SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 03, 2020
Sa harap ng krisis ng CoViD-19 at pasismo ng rehimeng Duterte
Matagumpay na nagdaos ang mga yunit ng Melito Glor Command-NPA ST ng mga simple ngunit makabuluhang paggunita ng ika-51 anibersaryo ng NPA habang hinaharap ang krisis ng Covid-19 at nakikitungo sa mga patraydor na atake ng rehimeng US-Duterte habang may umiiral na ceasefire.
Naging okasyon ang ika-51 anibersaryo ng NPA-ST para pagtibayin ng Pulang hukbo ang kanilang paninindigan na ialay nang buo ang kanilang buhay sa paglilingkod sa mamamayan. Tinalakay sa mga pagdiriwang ang pagharap ng hukbong bayan sa pandemyang Covid-19 at pagmomobilisa ng mga opisyal medikal ng NPA para pangunahan ang kampanya sa pag-iwas sa nakakahawang sakit sa mga eryang saklaw ng rebolusyonaryong gubyerno.
Ibinahagi rin sa anibersaryo ang deklarasyong tigil-putukan ng CPP-NPA-NDFP mula Marso 26 hanggang Abril 15 bilang pagtalima sa panawagan ng United Nations para sa pandaigdigang solidaridad sa pagharap sa Covid-19. Ipinaliwanag sa mga Pulang mandirigma ang mga patakaran ng NPA sa panahon ng tigil-putukan at paghawak sa aktibong pagdidepensa laluna’t tusong umaatake ang AFP-PNP kahit nagdeklara ng ceasefire ang GRP. Nito lamang Marso 28 ay nilabag ng 2nd ID ang ceasefire nang atakihin nito ang isang yunit ng NPA-Rizal sa Barangay Puray, Montalban. Ngayong araw, Marso 31 ay inatake muli ng mga tropa ng 59th IBPA ang yunit ng NPA sa Barangay Bungahan, Gumaca, Quezon habang nagsasagawa ng information and education drive sa masa laban sa Covid-19.
Nagbigay pugay din ang NPA-ST kay Kasamang Julius ‘Ka Nars’ Soriano Giron na tulog at patraydor na pinaslang ng pasistang tropa noong Marso 13 sa Baguio City habang nagpapagaling sa kanyang karamdaman kasama ang dalawa pa nyang kasamahan. Ginawaran ng pinakamataas na saludo si Ka Nars para sa kanyang mahigit limang dekadang paglilingkod sa mamamayan at rebolusyon bilang kagawad ng Kagawang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Inspirasyon siya ng lahat ng rebolusyonaryo sa TK upang patuloy na magpunyagi sa kabila ng lahat ng kahirapan at maging sa harap ng karahasan ng reaksyunaryong gubyerno na walang respeto sa karapatang tao at kahit sa sarili nitong mga batas.
Idinaos ang mga payak na pagdiriwang ng mga yunit ng NPA kasama ang masa sa iba’t ibang larangang gerilya sa TK. Ang mga pagdiriwang na ito’y sapat nang sagot at pagpapasubali sa ipinangangalandakan na paninira ng hepe ng SOLCOM na si Antonio Parlade Jr. na “wala nang lugar ang Demokratikong Rebolusyong Bayan sa panahon ng krisis na dala ng Covid-19.”
Ngayon, higit kailanman, napatutunayan ng mamamayan na kailangan nilang magrebolusyon upang baguhin ang naagnas nang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan. Lantad na ang kainutilan at kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte sa pagharap sa Covid-19 at paggamit na tabing ng AFP-PNP sa krisis pangkalusugan para maglunsad ng mga pataksil na atake laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang pagmamalaki ng SOLCOM sa pag-ayuda nito sa Inter-Agency Task Force ay kasingkahulugan ng pagmamalaki nitong maging kasangkapan sa pagsikil sa karapatan ng mamamayan at pagpapatupad ng pasistang de facto Martial Law sa bansa na nagtatago sa likod ng enhanced community quarantine at lockdown.
Dahil dito’y lalong kinasusuklaman ng mamamayan ang AFP-PNP at naghahangad na ibagsak ang rehimeng Duterte. Sa kabilang banda, higit nilang minamahal ang NPA na kapiling nila sa buhay-at-kamatayang pakikibaka hanggang sa panahong ito na nakikihamok ang buong mundo sa panganib ng Covid-19.
Maaasahan ng mamamayan na hindi madadaig ng anumang balakid–mapa-virus man na SARS-CoV-2 o pasismo ng rehimeng Duterte–ang hangarin ng NPA na paglingkuran ang sambayanan. Tangan ang mga aral sa 51 taong buhay at kamatayang pakikibaka nito, patuloy na lalaban ang NPA para maitatag ang isang tunay na makatarungan, masagana at mapayapang lipunan.###
https://cpp.ph/statement/pagdiriwang-sa-ika-51-anibersaryo-ng-npa-sa-tk-nagbigay-diin-sa-paglilingkod-sa-mamamayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.