Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 7): Kontrol ng US sa AFP, humihigpit sa ilalim ni Duterte
Wala pang isang taon mula nang magdeklara si Rodrigo Duterte na hihiwalay na sa US, ganap siyang bumaligtad at pinuri ang US bilang umano’y mahalagang alyado sa seguridad. Kabalintunaan na ipinahayag niya ito sa okasyon ng paggunita ng bansa sa kabayanihan ng mga Pilipino sa Pag-aalsang Balangiga laban sa mga mananakop na Amerikano. Aniya, natubos na umano ng US ang sarili sa mga krimen nito sa mamamayan mula pa noong Digmaang Pilipino-Amerikano hanggang sa kasalukuyan.
Binubuod ng mga pahayag na ito ni Duterte ang ganap niyang pagpapakatuta sa imperyalismong US. Partikular sa larangang militar, nanatiling haligi ng paghahari ng US sa bansa ang Armed Forces of the Philippines at mga pwersang panseguridad ng estado. Inamin mismo ni Duterte na isang ahente ng US Central Intelligence Agency si Delfin Lorenzana, kalihim ng Department of National Defense. Nangunguna si Lorenzana sa pagpapatupad ng disenyo ng US para sa gubyerno ni Duterte. Tuluy-tuloy na nakasandig ang AFP sa ayudang militar mula sa US’sa porma ng pinansya, mga armas at kagamitan, mga pagsasanay at indoktrinasyon.
Pinaigting na presensyang militar
Nitong Oktubre 2, sinimulan ang pinagsanib na ehersisyong militar na Kamandag sa pagitan ng 900 US Marines at Philippine Marines sa may pitong lugar sa Luzon. Kabilang ito sa 257 magkasanib na ehersisyong militar na nakatakdang ilunsad ngayong 2017. Maliban sa mga tampok na pagsasanay sa paglusob mula sa karagatan, sinanay din ng US ang AFP sa paggamit ng kompyuter at internet para sa elektronikong paniniktik at pag-atake.
Sa gitna ng pagkubkob ng AFP at US sa Marawi, nagsagawa ng pagsasanay sa urban warfare (labanan sa lunsod) ang US Marines para sa Philippine Marines. Kalangkap ng mga ehersisyong militar na ito ang pang-saywar na mga aktibidad tulad ng pagkukumpuni ng mga paaralan at mga medical mission.
Kalahok din ang AFP sa mga multinasyunal na pagsasanay militar na pinangungunahan ng US. Sa nagdaang ehersisyong Balikatan nitong Mayo, kasama sa mga dayuhang tropang nagsanay ang mula sa mahihigpit na alyado ng US na Australia at Japan. Mayroon pang hiwalay na pakikipagkasundo si Lorenzana sa Australia na magkaroon ng pagsasanay hinggil umano sa paglaban sa ISIS, maliban pa sa mga drone ng Australian Defense Force na ginagamit din sa Marawi.
Lantarang ginagamit ng US ang black scare o pananakot kaugnay ng ISIS sa nagdaang huling mga pagsasanay. Ang mga ehersisyong Sama-sama at Tempest Wind ay pawang lumilikha ng senaryo na may kalabang ISIS. Nagsagawa ng pagsasanay ng pagligtas sa umano’y mga biktima sa pag-hijack ng ISIS ng eroplano gayong inamin mismo ng US at DND na walang ganoong senaryo sa ngayon o sa kagyat na hinaharap sa Pilipinas.
Sinakyan na rin ng US at Australia ang usapin ng droga at ang diumano’y banta ng kumbinasyong terorismo-iligal na droga. Bukambibig ni Duterte ang linyang ito nang iprisenta niya ang matrix ng mga druglord na diumano’y nagpondo sa grupong Maute. Hindi malayong gamitin ng US sa Pilipinas ang usapin ng droga para sa panghihimasok militar tulad ng ginawa nitong pagbubuo ng mga kontra-rebolusyonaryong grupong paramilitar sa Colombia.
Hindi rin malayong ituon ng US at ni Duterte sa mga rebolusyonaryong pwersa ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga suspetsado sa droga. Tumampok ang paggamit sa kumbinasyong terorismo-iligal na droga sa ehersisyong Southeast Asia Cooperation and Training na pinamunuan ng US Coast Guard at nilahukan ng mga pwersang coast guard at militar ng Pilipinas, Australia at iba pang bansa.
Noong Setyembre 7 at 26, kabilang din ang Pilipinas sa tinipon ng US Pacific Command (PACOM) na mga upisyal ng militar mula sa mga bansa sa Indo-Asia-Pacific. Bahagi ang dalawang magkasunod na mga pagpupulong sa pagkonsolida ng US ng kapangyarihan sa rehiyon. Nito namang Setyembre 27-28, idinaos ang pulong ng Mutual Defense Board Security Engagement Board sa hedkwarters ng US PACOM sa Hawaii kung saan pinagkasunduan ang 261 ehersisyong militar sa 2018, kabilang ang paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagdepensa sa teritoryo, na dati nang tinanggihan ni Duterte.
Hindi naman bababa sa pitong barko at submarinong pandigma ng US ang malayang nakapagdaong sa Pilipinas ngayong taon, samantalang mula pa Pebrero ay nagpapatrulya ang iba pang barkong pandigma nito sa South China Sea.
Maging sa Marawi, pinahintulutan ng rehimen ang interbensyon at pagdirihe ng US sa pagkubkob sa syudad sa pamamagitan ng kontrol nito sa mga drone na nag-eespiya at naghuhulog ng mga bomba, gayundin sa pagsuplay ng mga armas at masinsing paggamit ng sinanay nitong mga espesyal na yunit militar.
Inamin din ni Lorenzana na may mahigit 100 sundalong US sa iba pang bahagi ng Mindanao na nagsasagawa ng paniktik sa pamamagitan ng mga eroplano at drone. Noong huling linggo ng Agosto, nakipagpulong si Duterte kay US PACOM Chief Adm. Harry Harris Jr. upang pagkasunduan ang ibayong pakikisangkot ng US sa labanan sa Marawi. Matapos nito, dinagdagan ng US nitong Setyembre ng mas maunlad na sistema ng drone ang dati nang mga nakapakat sa Marawi.
Maliban sa mga ito, patuloy na dumadaloy sa mga ayuda ang kontrol ng US sa militar ng bansa. Noong 2016, tumanggap ang gubyernong Duterte ng mahigit $60 milyon na ayudang militar mula rito. Kabilang dito ang $9 milyon para sa diumano’y pagsugpo sa iligal na droga. Nagpadala rin ang gubyernong Duterte ng 194 upisyal kapwa mula sa militar at mga ahensyang sibilyan upang pag-aralin at sanayin sa US sa ilalim ng International Military Education and Training (IMET). Umabot ng $3.4 milyon ang halaga ng IMET sa nasabing taon.
Para naman sa taong ito, aabot sa $54 milyon ang hininging ayudang militar ng Pilipinas sa US. Kabilang dito ang $2 milyon para sa IMET, $9 milyon para sa pagsugpo ng iligal na droga, at $3.5 milyon para sa kontra-terorismo at mga kaugnay na programa. Ang natitirang $40 milyon ay pautang para sa pagbili ng mga armas mula US. Bahagi ang mga halagang ito ng kabuuang $188 milyon ayudang inilaan ng US para sa bansa.
Dagdag sa anti-mamamayang mga gera at patakarang pang-ekonomya, lalupang nahihiwalay ang rehimeng Duterte dahil sa ganap nitong pagiging sunud-sunuran sa US. Tiyak na sasalubungin ng matinding protesta ng mamamayan ang pagbisita sa Nobyembre ng pangunahing kinatawan ng imperyalismong US na si US President Donald Trump.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171007-kontrol-ng-us-sa-afp-huxadmixadhigxadpit-sa-ilaxadlim-ni-duxadterxadte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.