Monday, January 8, 2018

CPP/Ang Bayan: Anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 7): Anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang





DAAN-DAANG PULANG mandirigma at mga kasapi ng lihim na organisasyong masa ang matagumpay na nakapaglunsad ng pagdiriwang sa ika-49 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong huling bahagi ng Disyembre 2017. Ito ay sa kabila ng all-out war at paghahasik ng teror ng berdugong militar at ni Duterte sa mga komunidad sa kanayunan.

Sa kabundukan ng Sierra Madre, pinangunahan ng Bagong Hukbong Bayan-Southern Tagalog (Melito Glor Command o MGC) ang selebrasyon noong Disyembre 29, 2017. Ayon sa MGC, malaking tagumpay ang aktibidad na nailunsad sa gitna ng matitinding operasyong militar matapos ang kanselasyon ng usapang pangkapayapaan, pagbansag bilang mga “teroristang organisasyon” sa PKP at BHB, at panggigipit sa mga aktibista at progresibo sa rehiyon. Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kasapi ng midya.

Nagbigay-pugay ang MGC sa mga martir ng rehiyon, partikular sa 15 napaslang sa Nasugbu, Batangas. Ayon kay Ka Diego Padilla, tagapagsalita ng MGC, labag sa internasyunal na makataong batas at mga batas sa digma ang brutal na pagpaslang sa 15. Nagkaroon din ng katulad na mga pagtitipon sa iba pang bahagi ng rehiyon ng ST.

Sa Negros, nagdiwang ang mga kasapi ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) noong Disyembre 26. Ibinalita ng BHB-Central Negros ang 30% paglaki ng Pulang Hukbo sa kanilang larangan. Malaking bilang ng kanilang bagong mga mandirigma ay mula sa hanay ng intelektwal at petiburgesya. Naitayo naman ang lakas platun na pormasyon na mga yunit gerilya at milisyang bayan bilang yunit pangdepensa sa kanilang mga komunidad. Higit na lumaki ang baseng masa sa panahon ng todo-larga at todo-atake ng rehimeng US-Duterte sa mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Ayon sa kanilang pahayag, mahigit 20 iba’t ibang tipo ng taktikal na opensiba ang nailunsad ng mga Pulang mandirigma sa larangan noong 2017. Nakasamsam sila mula sa mga ito ng 30 armas, libu-libong mga bala at iba pang lohistikang militar.

Samantala, daan-daan ang dumalo sa selebrasyon ng BHB-Ifugao sa ilalim ng Nona del Rosario Command sa isang munisipalidad sa rehiyon ng Cordillera. Sa programa, nagkaroon ng maiksing pagtatanghal hinggil sa buhay ng mga Pulang mandirigma at patuloy na suporta ng masa sa kanilang hukbo. Pulang saludo naman ang inialay ng BHB sa mga martir ng rebolusyon na sina Ruben Gumabay, Elorde Miguel at Marcos Aggalao. Kinundena rin ng PKP-Kalinga ang patuloy na pang-aagaw ng lupang ninuno sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa pamamagitan ng pagtatayo ng dam sa Lucog, Tabuk; Tanudan, Lubuagan at Pasil, proyektong geothermal sa Tinglayan, Lubuangan at Pasil at pagpapatupad ng National Greening Program higit pang lumawak ang lupang ninuno na kinakamkam ng mga panginoong maylupa at kumprador.

Nanguna naman ang mga kasaping organisasyon ng National Democratic Front sa raling iglap na isinagawa sa Magsaysay Avenue, Davao City noong Disyembre 27, 2017.

Samantala, nanawagan rin ang NDF-Mindanao na paigtingin pa ang pakikibaka laban sa pasistang tunguhin ng rehimeng US-Duterte. Tinuligsa nito ang pinakawalang tripleng gera ng pangwawasak at pagpaslang ng rehimen at ang nagpapatuloy nitong batas militar sa Mindanao. Sa gitna nito, ipinagmalaki ni Ka Joaquin Jacinto, tagapagsalita ng NDF-Mindanao, ang tagumpay ng mga yunit ng BHB sa isla. Ani Jacinto, handang harapin ng BHB at PKP ang pinatindi pang gera ni Duterte sa taong 2018.

Kasabay nito, nagpaabot ng pagbati ang mga rebolusyonaryong organisasyon mula sa Italy, sa ilalim ng Front Popolare at Freedom Road Socialist Organization mula sa US.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180107-anibersaryo-ng-pkp-ipinagdiwang/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.