Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 7): 17 armas nasamsam ng BHB-Negros
IPINAGBUNYI NG mamamayan ng isla ng Negros ang matagumpay na ambus na isinagawa ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command o LPC) noong Hulyo 21 sa Sityo Magsaysay, Brgy. Mandi-e, Guihulngan City sa Negros Oriental sa mga pwersa ng Philippine National Police (PNP)-Guihulngan.
Umaahon sa zigzag na kalsada ang sinasakyang mobil ng mga pulis nang sila ay ambusin ng mga Pulang mandirigma. Matapos lamang ang kalahating oras, ganap na nalipol ang isang iskwad ng pulis. Nasamsam mula sa kanila ang lahat ng dala nilang armas, kabilang ang anim na M16, tatlong M4 assault rifle, pitong pistolang 9mm, at isang pistolang kalibre .45. Nakuha rin ng LPC ang siyam na bandolier, mga magasin at mahigit 1,000 bala.
Anim ang patay sa kaaway, kabilang ang hepe ng PNP-Guihulngan na si Superintendent Arnel Arpon. Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng LPC, labis ang kagalakan ng mamamayan ng Guihulngan laluna ang mga pamilya ng mga biktima ng naturang mga pulis dahil malaon na silang naghihintay ng hustisya para sa mga krimen ng mga ito. Kabilang sa maraming krimen ng PNP-Guihulngan ay ang pagpatay sa magkapatid na Vergara na sina Irol at Roland Jr. at ama nilang si Roland Sr. Noong Marso 2008, si Irol ay iligal na inaresto at pinahirapan nang matindi bago patayin. Magkasunod namang pinaslang ang dalawa pang Vergara noong 2009 at 2010 nang magpursige silang kasuhan ang mga salaring pulis.
Maliban dito, nagsilbi ring bayarang mamamatay-tao ang mga elemento ng PNP-Guihulngan kabilang sa pagpatay kay Cyrus Fat, myembro ng Sangguniang Panglungsod ng Guihulngan, noong Pebrero 2014. Binaril din at sinunog ng mga pulis ang mag-asawang sina Brgy. Kagawad Endrique at Rosalie Calago noong Mayo 2015.
Protektor din ang PNP-Guihulngan ng mga druglord at nagtutulak ng shabu sa syudad mula sa Cebu City. Nangangalaga rin ito ng grupo ng mga kawatan na responsable sa pagnanakaw sa mga bilihin, maging sa Simbahang Katoliko.
Ambus sa Ilocos Sur. Sa Ilocos Sur, sampu ang kumpirmadong patay at lima ang sugatan sa hanay ng 81st IB nang ambusin sila ng BHB-Ilocos Sur (Alfredo Cesar Command o ACC) sa Barangay Sorioan, Salcedo noong Hulyo 22. Inilihim ng 81st IB ang kanilang kaswalti at inamin lang ang mga sugatan na sina 2Lt. Jade Lyzterdan P. Gavino, Cpl Robertson Caalim, PFC Jayson B. Aboc, PFC John Joshua M. Toledo at PFC Jefree L. Alferez.
Ayon kay Ka Saniata Maglaya, tagapagsalita ng ACC, ang ambus ay parusa sa 81st IB sa pagsilbi nito bilang protektor ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation. Walang habas ding inookupa ng 81st IB ang mga pampublikong lugar tulad ng mga eskwelahan, barangay hall, plasa at kabahayan.
Sa laki ng pinsalang tinamo, nagpalabas ng pekeng balita ang kumander ng 81st IB na si Lt. Col. Eugenio Julio C. Osias IV na mayroon umanong namatay, sugatan at nahuli mula sa BHB. Tinakot at iligal ding inaresto ang pitong residente ng karatig na barangay ng Baybayading.
Mga operasyong haras sa Samar. Sa Northern Samar, hindi bababa sa sampung sundalo at paramilitar ng 52nd IB-CAA ang napatay sa serye ng mga opensiba ng BHB-Northern Samar (Silvio Pajares Command o SPC) mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 29. Tinarget ng mga operasyong haras ang mga kampo ng 52nd IB-CAA gamit ang kumbinasyon ng mga riple at command-detonated na eksplosibo.
Noong Hunyo 29, bandang alas-11 ng gabi, hinaras ng mga Pulang mandirigma at yunit milisya ang detatsment ng 52nd IB-CAA sa Brgy. Bangon, Gamay. Patay ang kumander ng yunit ng kaaway na si Sgt. Falconete at lima pang sundalo. Sa parehong gabi, isa pang yunit ng SPC ang umatake sa kampo sa Brgy. Carawag, Palapag. Isang sundalo ang napatay dito.
Noong Hulyo 24, ala-una ng madaling araw, ang kampo naman sa Brgy. Potong, Lapinig ang inatake ng SPC. Tatlo ang patay sa kaaway at malubhang nasugatan ang kumander ng detatsment. Pagsapit ng Hulyo 29, bandang alas-5:30 ng hapon, hinaras naman ang detatsment sa Brgy. Bangon, Gamay. Ayon sa mga tagabaryo, ang isang nakahiwalay na yunit ng kaaway na nasa kalapit na burol ay nagmadaling makalayo sa lugar at naiwan ang kanilang mga baril.
Samantala sa Southwest-Eastern Samar, magkasabay na inatake ng pinagsanib na pwersa ng Jorge Bolito Command at Sergio Lobina Command ang mga elemento ng 87th IB at 52nd IB sa Basey noong Hulyo 27. Unang hinaras ng mga Pulang mandirigma ang nakakampong 52nd IB sa Brgy. Baloog bandang alas-5 ng umaga. Matapos nito, inatake naman ng isa pang yunit ng BHB ang nagpapatrulyang siyam-kataong iskwad ng 87th IB sa Brgy. Mabini. Ayon sa ulat ng mga residente, anim na elemento na lamang ang bumalik sa mga nagpatrulya. Apat na araw matapos nito, sinunog ng mga kasama ang itinatayong kampo ng mga sundalo sa Brgy. Mabini.
Pagpapalaya ng POW. Sa Southern Mindanao, pinalaya ng BHB-Southern Mindanao Region noong Hulyo 28 ang bihag ng digma na si PO1 Alfredo Basabica Jr. matapos ang 17 araw na pagkakabihag ng BHB.
Ipinasa si Basabica kay Secretary Christopher Bong Go ng Office of the Special Assistant to the President, na siyang nangasiwa sa pagpapalaya ng pulis. Dalawang araw matapos nito ay iprinisinta si Basabica kay Pres. Duterte ng GRP na noo’y nasa Davao City.
Isinaad sa release order ng NDFP na pinalalaya si Basabica dahil sa ipinakita nitong mabuting gawi at kondukta habang nasa kustodya ng BHB at sumasailalim sa imbestigasyon. Nagpakita rin ng pagsisi si Basabica para sa kanyang mga paglabag at boluntaryong nagpahayag ng paghinto sa pagsagawa ng karagdagang mga krimen laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Ayon kay Ka Rene ng Front Committee 25 ng BHB-SMR, pinalaya si Basabica sa kabila ng pagkakahinto ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Dagdag pa, mas maaga pa sana umanong napalaya si Basabica kundi lamang naantala ng mga operasyong militar.
Si PO1 Basabica ay nadakip ng BHB noong Hulyo 11 sa bayan ng Compostela, Compostela Valley.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170807-17-arxadmas-naxadsamxadsam-ng-bhb-negxadros/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.