Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 7): Itaas ang militansya sa paglaban sa rehimeng US-Duterte
Sa harap ng paglaladlad ng rehimeng Duterte bilang kasalukuyang kliyenteng-estado ng imperyalismong US at paggamit sa kamay-na-bakal sa pangangalaga at pagtatanggol sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, tuluyan na nitong sinara ang daan ng pakikipagtulungan sa mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino para sa pagtataguyod ng pambansang soberanya at katarungang panlipunan.
Ipinakikita ng rehimeng US-Duterte na ito ay isang rehimeng kontra-mamamayan. Isa itong rehimeng kontra-magsasaka. Wala sa mga balak nitong ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at sa katunayan ay patuloy ang pang-aagaw ng lupa. Halos 70 magsasakang aktibista na ang pinaslang sa nagdaang taon.
Ito ay kontra-manggagawa, bingi sa daing para sa disente at nakabubuhay na sahod. Tinalikuran nito ang pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon. Binubuwag ang mga piketlayn ng mga manggagawang nakawelga.
Rehimen itong kontra-kabataan. Ipinagpatuloy ang anti-mamamayan at makadayuhang K-12. Nananatiling komersyalisado ang sistema ng edukasyon. Inaangkin ni Duterte ang puri sa batas sa libreng matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad gayong ang mga kabataan at estudyante ang walang-sawang nagsusulong nito.
Kontra-mahirap ang rehimeng US-Duterte. Kulang na kulang ang badyet para sa mga pampublikong ospital, serbisyong pabahay at iba pang saligang pangangailangan ng milyun-milyong mamamayan.
Ang kanyanh gerang kontra-droga ay gerang kontra-maralita. Iniuulat na aabot na sa 12,000 mahihirap ang pinagpapapatay ng mga pulis at bayarang grupong vigilante. Gamit ang pulis, may ilang nilikidang inakusahan niyang mga “druglord.” Malakas ang hinalang ang gayong mga pagpatay ay bahagi ng gera ng mga sindikato at pabor sa ilang grupo.
Ang rehimeng US-Duterte ay kontra-kababaihan, kontra-kalikasan, kontra-Lumad, at kontra-Moro.
Tahasang tinapos ni Duterte ang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Pasistang hibang si Duterte. Para sa kanya, mas mababang uring tao na walang karapatang mabuhay ang mga ituturing niyang kalaban. Labis na malaki ang turing ni Duterte sa kanyang sarili. Sa kanyang isip at pananalita, siya ang gubyerno. Siya ang batas. Tinatakot ang mga husgado at pinaiiral ang kanyang absolutong paghahari. Kay Duterte, walang karapatang-tao, laluna kung ang mga iyon ay makahahadlang sa kanyang mga plano at kagustuhan.
Subalit nakayuko siya sa imperyalismong US at sa makapangyarihan nitong militar. Wala nang saysay ang mga pagbatikos niya sa US ngayong todo-larga ang mga operasyon ng militar ng US sa Marawi at iba pang lugar. Ang militar ng US pa rin ang hari sa Pilipinas.
Wala nang ibang masusulingan ang sambayanan kundi ang bagtasin ang landas ng militanteng paglaban at sama-samang pagkilos.Gayunpaman, tiyak na patuloy na gagamitin ng tusong pulitikong si Duterte ang iba’t ibang taktika upang pahupain ang galit ng bayan at gayo’y lumawig pa ang kanyang paghahari. Patuloy niyang paaasahin ang mamamayan sa pagsabing “parating na ang pagbabago.” Kahit nagladlad nang maka-US, uulit-ulitin pa rin niyang siya’y Kaliwa o sosyalista. Magpapatupad siya ng mga pakitang-tao, paisa-isa o maliliit na pagbabago upang paasahin ang bayan na kasunod ang mas malalaki pa.
Dapat magpunyagi ang mga pambansa-demokratikong pwersa sa paglalantad sa rehimeng US-Duterte bilang kasalukuyang mukha ng reaksyunaryong paghahari sa Pilipinas. Dapat itaas ang kanilang militansya para pangibabawan kapwa ang panlilinlang at pasismo ni Duterte.
Dapat isulong ng sambayanan ang kanilang anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibaka. Dapat puspusang isulong ang militante at sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at magsasaka, mga kabataan at iba pang mga demokratikong sektor.
Dapat puspusang isulong ang mga pakikibakang anti-pasista laluna sa harap ng todong mga atake sa mga karapatang-tao, walang habas na mga pagpatay, pambobomba at paglapastangan sa buhay at kabuhayan ng masa. Dapat ubos-kayang labanan ang batas militar sa Mindanao ang balak na palawigin at palawakin ito sa buong bansa. Dapat magbantay sa lalong pagtindi ng ala-Tokhang na mga pagpatay at pagtarget maging sa mga pwersang progresibo at rebolusyonaryo.
Mahigpit na iugnay ang pasismo ng rehimeng Duterte at pagpapatupad ng batas militar sa malakihang korapsyon, kroniyismo, pangungutang at mga pabigat na kundisyong dikta ng dayuhan at pakinabang ng mga dayuhang korporasyon sa planong malaking proyektong pang-imprastruktura.
Sa harap ng lumalalang pasismo, korapsyon at pagkatuta ni Duterte, mabilis na lumalalim ang galit ng sambayanan at tumitibay ang kanilang determinasyong lumaban. Dapat mahigpit na pamunuan ang pagbubuo ng malawak na nagkakaisang hanay ng malawak na sambayanan upang ilantad, ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Duterte.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170807-itaxadas-ang-mixadlixadtanxadsya-sa-pagxadlaxadban-sa-rexadhixadmeng-us-duxadterxadte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.