Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 21): Matatagumpay na Opensiba ng BHB // Kaswalti ng AFP-PNP, umabot ng 48
HINDI BABABA SA 48 ang patay at sugatan sa mga armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte sa matatagumpay na aksyong militar ng Bagong Hukbong Bayan nitong nagdaang ilang linggo sa iba’t ibang prubinsya sa buong kapuluan.
Negros Occidental. Hindi bababa sa lima ang patay at sampu ang sugatan sa panig ng 62nd IB nang ambusin ang isang kolum nito ng Bagong Hukbong Bayan-Central Negros (Mt. Cansermon Command o MCC) noong Mayo 12 bandang alas-5 ng umaga sa Sityo Bonsad, Barangay Tan-awan, Kabankalan City, Negros Occidental. Nasamsam ng MCC ang isang ripleng M203.
Ang naambus na 62nd IB ay bahagi ng tuluy-tuloy at malawa kang operasyong militar ng 303rd Brigade sa mga barangay na saklaw ng mga lunsod ng Himamaylan, Binalbagan at Kabankalan sa Negros Occidental, at sa mga bayan ng Tayasan at Ayungon sa Negros Oriental. Layunin ng mga operasyong ito na supilin ang paglaban ng mamamayan sa pagtatayo ng dam sa ilalim ng Ilog-Hilabangan River Basin Project (IHRBP) na magpapalayas sa mga magsasakang nakatira sa panabihan ng Hilabangan River. Pinipinsala din ng naturang proyekto at ng pagku-quarry sa Hilabangan River ang kapaligiran. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa pahina 6.)
Nagpugay ang BHB-MCC kay “Ka Bebe,” ang Pulang mandirigmang namartir sa ambus.
Sa La Castellana, Negros Occidental, pinarusahan ng BHB-Central Negros Guerrilla Front (Leonardo Panaligan Command o LPC) si Roland Manalo Gonzales sa Barangay Puso noong Mayo 11. Isa si Gonzales sa apat na armadong lalaki na pumatay sa lider-magsasaka na si Jerry Turga noong Abril 28 sa Moises Padilla. Batay sa imbestigasyon ng BHB-LPC, matapos ang pagpaslang kay Turga, dumiretso si Gonzales at kanyang mga kasamahan, sakay ng dalawang motorsiklo, sa Hacienda San Benito na pagmamay-ari ni Mayor Magsie PeÒa ng bayan ng Moises Padilla. Ayon pa sa BHB-LPC, si Gonzales ay isa sa mga armadong tauhan ni PeÒa at ginagamit din ng 303rd Brigade sa saywar laban sa BHB at pagpatay sa mga aktibista.
Sorsogon. Hindi bababa sa apat ang sugatan sa panig ng 31st IB at 508th PNP Public Safety Company sa isinagawang operasyong haras ng BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command o CMC) sa Barangay San Francisco, Bulan noong Mayo 10, bandang alas-8:30 ng gabi. Mula nang dumating ang mga sundalo at pulis nang umagang iyon ay inokupa na ng mga ito ang barangay hall at day care center ng San Francisco.
Zamboanga del Norte. Tinamaan ng command-detonated na eksplosibo na pinasabog ng BHB-Zamboanga del Norte ang isang siksbay sakay ang 14 tropa ng 42nd IB noong Mayo 18, bandang alas-10 ng umaga sa Sityo Gumutoc, Barangay Poblacion, Kalawit. Ayon sa ulat ng BHB-Zamboanga del Norte, ganap na nawasak ang trak at hindi na nakapagpaputok ang mga sundalong sakay nito. Sa panimulang mga ulat, nalipol ang lahat ng sakay ng naturang trak.
Ang tinarget na kaaway ay bahagi ng komboy ng dalawang trak na magreresponde sa isinagawang reyd ng mga Pulang mandirigma sa isang asset sa paniktik ng 42nd IB sa karatig na Barangay Palalian.
Bago nito, noong Mayo 4, alas-5:10 ng umaga, inatake ng isang yunit ng BHB-Zamboanga del Norte ang gwardyahan ng Dacon sa Sityo Tulaksaw, Barangay Sas, Gutalac. Ang Dacon ay isang kumpanyang agri-bisnes na pagmamay-ari ng mang-aagaw ng lupa na pamilyang Consunji (notoryus din sa pang-aagaw ng lupain ng mga Lumad sa South Cotabato at Sultan Kudarat). Okupado ng Dacon ang malalawak na lupaing pang-agrikultura sa mga bayan ng Titay, Gutalac, Baliguian, Siraway at Tungawan.
Nasamsam ng mga Pulang mandirigma ang mga bala at iba pang gamit militar.
Misamis Occidental. Naglunsad ang isang yunit ng BHB ng operasyong haras gamit ang kumbinasyong riple at command-detonated na eksplosibo laban sa nag-ooperasyong kolum ng 10th IB sa Barangay Roxas, Aloran, Misamis Occidental noong Mayo 18, alas-10 ng umaga. Apat na sundalo ang napatay at pito ang sugatan matapos ang sampung minutong labanan.
Agusan del Norte. Anim ang kaswalti sa Caraga PNP sa magkasunod na pag-atake ng BHB sa Butuan City noong Mayo 15. Unang hinaras ng BHB ang mga nag-ooperasyong pulis sa Sityo Lamusig, Barangay Tungao. Isang elemento ng PNP ang sugatan. Sinundan ito ng atake sa istasyon ng PNP sa Barangay San Mateo kung saan limang pulis ang namatay.
Agusan del Sur. Inatake ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Sinakungan, Esperanza noong Mayo 14 bandang alas-3 ng madaling araw. Sa labanang ito, namartir ang dalawang kasama na sina “Ka Bagani” at “Ka Marjon.”
Bukidnon. Apat na Scout Ranger ang patay sa magkakasunod na kontra-atake ng BHB-Bukidnon noong Mayo 7-10. Ang yunit na nakasagupa ng mga Pulang mandirigma ay ibinaba ng helikopter sa hangganan ng mga bayan ng Cabanglasan at San Fernando.
Sa Kitaotao, hindi bababa sa walong elemento ng 3rd IB ang kaswalti mula sa aktibong depensa na isinagawa ng 1st Pulang Bagani Company noong Mayo 10, ala-1:30 ng hapon sa Barangay Kipilas. Sa dalawang oras na labanan, naghulog ng bomba ang AFP mula sa himpapawid at gumamit ng mga kanyon.
Sa panig ng BHB, malubha ang tinamong sugat ni Zaldy Cañete (Ka Jinggoy) sa ulo at katawan. Matapos ang 24 oras na panggagamot ng mga medik ng BHB, dinala si Cañete sa ospital sa Don Carlos, at sumailalim sa 11-oras na operasyon sa ulo.
Noong Mayo 12, dumating ang mga sundalo at operatiba sa paniktik ng PNP at AFP at inaresto si Cañete na noo’y nasa kritikal pang kundisyon sa intensive care unit ng ospital. Pinagbawalan din ang mga kapamilya ni Cañete at mga paralegal na dumalaw sa kanya.
Iginiit ng PKP na dapat ibigay ng AFP ang makataong pagturing kay Cañete at agad siyang palayain tulad ng makataong pagturing ng BHB at maagap na pagpapalaya sa mga bihag-ng-digma nito.
Ang agarang pagpapalaya kay Cañete ay obligasyon ng rehimeng Duterte sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na nagsasaad na ang sinumang nawalan ng kalayaan sa mga dahilang kaugnay ng armadong labanan ay maaari nang ligtas na palayain sa batayang makatao o iba pang batayan.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180521-kaswalti-afp-pnp-umabot-ng-48/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.