin sa poder. Sa kulungan sila nababagay at hindi sa Malacañang.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/11/19/sa-kulungan-nababagay-at-hindi-sa-malacanang-ang-korap-at-sinungaling-na-si-ferdinand-bongbong-marcos-jr/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.