Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 7): Laban para bawiin ang mga plantasyon
Lumalaganap ngayon ang bagong larangan ng pakikibakang magsasaka sa Mindanao ang paggigiit ng mga magsasaka ng pag-aari at kontrol sa mga lupang plantasyon.
Noong dekada 1980, sinaklaw ng CARP ang lupain ng mga plantasyon. Inatasan nito ang mga ahensya ng estado na ilipat ang mga titulo ng pag-aari sa lupa ng ilang malalaking plantasyon sa pangalan ng mga manggagawa sa plantasyon at tinawag silang mga benepisyaryo ng repormang agraryo (agrarian reform beneficiaries o ARB).
Subalit matapos ang tatlong dekada ng pagpapatupad ng CARP, nananatiling buo at nakapailalim sa kontrol ng malalaking panginoong maylupa at mga korporasyon sa agribisnes ang mga lupang may titulo. Sinamantala nila ang mahihinang probisyon, napakaraming eksempsyon at mapanlinlang na mga istruktura at proseso ng CARP para mapanatili sa kanilang kontrol ang lupa at mga benepisyaryo. Walang naging saysay ang titulo sa lupa na hawak ng mga ARB. Kinailangan nilang igiit ang karapatan na ariin at gamitin ang kanilang lupa alinsunod sa kanilang kapasyahan.
Isang matingkad na halimbawa ang 28,816 ektaryang plantasyon ng saging na kontrolado ng Tagum Agricultural Development Company (Tadeco) ng pamilyang Floirendo. Sa plantasyong ito, wala ni isa sa mahigit 1,890 ARB ang nakikinabang sa sariling lupa. Nananatili silang mga manggagawa sa plantasyon, tumatanggap ng mababang sweldo, o malala pa, tinatanggal sa trabaho kung nagrereklamo. Mayroong 100,886 ARB ang buong Southern Mindanao Region.
Mismong ang CARP ang ginamit ng mga panginoong maylupa para panatilihin ang ganitong kaayusan. Sa ilalim ng huwad na programa, itinayo ng gubyerno ang mga Agrarian Reform Community (ARC) upang maging organisado diumano ang pamimigay ng lupa, paniningil ng amortisasyon, at paghahatid ng suportang serbisyo mula sa gubyerno. Binuo ang mga benepisyaryo bilang mga kooperatiba upang dito makitungo ang gubyerno at ang kapitalista.
Sa pamamagitan ng sistemang ARC, tipak-tipak na nakontrol ng DAR at ng mga kapitalista sa agribisnes ang mga komunidad kaya’t naging mas madali ang pangangamkam ng lupa. Sa malalawak na plantasyon, ang mga kapitalista pa rin ang kumukontrol sa iba’t ibang antas ng proseso, sahod, pamilihan, presyo ng produkto at mga farm input (tulad ng mga binhi, pestisidyo at iba pa). Ilan sa mga paraang ginamit ng mga asendero at kapitalista sa agribisnes ang:
Agribusiness Venture Agreement (AVA) o kontrata sa pagitan ng kooperatiba ng mga ARB at ng kumpanya sa agribisnes. Ang kumpanya ang nagtatakda ng mahal na presyo ng mga farm input at murang produkto ng mga magsasaka. Ang kita ng mga ARB ay halos sapat lamang para ibayad sa utang sa farm input. Marami ang kaso na naembargo na ang lupa dahil sa utang o kaya’y ibinenta na ang kanilang karapatan sa lupa dahil sa hirap ng buhay.
Sistemang grower (pagpapatanim) o kontrata sa pagitan ng indibidwal o organisasyon ng mga grower at ng kumpanya. Sagot ng huli ang lahat ng gastos pero obligadong ibenta sa kumpanya ang produkto sa presyong dikta nito. Sagot ng grower ang pagsweldo sa mga manggagawa at anumang pagkakalugi na maidulot ng mahinang ani.
Mayroon ding kaayusan kung saan sagot ng grower ang lahat ng gastos at ibinebenta lang sa kapitalista ang produkto. Bilang tagabili, quality control lang (itinatakdang kalidad) ang tinitiyak ng kapitalista.
Sistemang Koop. Ang mga farm inputs ay ipinauutang ng kumpanya sa kooperatiba ng maliliit na may-ari ng lupa. Ang kooperatiba ay pumapapel bilang ahensya ng empleyo para makaiwas ang kumpanya sa anumang obligasyon sa mga manggagawang bukid at empleyado. Dito rin pinadadaloy ang mga pinalalaganap na mga kagamitan at teknolohiya (karaniwang nakasalig sa mga inaangkat na kemikal na input) sa produksyon. Mahigpit na bawal ang unyon dahil ito ay rehistrado bilang kooperatiba.
Sistemang Leaseback. Ipinaaarkila ulit ng mga benepisyaryo ang lupa sa kumpanya, at nagiging manggagawa sila sa sarili nilang lupa. Maraming kasunduan ang nagtatagal nang 30 taon. Kinakaltasan ang bayad sa arkila ng lupa para diumano sa pagretiro ng manggagawa, at sa pagsisimula ng leaseback ay hindi na ibinibilang ang naunang panahon ng serbisyo ng manggagawa bago sila naipasok sa CARP. Ilang halimbawa nito ang Marsman, Lapanday, at ilang bahagi ng Tadeco.
Korporadong pagsasaka. Binabago ang klasipikasyon ng lupa tungong komersyal upang iligtas ito sa pamamahagi sa mga magsasaka. Dahil dito, marami sa dating nang nagsasaka ang nawalan ng lupa.
Leasehold. Nag-aarkila ang kumpanya ng mga lupang pribado o publiko para gawing plantasyon, madalas sa napakababang presyo tulad ng P6,500 bawat ektarya bawat taon. Maraming lupang publiko sa Mindanao ang nasa leasehold, tulad ng kontrata ng Tadeco sa malaking bahagi ng Davao Penal Colony, o mga pribadong lupang inaarkilahan ng Marsman.
Kahit pa naigiit ng mga magsasaka ang ligal na katwiran para sa kanilang makatarungang paninindigan sa pag-aari ng lupa (pagpasya kung paano gagamitin at ano ang itatanim), hindi magkukusa ang reaksyunaryong gubyerno na ipatupad ito. Taliwas dito, sadyang natutulung-tulong ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno at militar para hindi nila makamit ang kanilang karapatan sa lupa. Noon lamang naging kalihim ng DAR ang lider-magsasakang si Ka Paeng Mariano na sumuporta ang ahensya sa panawagan ng mga magsasaka sa tampok na kaso ng Lapanday.
Batid ng mga magsasaka na kailangan pa nilang itulak ang karapatan nila sa lupa sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos tulad ng nangyari sa Lapanday Foods kung saan nabawi ng 159 ARB sa ilalim ng MARBAI ang 146 ektarya matapos ang ilang buwang mga pagkilos. Sa Arakan Valley, naitulak ng 3,100 pamilyang organisado sa MAFAI na kilalanin ang kanilang mahigit pitong dekada nang pagbubungkal sa 4,387 ektaryang kinamkam para maging bahagi ng school reservation.
Ang mga paglaban na ito ay nagsilbing huwaran at inspirasyon ng mga magsasaka para palakasin ang kanilang mga organisasyong nagdadala ng determinasyon sa pagkamit ng hustisyang panlipunan. Kaya’t binuo noong Abril ang ARB One Movement (AOM) bilang pederasyon ng mga ARB upang mas malakas na maigiit ang kanilang karapatan sa lupa laban sa iba’t ibang pakana ng CARP, matapos ang pukpukang labanan sa MARBAI.
Komprehensibong hinaharap ng AOM ang usapin ng mga ARC sa pamamagitan ng pagpapatatag at pagpapalawak ng pederasyon AOM sa buong Southern Mindanao para maipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Naglulunsad ng mga pagsasanay sa paraligal, sustenableng agrikultura, pagpapatakbo ng organisasyon pati na sa pagtatalumpati, at iba pang kasanayan.
Sa mga ARB na naipagwagi na ang kontrol sa sariling lupa, kagyat na usapin kung papaanong isasagawa ang produksyon na nagsasaalang-alang sa pagkalason ng lupa na deka-dekadang sinira ng mga kemikal, gayundin ang kasanayan at kaalaman ng mga magsasaka, pati na ang pamilihan sa mga produkto.
Sa kalagayang ito, obligado ang mga magsasaka na ituloy sa isang antas ang produksyon ng saging. Pinag-uusapan ng kanilang organisasyon ang pag-iwas sa utang o kaya’y pag-utang sa mababang interes upang unti-unting mawakasan ang isa sa pinakaepektibong mga paraang ginagamit ng asendero at kapitalista sa pangangamkam ng lupa. Tiyak na magiging sentro ng tunggalian ang usapin ng pagbili sa kanilang produktong saging.
Kasabay ng pangkagyat na mga usapin, tinatanaw ng mga magsasaka ang pagmatagalang hamon kung paanong hindi na muling mapasakamay ng mga asendero ang lupa. Susi dito ang pinagsisikapang paglipat mula sa produksyong monocrop tungo sa komprehensibo, integrado, planado at kolektibong pagsasaka, laluna sa mga magsasakang halos sa gawaing plantasyon na tinubuan ng bait. Kailangan ito upang mapaliit ang masamang epekto ng mga sakuna at sakit ng pananim, mapangibabawan ang monopolyo ng agribisnes sa pamilihan, matiyak ang seguridad sa pagkain, at mapanumbalik ang kalusugan ng lupa.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171007-laxadban-paxadra-baxadwixadin-ang-mga-planxadtaxadsyon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.