Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 21): Matinding pang-aatake at pang-aabusong military
Sa ilalim ng nagpapatuloy na batas militar sa Mindanao, malawak at matindi ang panggigipit at pagsupil ng AFP sa mga kalayaang sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan.
Sa inisyal na tala ng Ang Bayan, umaabot sa 59 ang mga insidente ng pambobomomba, 18 istraping, 81 pagbabakwit ng 583,041 indibidwal mula sa 144 komunidad, 488 iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon, at 708 kaso ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Sa ulat naman ng Barug Katungod, umabot sa 131 ang biktima ng pamamaslang at 404 ang sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal.
Pagwasak sa Marawi
Sa ngalan ng “gera kontra-terorismo,” brutal na kinubkob ang Marawi City at dinurog ito ng pambobombang idinirehe-ng-US at walang patumanggang panganganyon. Dahil dito, namatay ang mahigit 1,200 katao habang 800 iba pa ang nawawala at pinangangambahang nasawi. Nagbakwit ang 523,734 residente ng Marawi at mga karatig bayan. Nawasak ang bilyun-bilyong pisong halaga ng pag-aari at imprastruktura.
Sa tabing ng engrandeng rehabilitasyon, mayorya sa mga nagbakwit, kabilang ang mahigit 8,000 kataong nasa mga sentrong ebakwasyon, ang pinipigilang makabalik sa kanilang mga tahanan hanggang sa kasalukuyan. Kahit pa inianunsyo na mismo ng Malacañang noong Oktubre 23 na “malaya na” ang syudad sa diumano’y bantang terorismo ng grupong Maute, muli nitong pinalawig ang batas militar hanggang sa huling araw ng 2018.
Mahigit pitong buwan matapos wasakin ang Marawi, hindi pa rin nakababangon ang mga residente ng syudad. Liban sa tatlong araw na “bisita” kamakailan sa kanilang winasak na mga tirahan, dalawang taon pa bago sila pahihintulutang makabalik sa kanilang mga lugar. Okupado at kontrolado pa rin ng AFP at ng militar ng US ang buong syudad. Para kay Duterte, ang “pagbangon ng Marawi” ay ang pagtatayo ng kampong militar ng AFP at US sa malaking bahagi ng syudad at pagtatatag ng bilyun-bilyong dolyar na mga negosyo ng malalaking kapitalistang dayuhan sa turismo, plantasyon, imprastruktura at iba pa.
Pagpaslang at bigong pagpaslang
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 188 ang mga silbilyang biktima ng pamamaslang sa Mindanao sa ilalim ng rehimeng Duterte. Kabilang dito ang 131 (70%) pinaslang sa panahon ng batas militar. Tatlumpu’t pito sa kanila ay mga Lumad.
Pinakahuli rito si Ariel Maquiran, 33, manggagawa ng plantasyon ng saging, na binaril noong Mayo 17 habang pauwi sa kanyang bahay sa Barangay Maduaw, Panabo City, Davao del Norte. Bago nito, inakusahan siya ng militar na sangkot sa mga atake ng BHB sa Lapanday noong 2017. Si Maquiran ay aktibong myembro ng Bayan Muna.
Tampok din sa mga kaso ang pagmasaker ng 33rd IB at 27th IB sa Lake Sebu, South Cotabato noong Disyembre 3, 2017. Kabilang sa mga namatay sina Datu Victor Danyan Sr., Victor Danyan Jr., Artemio Danyan, Pato Celardo, To Diamante, Bobot Lagase at Mateng Bantal.
Kabilang din sa mga biktima ng pamamaslang sina Obillo Bay-ao at Jhun Mark Acto, mga estudyante na kapwa pinagbintangan ng militar na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Si Obillo, 19-taong gulang na estudyanteng Lumad ay binaril at napatay ni Ben Salangani na isang CAFGU sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte noong Setyembre 5. Si Jhun Mark Acto, 15-anyos na estudyante ay binaril at napatay din ng nag-ooperasyong mga elemento ng 39th IB at 2nd Scout Ranger Battalion sa Astorga, Santa Cruz, Davao del Sur noong Abril 21.
May naitala ring 247 na kaso ng nabigong pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Kabilang dito ang bigong pagpatay sa 78 Lumad (53 sa mga ito ay mga boluntir na guro sa mga alternatibong paaralan). Matingkad na kaso rin ang siyam na araw na pagtortyur kina Janry Mensis, 22, at “Jerry”, 16, at tangkang pagsunog sa kanila noong Disyembre 6, 2017 sa Maco, Compostela Valley ng mga elemento ng 71st IB.
Pambobomba, istraping at pagpapabakwit
Hindi bababa sa 59 ang insidente ng pambobomba at 18 istraping sa ilalim ng batas militar. Labas sa Marawi, naganap ang pinakamaraming pambobomba (19 insidente) sa mga komunidad sa Southern Mindanao Region (SMR), kasunod sa Socsksargen (13 insidente). Pinakamarami naman ang kaso ng istraping (13 insidente) sa Northern Mindanao Region (NMR). Nagresulta ang walang puknat na mga operasyong militar at ang mga aksyong militar na ito sa pagbakwit ng hindi bababa sa 43,480 indibidwal sa mga sibilyang komunidad sa SMR, 8,862 sa NMR at 6,835 sa Soccsksargen sa loob lamang ng isang taon.
Kabilang dito ang kamakailang pambobomba ng 27th IB sa tatlong sityo ng Barangay Kematu, T’boli, South Cotabato noong Mayo 8 na nagdulot ng trauma sa mga residente at nagtulak para magbakwit ang mahigit 650 indibidwal. Kabilang din ang walang-habas na panganganyon ng 28th IB sa mataong populasyon ng Barangay San Isidro at Likop sa karatig na syudad ng Mati noong Abril 26 na nagresulta sa pagkawasak ng ilang kabahayan at taniman at pwersahang paglikas ng mahigit 600 residente.
Iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon
Umaabot na sa 488 ang naging biktima ng iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon sa ilalim ng batas militar. Pinakamarami ang iligal na inaresto at idinetine sa SMR (362 biktima) kung saan inaresto noong Mayo 25 ng Task Force Davao ang 260 sibilyan sa Davao City dahil lamang hindi sila makapagpakita ng sapat na dokumentong magpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan.
Sinundan ito ng NMR kung saan 76 naman ang inaresto. Kabilang sa mga biktima sa rehiyon sina “Lisa”, 16, at mag-asawang Jason at Giselle Cahangan, 22 at 19, na iligal na inaresto ng 8th IB sa loob ng kanilang tahanan sa Malaybalay, Bukidnon. Ibinimbin sila sa kampo ng Special Civilian Active Auxiliary (SCAA) kung saan sila pinahirapan at pinagbantaang papapatayin kung hindi aaming kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.
Pinakahuli sa mga iligal na inaresto ay sina Clarito Suarez, 70, at si Ricmic Budta, 17. Dinakip sila ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 25th IB nitong Mayo 9 sa Barangay Salvacion, Trento, Agusan del Sur.
Pagbabanta, panggigipit at intimidasyon
Hindi bababa sa 708 katao ang naging biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon sa ilalim ng batas militar. Kalakhan ng mga biktima (645) nito ay mula sa SMR. Kabilang sa mga biktima ang may 600 Manobo sa mga sityo ng Catagbakan at Panlalaisan sa Barangay Pichon na pinagbantaan ng 67th IB at paramilitar na MANADU na bobombahin at imamasaker noon lamang Pebrero.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180521-matinding-pang-aatake-at-pang-aabusong-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.