Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 7): Mga sibilyang komunidad sa Batangas, binomba ng AFP
Wala mang batas militar sa buong bansa, walang-habas na ipinapatupad ng rehimeng Duterte ang mababagsik na operasyong militar laban sa mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Patuloy ang pambobomba mula sa himpapawid, panganganyon, istraping, pamamaslang, iligal na pang-aaresto at pagdedetine at maging panununog ng bahay ng mga sibilyan sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Batangas. Walang habas na pamamaril, istraping at paghuhulog ng bomba ang isinagawa ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force at ng 202nd IBde sa mga komunidad sa paligid ng Mt. Banoy noong Setyembre 24. Ito ay matapos makasagupa ng mga elemento ng AFP ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan-Batangas (Eduardo Dagli Command) sa Barangay Cumba, Batangas City sa parehong araw. Dalawang sibilyan, kabilang ang isang bata, ang naiulat na nasawi sa mga operasyon ng AFP. Umaabot sa 400 pamilya ang napilitang lumikas mula sa mga barangay ng Cumba at Talahib Pandayan para umiwas sa pambobomba. Dahil sa tindi nito, kinansela ang mga klase sa 15 eskwelahan sa kalapit na mga barangay ng Payapa, Talumpok Silangan at Kanluran, Conde at Sto. Domingo, lahat sa Batangas City.
Agad na sumaklolo ang mga nagtataguyod ng karapatang-tao pero hinarang sila sa mga tsekpoynt ng AFP at RPSB noong Setyembre 26. Hindi rin pinapasok sa Barangay Banalo ang mga grupong pinangunahan ng Pilgrims for Peace na maghahatid sana ng relief at magsasagawa ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga bakwit noong Setyembre 30. Kasama ang lokal na gubyerno sa mga humarang sa grupo.
Ang mga barangay ng Sto. Domingo, Cumba, Conde Itaas, Sico, Pinamucan, Simlong, Talahib Pandayan, Talumpok Silangan, Banalo, Lobo, Mabilog na Bundok, ay bahagi ng 29,000 ektaryang lupaing saklaw ng Mt. Banoy at Mt. Nagueling Complex na planong minahin ng mga kumpanyang Mindoro Resources Limited (o MRL Gold) at Egerton Gold ng Canada na may kaugnayan sa Red Mountain Mining ng Australia.
Samantala, nitong Oktubre 6 sa Calatagan, tinamnan ng ebidensya bago iligal na inaresto ng PNP ang apat na myembro ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda at Magsasaka sa Baha at Talibayog na aktibo sa paglaban sa pang-aagaw ng lupa ng Asturias Chemical Industries ni Ramon Ang.
Kinilala ang apat na sina Noel Delos Reyes, kapitan ng Barangay Talibayog, at mga lider-masa ng barangay na sina Eduardo Peñafloreda, Senando Marco at Joseph Marasigan.
Quezon. Sinunog ng mga sundalo ng 85th IB ang bahay ng magsasakang si Bryan Panoso at binaril pa ang kanyang kabayo sa Sityo Katmon, Barangay Ilayang Ilog A, Lopez, noong Oktubre 2. Iligal ring inaresto ang ina at kapatid na babae ni Panaso. Ang pandarahas sa pamilya ay isinagawa ng mga sundalo matapos magtamo ng pinsala sa labanan sa isang yunit ng BHB.
Masbate. Arbitraryong inaresto noong Setyembre 27 ng mga pinagsanib na pwersa ng 2nd IB, 96th MICO at RIU 5 ang mga sibilyang sina Dagul Lalaguna, mag-asawang Locloc at Baby Merdegia, Boboy Dela Cruz, Opaw Balayan at Romy Pautan at ang dalawa nitong anak na lalaki, na mga residente ng Sityo Pili ng Barangay San Jose, Uson at Barangay Sawmill, Mobo. Sa katabing baryo naman ng Madao, Uson, dinampot si Ompoy Escovilla at kasama nito na pinagsasampal ng mga sundalo. Iligal ding hinalughog ang kanilang mga bahay. Sinira ang bahay, nilimas at ninakaw pati ang mga kagamitan ng mag-asawang Merdegia kasama na ang P50,000 naipon ng mag-asawa.
Nueva Vizcaya. Tuluy-tuloy ang operasyong militar at pambobomba ng 84th IB ng AFP sa Kasibu na nagresulta sa pagbakwit ng 133 pamilya mula sa mga barangay ng Kakiduguen, Dine, at Biyoy noong Setyembre 16. Kasunod nito, sina Vicente Ollagon, Joshua Hiquiana, Ferdinand Pakiwon, Marilyn Lango at menor-de-edad na si Jogiemar Wayas ay pinaratangang mga kasapi ng BHB at iligal na inaresto noong Setyembre 29 ng PNP at AFP sa Barangay Mabuslo, Bambang. Pawang mga kasapi sila ng Kasibu Inter-Tribal Response for Ecological Development at Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Magsasaka at Manggagawa, Inc. Bahagi ang mga organisasyong ito sa barikada ng mamamayan laban sa pagmimina ng Australyanong kumpanyang Royalco at OceanaGold.
North Cotabato. Hindi pa rin tumitigil sa pambobomba ang mga militar sa komunidad at eskwelahan ng mga Lumad. Noong Setyembre 20, isinagawa ang paghuhulog ng bomba malapit sa Fr. Pops Tentorio Memorial School sa bayan ng Magpet.
Leyte. Namatay ang magsasakang si Jason Montalla noong Setyembre 28, dalawang linggo matapos siyang barilin ng tauhan ng 78th IB noong Setyembre 5. Siya ay kasapi ng organisasyon ng maliit na magsasaka, Mag-uuma nga Nagkahiusa (MANA), sa Albuera.
Davao Region. Pinatay ng mga ahente ng AFP ang tagapangulo ng Maragusan Workers Association na si Rene Magayano sa palengke ng Maragusan noong Setyembre 28. Noong Setyembre 26 naman ay pinatay ni Dexter Sallian, tauhan ng 67th IB sa Cateel, Davao Oriental si Toto Lompaodan, kasapi ng Alyansa sa Mag-uuma sa Sidlakang Dabaw (Almasid). Aabot na sa 50 ang mga magsasakang pinatay sa rehiyon ng Davao sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171007-mga-sixadbilxadyang-koxadmuxadnixaddad-sa-baxadtaxadngas-bixadnomxadba-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.