Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 7): Lagim na ala-Palparan, umiiral sa ComVal
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, umiiral ang teroristang lagim na katulad sa inihasik noon ng berdugo ng dating rehimeng US-Arroyo na si Jovito Palparan. Katulad ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo ng Central Luzon, na lubos na pinahirapan at tinangkang patayin ng mga sundalong pinamumunuan ni Palparan noong Pebrero 2006, dalawang aktibista ang iligal na inaresto, ipinailalim sa kahindik-hindik na tortyur at basta na lamang iniwan matapos ipinagpalagay nang patay.
Nagsimula ang kwento nang iligal na inaresto ng mga elemento ng 71st IB sa Tagum City sina Janry Mensis, 22, at Jerry (di tunay na pangalan), 16, mga manggagawa sa maliitang pagmimina at magsasaka, noong Nobyembre 28. Myembro ang dalawa ng Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Maco (KAMAO). Ayon sa salaysay ni Mensis, nasa bahay sila sa tiyahin ni Jerry sa Barangay Visayan Village sa Tagum City nang magkayayaan silang bumili ng balut sa bayan. Kumakain sila noon sa bayan nang lapitan sila at inakusahang magnanakaw ng apat na hinihinalang sundalong nakasibilyan. Nakilala ang dalawa sa mga sundalo bilang Medina at Cantoba.
Dinala nina Medina at Cantoba ang mga biktima sa istasyon ng pulis at doon kinuhanan ng litrato at ininteroga ang dalawa, pero pagkatapos ng imbestigasyon muling ibinalik ang dalawa sa kustodiya ng mga sundalo.
Mula sa istasyon ay idiniretso sa kampo ng 71st IB sa Mawab, Compostela Valley ang mga biktima kung saan ilang beses silang binugbog ng mga kinilalang sundalo na sina Ferol at Cuevas. Siyam na araw silang iginapos sa isang ambulansya na nakahimpil sa loob ng kampo. Anim na araw lamang silang pinakain.
Noong Disyembre 6, alas-12 ng hatinggabi, sapilitan silang pinagsuot ng uniporme ng sundalo, iginapos at isinakay sa trak ng militar kung saan may nakasakay na 20 sundalo.
Dinala sila sa liblib na bahagi ng Barangay Masara, Compostela Valley kung saan sila iginapos sa kamay at paa, at binalot ng packaging tape ang kanilang mga bibig. Narinig ng mga biktima na sila ay pinagpaplanuhan nang patayin. Naghukay ang mga sundalo ng libingan para sa kanila. Dinala sila sa malapit na hukay at sinakal gamit ang tali. Dahil sa takot ng dalawa, umakto silang walang malay kung kaya hinila na lamang sila ng mga sundalo papunta sa hukay. Doon ay tinapunan sila ng mga kahoy, binuhusan ng krudo at sinilaban. Mabilis na umalis ang mga sundalo. Nang wala na ang mga militar ay nagawang tumakbo at makawala sa apoy ang mga biktima bagaman si Janry ay nagtamo ng third-degree na sunog sa katawan.
Nakapag-ulat sila sa Karapatan noong Disyembre 12 at ngayon ay nasa pangangalaga ng kanilang organisasyon.
Pang-aaresto, pamamaslang nagpapatuloy
Isang lider-masa at isang aktibista ang pinaslang at isa ang inaresto sa huling bahagi ng Disyembre, sa panahong nagdiriwang ng tradisyon ng Pasko ang mamamayan.
Noong Disyembre 21, sinaksak -patay si Flora Jemola, 63, residente ng Hacienda Susana, Sagay City, Negros Occidental ng mga pinaghihinalaang ahente-militar. Si Nanay Flora ay tagapangulo ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Sagay City, aktibo sa pakikibaka ng mga manggagawa sa asukarera sa Hilagang Negros. Natagpuan ang kanyang walang buhay na katawan sa kanyang sakahan ilang metro ang layo sa kanyang bahay. Nagtamo siya ng walong saksak sa katawan.
Binaril-patay naman ng mga hinihinalang ahenteng militar sa ilalim ng 28th IB noong Disyembre 21, 2017 alas-11:00 ng umaga si Edwin Magallanes, 38, residente ng Purok Juan, Panikian Banay-Banay, Davao Oriental. Si Magallanes ay myembro ng Abanterong Nakigbisog (ABANTENA), isa din siya sa tumututol sa malakihang pagmimina at lumalaban sa militarisasyon sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad.
Noon ding Disyembre 21, inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police ng Abra de Ilog, Mindoro Occidental sina Junjun Carandang, 18, at Dolores Solangon, 40, mga residente ng Barangay Balao, Abra de Ilog alas-7:00 ng gabi. Ang pag-aresto sa kanila ay batay sa gawa-gawang kaso na isinampa noon pang 2008. Sina Carandang at Solangon ay nakadetine sa istasyon ng munisipyo ng Abra De Ilog.
Noong Disyembre 15, dalawang di-nakilalang lalaki ang pwersahang pumasok at naghasik ng takot sa isang bahay ng kababaihang Moro sa UCCP Compound, Barangay San Isidro, General Santos City, nang ala 1:00 ng umaga. Nakasuot ng itim at balot ang mga mukha ng naturang mga lalaki. Sinubukan nilang pasukin ang kwarto ni Ali Macalintal, 31, liyason sa midya ng Bayan Soccsksargen. Wala noon sa naturang bahay si Macalintal.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180107-lagim-na-ala-palparan-umiiral-sa-comval/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.