Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 7): Duterte, muling lumadlad na kontra-Lumad
Nagmula sa sariling bibig ni Presidente Duterte ng GRP ang pagiging kontra-katutubo nang magbanta siya sa press conference pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) na ipabobomba ang mga eskwelahang Lumad.
Sa harap ng malawakang batikos, sinikap itong bawiin ng tagapagsalita ng AFP na si Restituto Padilla, bilang umano’y talinghaga lamang ng pangulo. Lalong bumaluktot at sumama ang timpla nang ipaliwanag niyang ang mga eskwelahang walang bata lamang ang ipabobomba, at ipasasara yaong hindi rehistrado.
Ang totoo, bago pa man ang SONA, matagal nang pinatindi ng rehimeng US-Duterte ang panggigipit sa mga paaralang Lumad sa pagpapatuloy ng noo’y Oplan Bayanihan hanggang sa ilalim ng ngayong todo-gerang Oplan Kapayapaan. Walang katapusan ang mga insidente ng libu-libong Lumad na nagbakwit sa harap ng panghaharas, masaker at pambobomba sa kanilang mga komunidad.
Pinakamatindi ang naging atake sa Lianga, Surigao del Sur kung saan pinatay ang direktor ng eskwelahang ALCADEV noong Setyembre 1, 2015. Winasak at sinunog din ang isang eskwelahan ng ALCADEV sa Sibagat, Agusan del Sur noong Nobyembre 12, taon ding iyon, at iba pang mga eskwelahan sa Talaingod at Kapalong sa Davao del Norte na nagresulta sa maramihang paglikas. Noong Oktubre 23, 2015, isinara ng paramilitar kasama ang mga tropa ng AFP ang Fr. Fausto Tentorio Memorial School na pinamamahalaan ng Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. (MISFI) sa Barangay White Kulaman, Bukidnon. Marami pang ibang paaralan ang sinunog o pilit na ipinasara sa mga probinsyang ito.
Pinakahuli ang pag-istraping noong Hunyo 20 sa Salugpongan Ta’ Tanu Igkanugon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) sa Palma Gil, Talaingod. (Tingnan sa Ang Bayan, Hunyo 21, 2017.) Bago nito ay pinatay ang mag-asawang Leonela at Ramon Pesadilla noong Marso 2 sa Barangay Ngan, Compostela Valley dahil nagbigay sila ng lupang pagtatayuan ng paaralang Lumad.
Nakapagtala ang Save Our Schools (SOS) Network ng mahigit 95 atakeng militar at paramilitar sa mga paaralang Lumad noong 2014. Sa 53 na nakatalang kaso naman ngayong taon, 47 nito ay sa mga eskwelahang pinamamahalaan ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanugon. Labingwalo sa 55 paaralan ng Center for Lumad Advocacy and Services (CLANS) sa Palembang, Sultan Kudarat ay napilitang magsara dahil sa nagpapatuloy na militarisasyon.
Karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ang paaralan
Pinahahalagahan ng mga katutubo ang edukasyon bilang bahagi ng pagpapaunlad sa kanilang kakayahang magpasya sa sarili. Sa mahabang panahon, sinamantala ang kanilang kamangmangan upang agawin ng malalaking kumpanya sa pagmimina, pagtotroso, at plantasyon ang kanilang lupang ninuno.
Wari’y sinasadya ng gubyerno na gawing napakahirap para sa mga Lumad ang makapag-eskwela. Ang mga elementaryang pampubliko na malapit sa lugar ng mga Lumad ay kadalasang walang guro, o kung mayroon man, ay tatlong araw lang sa isang linggo ang klase dahil manggagaling pa sa malayo ang guro. Sa patakaran ng DepEd na walang estudyante ang maaaring ibagsak ng grado, marami ang nakakarating sa Grade 6 na hindi halos makapagsulat at makapagbasa. Liban pa rito ang paggamit ng paraan at pagtuturo ng mga paksa na napakalayo sa pangangailangan ng mga mag-aaral.
Ang nakatayong mga paaralang Lumad na pinag-iinitan ni Duterte ay itinataguyod ng mga katutubo dahil tinitiyak ng mga ito na natututo ang mga bata hindi lamang ng pagbabasa at pagsusulat kundi ng mapanuring kamulatan at ng mga kasanayang magagamit agad sa komunidad, lalo na sa sariling pagpapasya ng komunidad. Ginagamit ng mga guro ang mga epektibong pamamaraan tulad ng awit, sayaw at kwento upang patuloy na mapaunlad ang kulturang katutubo habang epektibong naipapatimo sa mga mag-aaral ang mga paksa.
Nagiging komprehensibo ang serbisyo ng paaralan sa komunidad. Nagsasanay sa pangangalaga ng kalusugan kaya nagiging upisyal pangkalusugan din ang mga nakapagtapos. Ang mga klinika ng paaralan ay nagiging klinika ng komunidad. Nag-aaral din sa pagpapaunlad ng agrikultura kaya ang paaralan ay may sariling produksyon na tumutustos sa mga pangangailangang gastos. Noong 2001 at 2005, ginawaran ito ng National Literacy Award. Nasa pinal na listahan din sila sa naturang gantimpala noong 2014.
Ang halos 150 paaralang Lumad ngayon sa Region 11 at Region 12 ay nakapagpatapos na ng mahigit 5,000 sa elementarya at hayskul. Tumutulong na bilang mga katuwang ng mga guro ang marami sa mga nakapagtapos.
Dati ay halos hindi mangahas mangarap ang mahihirap na Lumad ng makapagpahayskul ng mga anak. Ang may kaya lamang sa buhay ang nakagagawa nito, dahil sa layo ng hayskul ay kailangang gumastos ang estudyante sa arkila ng dormitoryo at hiwalay na pagkain, maliban sa napakaraming mga bayarin at matrikula at gamit pang-eskwela. Nilulutas ito ng mga paaralang Lumad sa pagtatayo ng dormitoryo sa eskwelahan mismo at pagsagot sa lahat ng gastos, hanggang pagkain, papel at libro.
Ang mahigit 400 boluntaryong guro ng STTICLC ay organisado sa Association of Community Educators (ACE). Organisado rin ang mga mag-aaral. Sila ang pinakaaktibo sa pagtatanggol sa kanilang paaralan at pagbabahagi sa komunidad ng kanilang natutunan.
Pagsisikap ng komunidad ang paaralang Lumad
Nagsimula ang mga paaralang Lumad sa ilalim ng Rural Missionaries of the Philippines noong 1990 bilang mga sentrong pang-literasiya-numerasiya sa bandang Compostela Valley. Nagtayo rin ang MISFI noong 2005 bilang bahagi ng komprehensibong pagharap sa sakuna, sa oryentasyong tri-people kaya saklaw ang pagtatayo ng paaralang Moro sa Carmen, North Cotabato. Karamihan sa mga ito ay di-pormal na mga eskwelahan.
Sa patuloy na kahilingan ng mamamayang katutubo, itinayo ang mga pormal na paaralan noong 2005, kaya’t nagkaroon ng STTICLC at MISFI Academy na rehistrado sa DepEd. Naigiit pa ng mga katutubo sa DepEd na magbuo ito ng partikular na patakarang babagay sa mga paaralang katutubo, na di tulad ng karaniwang mga komersyal na pribadong paaralan. Habang dumarami ang mag-aaral ay naitayo ang mga hayskul noong 2013. Sa iba’t ibang rehiyon ay iba’t ibang grado ang itinatayo batay sa pangangailangan.
Sa harap ng matinding pangwawasak ng militar laluna simula noong 2014, ipinagtanggol ng mga katutubo ang kanilang mga paaralan. May mga kaso pang mga tradisyunal na armadong Lumad mismo ang lumalaban sa paramilitar. Ginamit din ng AFP sa kanilang IP-centric Approach na programang kontra-insurhensya ang pagtatayo ng diumano’y mga paaralang Lumad noong 2015-2016, na nagtuturo ng pagiging sunud-sunuran sa mapaniil na gubyerno. Ngunit dahil nauunawaan ng mga Lumad ang kanilang pakikibaka para sa sariling pagpapasya at pagtatanggol sa lupang ninuno, patuloy nilang tinatangkilik ang mga paaralang Lumad na sila mismo ang nagtayo at nagtataguyod.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170807-duxadterxadte-muxadling-luxadmadxadlad-na-kontra-luxadmad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.