Monday, January 8, 2018

CPP/Ang Bayan: BHB-SMR, naglunsad ng aktibong depensa laban sa AFP

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 7): BHB-SMR, naglunsad ng aktibong depensa laban sa AFP

Naglunsad ng aktibong depensa ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao Region (BHB-SMR) sa pagitan ng Disyembre 27 hanggang 30, 2017 para biguin ang mga atake at paglabag ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines sa idineklarang magkatugon na mga tigil-putukan.

Ayon kay Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Regional Operations Command ng BHB-SMR, nagtamo ng 26 kaswalti ang mga tropa ng kaaway sa limang armadong aksyon na inilunsad ng mga Pulang mandirigma sa Davao Oriental sa panahong ito. Ang lahat ng mga opensibang ito ay ipinatupad nang may mahigpit na pagtalima sa idineklara ng BHB at Partido Komunista ng Pilipinas na unilateral na tigil-putukan mula Disyembre 23 nang alas-6 ng gabi hanggang Disyembre 26 nang alas-6 ng gabi at mula Disyembre 30 nang alas-6 ng gabi hanggang Enero 2 nang alas-6 ng gabi.

Inilinaw ni Sanchez na walang katotohanan ang pahayag ng 10th ID na naglunsad ng operasyong haras ang BHB laban sa isang outpost ng CAFGU at “nanghabol” ng isang elemento nito noong Disyembre 25. Ang totoo, tuluy-tuloy na naglunsad ng mga operasyong militar ang mga sundalo sa Barangay Tubaon, Tarragona, Davao Oriental mula pa Disyembre 23, simula ng deklaradong tigil-putukan ng AFP.

Noong Disyembre 28, sa pagitan ng dalawang tigil-putukan, inambus ng mga Pulang mandirigma ang mga tropang nag-ooperasyon sa mga sityo ng Gibaan at Bato-bato kung saan napatay ang 16 na sundalo at nasugatan ang dalawa pa. Noong Disyembre 30, alas-6 ng umaga, ilang oras bago magsimula ang pangalawang tigil-putukan, muling hinaras ng mga yunit ng BHB ang pinagsanib na mga pwersa ng 28th IB at Scout Rangers sa Sityo Madian, na nagresulta sa walo pang kaswalti. Isang Pulang mandirigma ang namartir sa labanang ito.

Kabaliktaran nito, walang pakundangan ang paglabag ng AFP sa sarili nitong tigil-putukan. Sa panahong ito, agresibong nagpusisyon ang AF=ng mga tropang pangkombat at naghasik ng teror sa mga sibilyang komunidad sa walong munisipalidad sa rehiyon.

Kabilang dito ang militarisasyon sa apat na komunidad sa Barangay Kapalong, Davao del Norte ng mga tropa ng 60th IB, 72nd IB at kanilang mga paramilitar na Alamara mula Disyembre 19, 2017. Nagpatupad ng food blockade ang mga sundalo, at dahil dito ay napilitang lumikas ang mga Lumad sa kanilang mga komunidad.

Wala ring puknat ang mga operasyong militar sa North Cotabato. Sa Arakan, ipinailalim ng bagong-deploy na 15th IB sa matinding militarisasyon ang buong bayan kung saan araw-araw na naglulunsad ng mga operasyong militar ang mga tropa nito kahit sa panahon ng tigil-putukan.

Sa bayan ng Magpet, naglunsad ang mga tropa ng 39th IB ng mga operasyon mula Disyembre 23 hanggang Enero 2 sa Barangay Mahongcog at nagplano pang magtayo ng detatsment sa gitna ng sibilyang komunidad. Sa Barangay Tiko, hinalihaw ng mga sundalo, kasama ang paramilitar na Bagani, ang mga komunidad ng Lumad mula Disyembre 21 hanggang 26. Noong Disyembre 21, alas-3 ng madaling araw, binomba ng mga AFP ang naturang mga komunidad gamit ang mga eroplanong pandigma. Naglunsad din sila ng di-bababa sa 10 serye ng panganganyon na tumagal hanggang tanghali ng araw na iyon. Matapos nito, sinira pa ng mga sundalo ang mga sakahan at hinalughog ang mga bahay ng mga sibilyan.

 Sa Compostela Valley, nag-operasyon ang mga tropa ng 46th IB at 71st IB sa mga komunidad ng Tapan at Mascared, sa Malamodao, Panibasan at Panganan sa Maco; at sa Lawaan, Pangasan at Palo sa Pantukan mula Disyembre 23 hanggang 26.

Ang mga operasyong ito ay bigong pagtatangka ng AFP at rehimen na pigilan ang pagdiriwang ng mamamayan at BHB sa ika-49 anibersaryo ng PKP, ayon kay Sanchez. Pinatunayan nito, tulad sa nakaraan, na walang balak ang AFP na sundin ang sariling mga deklarasyon ng tigil-putukan.

Patuloy na ipagtatanggol ng BHB sa rehiyon ang mamamayan at Pulang kapangyarihan ng rebolusyonaryong kilusan, ayon pa kay Sanchez. Ang mga opensibang inilulunsad dito ay tugon sa lumalakas na panawagan ng mamamayan na ibagsak na ang rehimeng US-Duterte.

Noong Disyembre 22, 2017, kasabay ng pagdedeklara ng tigil-putukan, inatasan ng Pambasang Kumand sa Operasyon ng BHB ang lahat ng mga yunit nito na manatiling mapagmatyag at handa sa anumang aksyon o galaw ng mga yunit ng AFP, katulad ng nangyari sa panahon ng anim-na-buwang tigil-putukan noong 2016. Ginamit ng reaksyunaryong militar ang tigil-putukan para mag-okupa’t magpwesto ng mga tropa sa mahigit 500 barangay sa buong bansa. Tuluy-tuloy ang paglabag ng mga tropa nito sa mga karapatang-tao ng mga sibilyan at kanilang komunidad. Mula Hulyo 2017, mahigit 129 aktibista na ang pinaslang ng mga tropa nito, kalakhan ay mga magsasaka sa mga lugar kung saan may tunggalian sa pag-aari ng lupa. Marami rin ang kaso ng iligal na pang-aaresto ng mga akibista at progresibo, gayundin ang sapilitang pagpapalikas dulot ng matinding militarisasyon, pambobomba at panganganyon.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180107-bhb-smr-naglunsad-ng-aktibong-depensa-laban-sa-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.