Propaganda article from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21): Programang CLIP, pinalawak (CLIP program, expanded)
Nitong Enero, ipinagmalaki ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakapagbigay umano ang departamento ng P101.67 milyon bilang "ayuda" sa 1,573 “dating rebelde” sa nakaraang dalawang taon. Ang pondong ito ay nakapailalim sa programang Comprehensive Local Integration Program (CLIP) na nakabalangkas sa Oplan Bayanihan ng AFP.
Ayon mismo sa DILG, layunin ng CLIP ang "reintegrasyon" ng mga dating Pulang mandirigma para maabot ang "permanenteng pagtatapos" ng armadong pakikipaglaban ng Bagong Hukbong Bayan. Nagkakahugis ito sa "maramihang pagsurender" ng kadalasa’y mga sibilyan sa mga komunidad na pinalalabas na dating kasapi ng BHB.
Sa maraming kaso, ginagamit ng mga lokal na upisyal militar ang pondo nito bilang palabigasan, lalupa't madali lamang mag-imbento ng mga pekeng surenderi mula sa malalayong baryo at bayan. Kung mayroon mang totoong nagsurender, hindi rin ibinibigay ng buo ang pinansyal na ayuda kundi ibinubulsa ng mga upisyal na nasa kapangyarihang magdesisyon kung aaprubahan ang bawat kaso.
Isinasabay ang CLIP sa mga operasyong triad ng AFP at pagbitag sa PKP at NDFP sa walang taning na tigil-putukan sa tangkang gawing pasibo ang rebolusyonaryong kilusan. Sa ilalim nito, maramihang tinitipon ang mga residente, pinapipirma sa mga blankong papel, dinadala sa mga sentrong bayan para magrali laban sa Partdo Komunista ng Pilipinas, BHB at NDFP at saka ipiniprisinta sa midya bilang mga sumurender na Pulang mandirigma.
Isang halimbawa ang ginawa ng Civil Military Operations ng 401st IBde at lokal na pamprubinsyang pamahalaan sa Jabonga, Agusan del Norte noong 2016. Matapos ang may tatlong buwang panggigipit, anim na sibilyan ang iniharap sa gubernador ng prubinsya noong Oktubre 21, 2016 bilang mga surenderi. Matapos ang seremonya, binawi ng mga upisyal ng lokal na pamahalaan at 401st IBde ang "ayuda" sa kanila. Kailangan diumano ang pondo para sa mga proyekto ng DSWD at para sa 26 na iba pang sibilyang "napasurender" ng mga sundalo.
Katuwang ng DILG ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa pagpapatupad ng CLIP. Para sa 2017, humingi ang ahensya ng kabuuang P8 bilyong badyet (mula sa mahigit P700M noong 2016) para umano sa mga proyekto ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA), na siya ring nagpopondo ng umano'y ayudang medikal at mga *safehouse ng mga “nagbalik-loob na rebelde” sa ilalim ng CLIP.
Pinasimulan ang CLIP sa ilalim ng Oplan Bayanihan at ipinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimen. Bago nito, dati nang nagpatupad ng kahalintulad na mga programa ang reaksyunaryong gubyerno, tulad ng National Reconciliation and Development Program noong 1986, Balik-Baril Program ng rehimeng US-Ramos, Balik-loob Program noong 2000, at ang Social Integration Program sa panahon ni Macapagal-Arroyo.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-programang-clip-pinalawak/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.