Propaganda article from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21): Paggamit ng social media para sa rebolusyon (Using social media for revolution)
Sa paglulunsad ng koordinadong mga peace forum noong Disyembre 26 sa buong bansa, naging tampok ang paggamit sa social media bilang paraan ng mabilis na pagpapabatid sa mamamayan ng mahahalagang impormasyon mula mismo sa rebolusyonaryong base ng Bagong Hukbong Bayan.
Mula Paquibato, Davao City, direktang nasaksihan sa buong bansa at sa buong daigdig, ang “live-feed” sa Facebook at Twitter ng Philippine Revolution Web Central (PRWC) na ipinu-post (inilalagay) ng mga rebolusyonaryong koresponsal mula sa lugar mismo ng malaking raling pangkapayapaan. Nai-upload rin ang iba’t ibang bidyo kabilang ang pagmamartsa ng mga platun ng Bagong Hukbong Bayan papasok sa lugar ng pagtitipon. Sa loob ng ilang araw, umabot sa halos 80,000 ang nakapanood nito.
Ang social media ay ang ugnayan ng mga gumagamit sa internet sa pamamagitan ng malalaking komersyal na website katulad ng Facebook (FB), Twitter, Youtube, Instagram, mga blog, gayundin sa pamamagitan ng email. Laganap ang paggamit sa Pilipinas ng social media laluna ng kabataan at ng mga migranteng manggagawa.
Tuluy-tuloy na lumalawak ang paggamit ng rebolusyonaryong kilusan sa social media bilang paraan ng mabilis na pagpapabatid sa publiko at palitan ng impormasyon. Sa Panay, lahat ng kumand ng BHB sa isla ay may FB account at regular na nagpu-post o nagbabahagi (share) ng mga bagong mensahe, tula, at larawan. Ito ay sinuhayan ng maraming mga FB account ng iba pang mga aktibista at mga kaalyadong "friend" (kaugnayan) upang mas mapalawak ang maabot sa pamamagitan ng tagging at share. Sinuportahan ng Panay ang hashtag na #WakasanOplanBayanihan; #EndOplanBayanihan; #LayasMilitar; #CPP48; #NationalPeaceAssembly; #JoinNPA; at #CherishNPA.
May FB account din sina Jaime “Ka Diego” Padilla at Cleo del Mundo ng Southern Tagalog; si Maria Roja Banua at Armando Catapia Command; at ng rebolusyonaryong pahayagang Silyab at Tilamsik ng Bicol. Mayroong kani-kanyang blog ang lahat ng mga kumand na nakapailalim sa BHB-Bicol. Nitong huli, nagbukas na ng FB account ang NDF-Northeastern Mindanao.
Samantala, may mga Twitter account ang dati nang nakatayong mga website tulad ng NDFP (@ndfp_info) at Philippine Revolution Web Central (@prwc_info). Dito mabilis na ipinababatid ng dalawang website ang mga bagong balita at impormasyon. Mayroon ding mga account ang konsultant ng NDFP tulad nina Luis Jalandoni at Jose Ma. Sison.
Marapat na matalinong gamitin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang social media bilang paraan ng pag-abot sa malawak na mamamayan. Ang paggamit sa social media, lalo na sa kabataan, ay lumalaganap na hanggang sa kanayunan. Nagiging madali para sa kabataan na pumasok dito dahil may mga libreng serbisyo ang FB. Sa ganitong paraan, maaari nang mabilis at maagap na maipalaganap ang mga balita at pahayag ng Partido at ng Bagong Hukbong Bayan sa pwersa at masa, ang Ang Bayan at mga bidyo nito, kasabay ng mga rebolusyonaryo at progresibong awit, at gawing karaniwang laman ng mga selpon ng kabataan. Gayundin, maaari itong gamitin ng mga yunit ng BHB para mabilis na makapagpaabot ng mga ulat ng mga tagumpay, tulad ng mga taktikal na opensiba o ng mga masang organisasyon sa anumang antas ng mga detalye ng paninibasib ng mga pwersa ng AFP sa kani-kanilang lugar. Pinakaepektibo ito kung nalalakipan ng larawan at/o bidyo.
Gayunpaman, dapat mulat ang rebolusyonaryong kilusan sa mga limitasyon ng ganitong paraan. Hindi ito dapat ituring na kapalit ng mas epektibong tuwirang pagpopropaganda at pag-oorganisa sa masang Pilipino. Tungkulin pa rin ng mga aktibista at organisador na abutin ang malawak na masa habang ginagamit na epektibong suplemento ang social media.
Ikalawa, dapat maging matalas at mapanuri ang mga kabataang mahilig sa Facebook upang mahalaw ang tama at totoo, at maiwaksi ang mga sadyang panlilinlang. Malaki ang makinarya ng reaksyunaryong militar na sadyang gumagawa ng mapanlinlang na mga account upang lituhin ang mamamayan. Malaki ang badyet nito upang lumikha ng iba’t ibang troll (pekeng) account at mga bayarang “friends." Kamakailan, naglabas ng pekeng bidyo ang militar kung saan "nagkasundo" ang isang yunit ng BHB at mga sundalo sa panahon ng pasko. Sa bidyong ito, may eksenang nakikipagkamay ang mga nagpapanggap na mga Pulang mandirigma sa mga sundalo habang ipinalalaganap ang baluktot na mensaheng “kapayapaan” ng militar.
Ikatlo, tiyak na pag-iinteresan ng mga ahente ng militar ang mga account ng mga rebolusyonaryo sa FB at iba pang social media outlet. Kaya dapat pag-aralan at gamitin ang mga gerilyang paraan ng paggamit sa internet para mapangalagaan ang kanilang identidad at lokasyon.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-paggamit-ng-social-media-para-sa-rebolusyonrn/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.