Ang Bayan editorial posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 21): Wakasan ang batas militar! Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Idineklara ni Rodrigo Duterte ang batas militar sa buong Mindanao upang ilunsad ang gera ng pagwasak sa Marawi, paigtingin at palawakin ang Oplan Kapayapaan at ipataw ang tiraniko at teroristang paghahari sa buong bansa.
Sa ngalan ng “pagsugpo sa terorismo,” binomba ni Duterte ang Marawi na walang pakundangan sa buhay, ari-arian at kabuhayan ng mga Meranaw at iba pang naninirahan doon. Daan-daang libo ang lumikas, mahigit 1,200 ang namatay at mahigit 800 ang hindi na makita. Isa ito sa pinakamalaking krimen ni Duterte laban sa mamamayan sa ilalim ng batas militar. Ngunit hindi lamang ito ang kanyang krimen.
Gamit ang kapangyarihan ng militar, laksa-laksa pa ang pasistang krimen ni Duterte at ng kanyang mga armadong utusan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa sambayanang Pilipino. Araw-araw, sa pagtupad ng batas militar at ng Oplan Kapayapaan, daan-daang mga barangay, laluna sa mga liblib na lugar sa Mindanao, ang sinasakop ng AFP, minamanmanan, hinihigpitan at pinahihirapan; niyayanig ng pambobomba at panganganyon ng AFP at pinagbabantaang matulad sa Marawi.
Ang batas militar sa Mindanao ay isang gera laban sa masang anakpawis, armadong pagsupil sa sa di armadong mamamayan. Daan-daan ang tinutugis at sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso. Kada tatlong araw ay may biktima ng pamamaslang ng AFP o ng mga armadong galamay nito. Araw-araw ang pananakot, pagbabanta at pambubugbog ng mga pasistang tropa ng AFP.
Ang pagpataw ng batas militar sa Mindanao ay isa sa susing sangkap ng disenyong-US na mapanupil na gerang Oplan Kapayapaan sa buong bansa. Sentral ang papel ng US sa pagsuhay sa batas militar. Sa Marawi ay lantarang nanghimasok ang mga upisyal, tagapayo at tauhan ng militar ng US sa pagpapalipad ng mga drone at paghuhulog ng mga bomba.
Hawak ang suporta ng US, ginagamit ng AFP ang walang hanggang kapangyarihan nito sa Mindanao para ibwelo ang digmang laban sa mamamayan sa buong bansa. Sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, nais ng rehimeng Duterte na maging “karaniwan” ang paggamit ng reaksyunaryong estado sa terorismo at ipatanggap ang pagkatampalasan nito.
Ang mga taktika ng batas militar ngayon ang ginagamit ni Duterte sa buong bansa. Milyun-milyon ang nabubuhay ngayon sa ilalim ng paghaharing militar sa buong kapuluan. Dahil sa batas militar sa Mindanao, lalong malakas ang loob ng upisyal at tauhan ng AFP na abusuhin ang kanilang kapangyarihan, lapastanganin ang mga karapatang-tao at supilin ang demokratikong mga pakikibakang masa.
Ginagamit ni Duterte na tuntungan ang batas militar sa Mindanao para sindakin ang sambayanang Pilipino at ipakitang walang makahahadlang sa kanyang kapangyarihan. Isa sa susing sangkap ito sa kanyang tiraniko at teroristang paghahari sa buong bansa.
Kamakailan, pinatalsik ni Duterte ang punong mahistrado ng Korte Suprema na idineklara niyang kaaway. Ginamit ni Duterte ang isang kwestyunableng hakbanging ligal (quo warranto sa halip na impeachment), bagaman ang totoong nasa likod niyon ay ang kanyang tiranikong kapangyarihan. Ito rin ang ginagamit niya ngayon para lubos na kontrolin ang Senado nang hindi ito maging hadlang sa di pa niya isinasaisantabing iskema para baguhin ang konstitusyon at palawigin ang kanyang kapangyarihan sa anyo ng transisyon tungo sa bagong pederal ng gubyerno.
Dapat pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para wakasan ang batas militar sa Mindanao, wakasan ang Oplan Kapayapaan at wakasan ang paghahari ni Duterte.
Dapat puspusang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing sandata ng paglaban sa pasistang paghahari. Dahil sa walang habas na armadong pagsupil ni Duterte, lalong nagiging malinaw ang pangangailangang magsandata upang magtanggol laban sa pasismo at isulong ang rebolusyonaryong layunin ng bayan.
Habang ipinatutupad ni Duterte ang kanyang mga hakbanging tiraniko at terorista, lalong dumarami ang kanyang nasasagasaan at napipinsala. Lalong nagngangalit ang bayan. Lalong lumalakas ang paglaban ng mga batayang sektor sa pasismo ni Duterte at ng AFP kaakibat ng pagsulong nila ng kanilang demokratikong mga kahilingan. Lalong lumalawak ang hanay ng mga organisasyon, partido, institusyon at mga personalidad na nananawagan na siya’y patalsikin na sa poder.
Dapat ibayong palawakin sa buong bansa at patatagin ang nagkakaisang prente laban kay Duterte. Nakasalalay ito pangunahin sa lawak at lakas ng pagkilos ng batayang mga demokratikong sektor. Gayo’y dapat nitong ibigay ang todong pagsuporta sa anti-pasistang pakikibaka ng masang anakpawis upang isigaw ang katarungan sa lahat ng pasistang krimen ng AFP, ilantad at labanan ang mga paglapastangan sa karapatang-tao at suhayan ang kanilang malawakang pagbabangon laban sa terorismo at tiraniya ni Duterte
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180521-wakasan-ang-batas-militar-ibagsak-ang-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.