Propaganda article from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21): Ikatlo sa serye ng peace talks, nagsimula na (Third in a series of peace talks, begun)
Nagsimula na nitong Enero 19 sa Rome, Italy, ang ikatlong round sa serye ng peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP na magtatapos sa Enero 25. Layunnn ng usapan ang pagtalakay sa sustantibong adyenda ng sosyo-ekonomikong mga reporma. Dito’y magpapalitan at magkakaisa ang dalawang panig sa inihanda na nilang mga borador para sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER).
Sa pagbubukas sa negosasyon, sinabi ni Prof. Jose Maria Sison, pinunong pampulitikang tagapagayo ng NDFP panel, na maaaring patuloy na mag-usap sa mabuting paraan ang dalawang panel hangga't tumutugon ang usapan sa ugat ng armadong tunggalian at pagsisikap na mapunuan ang mga kahingian ng mamamayan para sa batayang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang mga reporma. Ito’y upang mailatag ang pundasyon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at itatag ang isang Pilipinas na tunay na nagsasarili, demokratiko, makatarungan, masagana at maunlad.
Inilinaw ng NDFP na handa rin itong makipag-alyansa sa GRP at gubyernong Duterte sa pagtatag ng Pederal na Republika ng Pilipinas na magbubuo ng bagong konstitusyon para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, kaunlarang pang- ekonomya, panlipunang hustisya, pag-unlad ng kultura, nagsasariling patakarang panlabas, at pakikiisa sa mga mamamayan ng lahat ng bayan para sa kapayapaan at kaunlaran. Walang partikular na superyoridad ang pederal na sistemang pang-estado sa unitaryong sistema, lalo na kung dala nito ang dati nang mga sakit ng dating sistema at walang mga konstitusyunal na pananggalang sa oligarkiya at pagpapakatuta, korapsyon at warlordismo.
Inaasahang magpipirmahan sa Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms (CAPCR) matapos ang susunod na isa o dalawang round. Magbibigay ito sa GRP ng apat na taon upang ipatupad ang CASER at CAPCR at maglalatag ng batayan para sa Comprehensive Agreement on the End of Hostilities and Disposition of Forces at mutwal na pangkalahatang amnestiya sa mga upisyal at sundalo.
Mga reklamong paglabag sa CARHRIHL
Bago pa man magbukas ang negosasyon, inilahad na ng NDFP ang mga seryosong usapin na nakikita nitong sagka sa pagpapatuloy ng unilateral na tigil-putukan at nagpapalabo sa pagkakasundo para sa isang bilateral na kasunduan para rito. Ayon sa NDFP, pormal nang isinumite ang mga usaping ito kaugnay ng patuloy na paglabag ng GRP sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.
Kabilang sa mga usaping ito ang seryosong pagtataksil nang imungkahi ng gubyernong Duterte na iatras nina NDFP consultant Eduardo Sarmiento, Emeterio Antalan at Leopoldo Caloza ang kanilang apela sa husgado laban sa mga gawa-gawang kaso para kunwa'y magawaran sila ng pardon ng presidente. Dahil hindi ibinigay ang pardon o amnestiya, naging pinal ang kanilang mga sentensya.
Inireklamo rin ang isinasagawang sarbeylans at harasment sa mga konsultant, sa pamamagitan ng mga taong nakasakay sa motorsiklo. Inihain rin ang reklamo sa kawalang-aksyon ng gubyerno sa pagkakawala ng mga konsultant na protektado sana ng JASIG tulad nina Leo Velasco, Prudencio Calubid, at asawa’t kamag-anak; Rogelio Calubad at anak; Nestor Entice at asawa; Leopoldo Ancheta; at Philip Limjoco; gayundin ang pagpatay kay Sotero Llamas, na naganap lahat sa panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo.
Isinampa rin sa JMC ang reklamo tungkol sa patuloy na operasyon ng militar at pulis, kabilang ang pag-okupa sa mga komunidad at pasilidad pampubliko, iligal na panghahalughog at interogasyon para takutin ang mga tao sa 146 munisipalidad sa mahigit 43 probinsya. Isinama rin ang mga kaso ng pamamaslang sa mga inosenteng mamamayan dahil sa brutal at walang-pakundangang paraang gamit ng mga pulis sa gera kontra droga, ang patuloy na pagbilanggo sa halos 400 bilanggong pulitikal, at ang patuloy na hindi pagbigay ng bayad-pinsala sa mga biktima ng diktadurang Marcos at pagbabaluktot ng kasaysayan sa pagpapalibing kay Marcos bilang bayani.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-ikatlo-sa-serye-ng-peace-talks-nagsimula-na/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.