Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 7): Lubos na ihiwalay at ibagsak ang pahirap na rehimeng US-Duterte
Sa taong 2018, tiyak na lalala ang krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal na lalupang magpapatindi sa girian sa pagitan ng mga naghaharing uri, paglaban ng mamamayan sa mga imperyalistang patakarang neoliberal at tumitinding pasismo ng rehimeng US-Duterte, at higit pang pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Dulot ng walang kasintinding pamamaslang at panunupil ng kanyang mga berdugong sundalo, pulis, paramilitar at death squad, tiyak ding lalupang mahihiwalay si Duterte sa mamamayan sa taong ito.
Sa unang mga araw pa lamang ng 2018, maingay na ang pagbabangayan ng naghaharing uri dulot ng litaw na ambisyon ni Duterte at kanyang mga kasapakat na palawigin ang kani-kanilang mga termino sa tabing ng charter change (cha-cha o pagbabago ng konstitusyon) at pagtutulak para sa pederalismo. Ngayon pa lamang, pinatitingkad na ng kanilang mga kalaban sa pulitika ang posibilidad ng “no-el” o walang eleksyon sa 2019, isang senaryo na tiyak na bibitak sa hanay ng mga burukrata. Katulad ng kanyang idolong diktador na si Ferdinand Marcos, babaguhin ni Duterte ang reaksyunaryong konstitusyon para solohin ang kapangyarihan sa pulitika. Kabilang sa maaari niyang ipakana ang pag-ako ng kapangyarihang gumawa ng mga batas na ginawa noon ni Marcos sa panahon ng “transisyon” tungong sistemang parlamentaryo. Sa ngayon, animo’y dumadaan pa si Duterte sa ligal na mga proseso, pero dumadami ang kanyang mga hakbang na tahasang sumasagasa sa sariling mga institusyon. Kunwa’y idinadaan pa niya sa proseso ng pagpapatalsik at aresto ang kanyang mga kalaban sa pulitika, pero sa aktwal ay epektibo na niyang tinatanggalan ang mga ito ng awtoridad sa estado. Nailulusot niya ang mga pinakamatitinding batas at hakbang sa kongreso at senado, na napananatili niyang sunud-sunuran sa pamamagitan ng suhol at pagbabanta.
Bago nito, sumambulat ang girian sa loob ng militar nang mabunyag ang pag-aagawan ng mga upisyal nito sa makukurakot na kontratang may halagang $16 bilyon. Walang anumang grandyosong palabas ng kunwa’y pagpapatalsik ng korap na mga upisyal sa gubyerno ang makapagtatago sa baho at kabulukan ng kanyang rehimen.
Para kontrahin ang papalawak na paglaban ng mamamayan, tiyak na patitindihin pa ni Duterte ang mga gerang mapanupil laban sa mga sektor at organisasyong tumututol sa kanyang mga pasistang ambisyon. Sa unang mga araw din ng 2018, isinampa na ng kanyang mga abugado ang pagdedeklara sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang mga “teroristang organisasyon.” Nakatuon ang hakbang na ito hindi lamang sa mga rebolusyonaryong pwersa kundi laluna sa hayag na demokratikong kilusan at ligal na oposisyon na maaari niyang gipitin sa pamamagitan ng basta-bastang pagpaparatang na nagbibigay ng ayuda at pinansya sa BHB. Sa aktwal, umiiral ang kanyang teroristang paghahari sa buong bansa.
Sa gitna ng lahat ng ito, sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at singil dulot ng mga neoliberal na patakaran ng deregulasyon at pribatisasyon. Lalupa itong tataas bunga ng bagong mga buwis na nagkabisa mula Enero 1 na resulta ng TRAIN na ipinasa noong Disyembre. Hindi maitatago ng anumang pagsisinungaling ng mga ekonomista ng rehimen ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo dulot ng pagtaas ng gastos sa transportasyon at operasyon sa pag-aangkat at produksyon ng mga lokal na negosyo. Tiyak na mas mabilis na tataas ang mga presyo ng mga batayang bilihin, kabilang ang pagkain, ngayong taon kumpara sa nakaraang taon. Batid ng mamamayan na ang lahat ng ito ay para mapunan ang pondong mawawala sa estado dulot ng paglilibre sa buwis ng pinakamayayamang pamilya at kanilang mga negosyo, gayundin para tustusan ang di-produktibo na paggasta at pagbabayad ng utang ng estado.
Kasabay nito ang pagbubukas ng mga serbisyong sosyal sa dayuhan at pribadong pamumuhunan na tiyak ring tutulak pataas sa mga singil. Gayundin ang maka-dayuhan at maka-burgesyang programang Build, Build, Build na nakatuon sa paglalatag ng imprastruktura para sa dayuhang kapital.
Taliwas sa pinalalabas ni Duterte, hindi maisasalba ang kanyang rehimen ng anumang paglago sa ekonomya na tulak ng mga patakarang neoliberal. Ang tanging nakikinabang sa mga patakarang ito ay ang mga dayuhang kumpanyang multinasyunal at mga burukrata-kapitalistang kasapakat nila. Palalalain lamang nito ang pagiging atrasado ng ekonomya at laganap na kahirapan ng mamamayan. Walang-wala na sa bokabularyo ni Duterte ang dati niyang ipinangako sa mamamayan, tulad ng pagtatapos ng kontraktwalisasyon, pamamahagi ng lupa, libreng irigasyon at iba pa.
Sa gayon, umiiral ang mga obhetibong batayan para ibagsak ang kriminal, kurakot, papet at lubos na nagpapahirap sa mamamayan na rehimen. Ang hibang na ambisyon ni Duterte na solohin ang kapangyarihan sa pulitika at kopohin ang makukurakot na pera ng bayan, gayundin ang pagbawi niya sa napakaraming pangako sa mamamayan, ang magtutulak sa kanila na labanan at ibagsak ang kanyang rehimen. Likas na mabuway ang kampo ni Duterte sa katayuan sa pulitika. Pinalala pa ito ng estilong butangero, sinungaling at kriminal ni Duterte mismo. Tanda nito, urong-sulong ang kanyang pinakaengrandeng mga plano para sa pasistang paghahari, tulad ng “rebolusyonaryong gubyerno”, dulot na rin ng kawalan ng suporta para rito ng mamamayan, ilang bahagi ng naghaharing uri at maging sa militar.
Sa harap nito, dapat pamunuan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang paglulunsad ng mga kampanya, kapwa armado at di-armado, para dulutan ng matitinding dagok ang rehimen at papahinain ito hanggang bumagsak. Kasabay ng paglaban sa mga pasistang hakbang at tripleng gera ng panunupil nito, dapat tuluy-tuloy na isulong at palakasin pa ang mga kilusang masa para sa mga kabuhayan at kagalingan ng mamamayan. Kailangang puspusang ilantad at labanan ang pagsagasa ng rehimen sa kanilang kapakanan habang itinataguyod nito ang interes ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri.
Ang pagpapabagsak kay Duterte ang pinakaimportanteng tungkulin sa ngayon ng mga rebolusyonaryong pwersa. Krusyal ang pagtupad nito sa mabilis na paglakas at paglawak ng rebolusyonaryong kilusan para ipagtanggol ang mamamayan sa walang habas na mga atake ng rehimen. Dapat samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang namumuo at kasalukuyang mga bitak sa hanay ng naghaharing uri. Kabigin ang lahat ng mga sektor at grupo para malikha ang pinakamalawak na alyansang kontra-Duterte, kahit ang mga grupo na may matitingkad na kontradiksyon sa rebolusyonaryong kilusan. Habang hindi sinasantabi ang mga kontradiksyong ito, dapat itutok ang pinakamatalas na atake sa pinakakumakatawan sa bulok na malapyudal at malakolonyal na sistema, ang rehimeng US-Duterte.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://retiredanalyst.blogspot.com/search?q=CPP/Ang+Bayan&updated-max=2015-12-19T07:58:00-08:00&max-results=20&start=1&by-date=false
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.