Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 7): Paglabag sa karapatang-tao, tumitindi sa ilalim ng batas military
Tatlong pamamaslang, siyam na iligal na pang-aaresto at dumaraming dinarahas, ito ang pinakahuling mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na dinaranas ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Pamamaslang. Noong Hulyo 21, pinaslang ng mga elemento ng 71st IB at 46th IB si Boy Cañete, magsasaka at residente ng Maragusan, Compostela Valley. Si Cañete ay kasapi ng Hugpong sa mga Mag-uuma sa Walog Compostela.
Samantala, isa pang magsasaka, si Alberto Tecson, ang pinaslang noong Hulyo 24 ng nakabonet na kalalakihan. Kasapi si Tecson ng Nagkahiusang Mag-uuma ug Mangingisda sa Bulado, organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa Brgy. Bulado, Guihulngan City, Negros Oriental. Binaril siya sa loob ng kanyang bahay, kinaladkad palabas at muling binaril. Bago nito, inakusahan siya ng mga sundalo na naghatid ng mga Pulang mandirigma sa kanyang pump boat. Ilang linggo nang minimilitarisa ang komunidad ni Tecson.
Sa Masbate, pinaslang ng mga elemento ng militar ang magsasakang si Edgar Suriaga na residente ng Brgy. Gangao, Baleno, Masbate. Umaga ng Hulyo 31, pinaulanan ng bala ang kanyang bahay kung saan agad siyang nasugatan. Kinaladkad siya palabas ng kanyang bahay, kinulata at binaril sa ulo.
Detensyon at iligal na pang-aaresto. Inaresto ng PNP si Belinda Capacite, myembro ng Asosasyon han Kablas nga Parag-uma ha Can-avid sa Eastern Samar sa akusasyong tagakulekta diumano siya ng rebolusyonaryong buwis. Ayon sa kanyang anak, sapilitang pinasok ng mga nakasibilyang pulis ang bahay ng kanyang ina, ininteroga ang kanyang ama na si Rodolfo bago tinangay si Belinda para ikulong. Dahil sa stress, dalawang beses na hinimatay si Belinda at kinailangang dalhin sa ospital.
Sa Bicol, kinundena ng NDF-Bicol ang iligal na pag-aresto kay Antonio Narvaez, residente ng Sityo Salaysay, Brgy. Sibaguan, Sangay, Camarines Sur, noong Hunyo 19. Bago nito, iligal ding hinalughog ng mga elemento ng 83rd IB ang kanyang bahay.
Pitong magsasaka naman mula sa Salcedo, Ilocos Sur ang dinakip ng mga elemento ng 81st IB noong Hulyo 25. Kinilala ang mga ito na sina Divino Tabucol, Dhanjor Hagacer, Isaias Anganan, Ricardo Foronda Sr., Ronald Dagui, Nicolas Acutan at Ricardo Foronda Jr. Gabi na ng maipasa ang mga ito sa PNP Salcedo. Ininteroga ang mga magsasaka sa akusasyong tagasuporta sila ng BHB.
Samantala, muling isinugod sa ospital si Marcos Aggalao, 74 taong gulang at detenidong pulitikal noong Agosto 4. Ikatlong beses na siyang dinala sa ospital matapos ma-stroke na nagresulta sa pagkaparalisa ng kalahati ng kanyang katawan. Inaresto si Aggalao noong nakaraang taon sa panahong umiiral ang magkatug-mang tigil-putukan ng BHB at AFP at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.
Pandarahas. Mariing kinundena ng Anakpawis at Piglas-Quezon ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa 21 magsasaka ng Hasyenda Uy noong Hulyo 22. Kinasuhan sila ng pagnanakaw ng panginoong maylupang si Dr. Vicente Uy. Ang naturang mga magsasaka ay mga tenante ng pamilyang Uy na dekada nang nagtitiis sa 60-40 na hatian ng kanilang ani, pabor sa pamilyang Uy. Madalas ding nahuhuli ang pasahod sa kanila pagkatapos nilang magtrabaho sa bodega ng pamilya.
Noong Hulyo 25, pinagbantaan ng apat na myembro ng Alamara ang mga mag-aaral ng Salugpongan at residente ng Sityo Dulyan, Brgy. Palma Gil, Talaingod. Hinahanap at pinagtatanong ng mga paramilitar ang mga kasapi ng Parents-Teachers and Community Association na sina Benacio Dalin, Benjo Bay-go at Nonoy Dawsay; at isang mag-aaral ng eskwelahan na si Lando Lalin. Panakot ng Alamara, plano nilang patayin ang isa sa mga ito.
Sa Quirino, hinarang, pinadapa at tinutukan ng baril ng aabot sa 20 pulis ang pamilya ng isang Pulang mandirigma na napaslang sa engkwentro noong Hulyo 26 sa bayan ng Nagtipunan. Dinala ang mag-anak sa PNP Maddela Station kung saan ininteroga sila at tinratong parang mga kriminal. Bago nito, sapilitang lumikas ang mga residente sa kanilang baryo matapos maglunsad ng operasyong militar ang AFP sa kanilang baryo.
Nagdulot naman ng takot sa mga guro at mag-aaral ang pagkampo ng tropa ng 20th IB, sa pangunguna ni Col. Noli Lapizar sa Las Navas National High School noong Agosto 4. Mayo pa lamang ay aktibo nang nag-ooperasyon ang mga sundalo sa lugar. Inokupa nila ang mga gusali ng paaralan kaya napilitang magklase ang mga estudyante sa mga tolda sa labas nito.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170807-pagxadlaxadbag-sa-kaxadraxadpaxadtang-tao-tuxadmixadtinxaddi-sa-ilaxadlim-ng-batas-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.